Cheerdancing at Budget Cut sa Edukasyon

At least ang PEP Squad ay nakapagpaunlad ng idioma ng global na edukadong kabataang karanasan—gumamit ng moves na halaw sa katutubong sayaw, pati na rin ang turistang diskurso ng Flower Festival ng Baguio City, at ang costumes ay may print pattern mula sa katutubong habi. May effort man lang na isalin ang global na kosmopolitanismo sa antas ng pambasa.

May dalawang antas ang kabalintunaan ng masteri ng UP na panggagaya pero hindi lubos na ginagaya ang global. Una, nangunguna ito sa pambansang antas sa pagpapatagos ng defining substance ng global na karanasan. Sa neoliberalismo at komersyalisasyon, ang pagtanggal ng safety net sa pagpapapasok ng negosyo sa pag-exploit ng kanyang “idle resources” (nawala ang long-term academic expansion, pumalit ang medium-term developmental goals), at ang pagtaas ng matrikula at iba pang gastusin na nilalayong pumantay sa komersyal na halaga.

Ang epekto nito ay ang marketisasyon ng edukasyon: pag-aalok ng kurso at programang bebenta sa merkado, spesyalisasyon ng mga fakulti, pagdaot sa inaakalang overstaffed populasyon ng staff, at ang pag-etsapwera sa mga mag-aaral na walang kapasidad tumustos sa kanilang edukasyon. Maniningning ang mga gusali sa UP-Ayalaland Technohub, pero wala itong direktang kinalaman sa kalakaran ng edukasyon, sa negosyo lamang ng edukasyon.

Ang ikalawang kabalintunaan ay sa karahasan sa akto ng pagpapatupad ng neoliberal at komersyalisadong edukasyon. Naitatago ng spektakulo ng cheerdancing ang budget cut at iba pang karahasan. Kahit pa turing sa cheerdancing ay mababang sports sa uniberso ng UAAP (hindi nga ba’t parating kawing sa tagumpay ng Pep Squad ay ang pangkalahatang blunder ng basketball team ng UP?), ay natagpuan ng UP ang kanyang niche.

Hindi pwede ang sikuhan o larong Jaworski sa cheerdancing. Feminisado ang kalakaran dito. Pati ang panonood, dahil hindi ito competitive sport na kahanay ng basketball o football man lang. Ito ay kumpetisyon, sa pangunahin, ng itinakdang pagtatanghal ng bawat grupo. Kanya-kanyang benchmarking, at kung gayon, kanya-kanyang pagpupursigi na maging the best that they can be. Na parang Miss Universe at iba pang beauty pageant: may hulmahan ng kagandahan at spektakulo, at ang hinahanap ay ang pinakamabuting lokal na idioma ng global na kagandahan.

Ang audience ay reduced sa sarili nilang cheering: cheering para sa cheering ng cheerdancers. At ang disjunctive mode ay nasa iba’t ibang level: wala sa kultura ang orkestradong cheering (ang pinakamalapit na ay ang Baranggay Ginebra), at kung gayon ano ang tsini-cheer ng manonood? Hindi ba’t ang tagumpay ng panggagaya? Kung ang ginagaya ay ang global na karanasang sinisiwalat ng cable channels at pelikula, ang tsini-cheer ay ang simulacrum ng imaheng ito na ginagawa ng lokal na team.

Ang imahen ay purong virtual. Dito matutunghayan ang operasyon ng kapital, kapitalismo, fasismo, burukrata kapitalismo, pyudalismo, at iba pa. Ang resulta ng pagtunghay ay ang apropriasyon ng virtual (ang cheerdance) bilang tunay (historikal). Na kahit na ipaloob ang UP at iba pang SUCs sa pinakamalaking budget cuts, paglangoy ng sarili sa globalisasyon at neoliberalismo, hindi ito lubos na tinutunghayan.

Ang pinanood, at muli’t muling pinapanood sa viral media (Youtube at Facebook) ay ang tagumpay ng apropriasyon, isang inkorporasyon sa historikal na kalakaran ng kapital. At dahil hindi naman natin nakikita ang pagkaunlad ng pera para maging tubo, tinutunghayan natin ito sa kanyang purong virtual na estado: cheerdancing, halimbawa.

Na kahit mabalian ng mga buto ang cheerdancers, o magkabagsak-bagsak sa kanilang academics, sa akto ng pagtatanghal, ang pinapanood ay ang perfektong galaw at sinkronisasyon, ang tagumpay ng lokal na idioma, at ang saliw ng perfektong pormang umaalinsabay sa kilos ng historikal na kapital. Na handang ipagpalit ang karahasan sa katawan at kolektibong kamalayan, akuin ang tagumpay bilang sukdulang team spirit (lalo nga sa boladas na non-performance ng basketball team), at ikalat ito sa kanyang maikling buhay ng pagbubunyi.

Pinapanood ko ang triple somersault in the air, sinkronisadong pagkilos ng kalalakihan at kababaihang cheerdancers, ang pyramid na formasyon, ang cheering ng kapwa manonood, at nauunawaan ko kung bakit hindi ito kamangha-mangha mula sa abot-tanaw na pwesto ko sa Araneta Coliseum. (Bulatlat.com)

Share This Post