Pag-aalaala at Paggunita sa Setyembre 21, 1972

Ni ROLAND TOLENTINO
Bulatlat.com

Sa ika-38 anibersaryo ng deklarasyon ng martial law

Sa mga nakakatanda, “Where were you nang ideklara ang martial law noong Setyembre 21, 1972?” Naalaala ko ang araw na ito, ominous na araw. Wala namang malakas na bagyo pero walang pasok. Higit na kakatwa na wala ring palabas sa telebisyon. Puro alitaptap lang, wala pa ang colored bars dahil hindi pa uso ang colored TV nang mga panahong ito. At ng mga bandang hapon, biglang lumabas ang makapangyarihang imahen ni Pangulong Marcos, medium shot, nakaupo sa Malacanang, may mesa sa harapan, nanduduro at nanlilisik, kalmante binabanggit na ibinaba na niya ang kautusang nagdedeklara ng martial law sa buong bansa.

Sa mga batang hindi inabot ang martial law, ang inyong alaala ng martial law ay sa pamamagitan ng ilang pagbanggit sa libro ng kasaysayan, pagpanood ng deklarasyon sa Youtube o kwentong parang Lola Basyang. Pero higit sa lahat, ang kolektibong alaala sa mga henerayon ay prinipreserba ng pagpupursigi ng diyaryo at media, ang tinatawag na “mosquito press” dahil sa paglikha ng matinding iritasyon ng pagbabalita laban sa Marcoses, at ilang dokumentaryo hinggil sa martial law at diktaduryang Marcos sa post-Marcos dictatorship era. Samakatuwid, nasa kasaysayan ng alternative press ang daluyan kung bakit hindi natin nakakalimutan ang kondisyon ng panunupil, posibilidad at paglaya sa ilalim ng isang diktadurya.

Kung hindi, paano aalalahanin ang mga bagay at kaganapang hindi naman dinanas? Paano aakuin ang etikong katotohanan (ethical truth) ukol sa mga traumatikong karanasan, tulad ng batas militar, rehimeng Arroyo, politikal na pagpaslang, at pagpatay sa peryodista, lalo pa’t ang traumatikong karanasan ay nanatili pa ring bukal ng trauma at paranoia? Hindi naman nawala ang kondisyon ng panunupil sa batas militar, o ang Marcoses, ang fasismo ng estado, at ang nagpapalit nitong mukha batay sa kung sino ang katanggap-tanggap mag-pilgrimage sa Washington, D.C. sa unang mga buwan ng kanilang pagkahalal sa pagkapangulo. Nananalaytay pa rin ang kondisyon ng martial law, at ang kakatwa rito, hindi naman kailangan ng formal na deklarasyon. Sa maraming pagkakataon ng buhay ng bansa, ito ay de facto martial law.

Simula 1986 hanggang sa kasalukuyan, halimbawa, may 165 na peryodista ang pinaslang sa bansa. Isa kaagad sa ilang mga araw pa lamang ng pag-upo ni Aquino. May sariling buhay ang aparato ng fasismo, walang kinikilalang transisyon o honeymoon period. Patuloy pa rin ang politikal na pagpaslang at iligal na detensyon. Patuloy pa ring nakalagak sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan ang Morong 43. May template na ang fasismo ng estado, at itong template ay pangunahing hinalaw sa arkitektoniko ng martial law. Lubos na makapangyarihan itong template ng panunupil na pati ang mga pangulo at bagong administrasyon ay napapa-oo na lamang, napapasunod sa higit pang intensifikasyon ng paglupig sa karapatang pantao dahil ito ay karapatang pantao ng mga aktibista at politikal na nilalang. Ang partisanship ng peryodista—lalo na ang radio broadcasters—ang nagluluwal na kumbiksyon na tulad ng aktibista, ito ay mapanganib sa estado. At kung mapanganib, tulad ng mikrobyo sa komersyal para sa alcohol ni Maricel Soriano, ito ay hindi binebeybi kundi pinapatay.

Sa aking palagay, ang pinakamahalagang bagay kung bakit gunigunita ang deklarasyon ng martial law ay dahil sa pangunahin, ipinapaalaala ng okasyon kung bakit mahalaga ang pag-alaala at paano guminita. Walang kasalukuyan kung walang pirapirasong alaala ng nakaraan ng bumubuo ng kasalukuyan. At walang hinaharap kung walang pagpupursiging mabuo ang kasalukuyan. Ang kasalukuyan ang magiging alaala ng panghinaharap. Walang haharapin kung walang pagdanas sa nakaraan. At sa pamamayagpag ng Marcoses sa lahat ng sangay ng lokal at pambansang sangay ng pamahalaan, hindi binubura ng kasalukuyan ang nakaraan. Namamayagpag sila dahil hindi lubos na matagumpay ang ating kolektibong paggunita, kung bakit masama at mapanganib ang martial law, kung bakit masama at mapanganib si Marcos, Imelda at iba pang kapamilya at angkang nakinabang sa kasamaan at panganib ng martial law.

Wala sina Cory Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada, Gloria Arroyo at maging si Noynoy Aquino kundi sila inetsapwera, nakinabang, winaksi at sinuka ng martial law at ng Marcoses. Pero hindi lamang ang martial law at Marcoses ang humulma ng substansya ng presidential na pagkatao, maging ang uring pinagmulan ang nagdidikta kung bakit katanggap-tanggap hanggang sa kasalukuyan ang fasismo ng estado. Kung gayon, ang martial law at Marcoses ang hulmahan ng lubos na kalabisan, dahil kung ikukumpara sa may tatlong dekada ng kanilang pagkapangulo, wala nga namang makakapantay sa labis. Pero ang labis na inuukol ng faksyon ng naghaharing uri sa martial law at Marcoses ay ang siya ring kulang-kulang sa tila mala-malang pambansang lagay ng mga sumunod na mga presidente. Paano sasabihing mapanupil kung ang economic indicators ay nagsasaad ng business-as-usual, kundi man, umaalagwa na ang kabuhayan sa bansa? Kung lalo pang nagsisiksikan ang higanteng malls sa mga syudad, at kung paano ang skyline ay unti-unting namumutiktik sa nagtataasang gusali?

Share This Post

One Comment - Write a Comment

  1. maganda umaga po Prof. Rolando.

    ang gaganda po ng inyong mga articles s Bulatlat lahat kami ng mga co-teacher ay nagbabasa sa bulatlat, kakasawa na ang balita ng channel 7 at ch. 2 mostly malayo sa realidad eh, kya naman itong bulatlat ang lagi ko tinuturo sa klase ko, mga fresh na balita for today lagi, at lalo nadin pagmy article kau, Prof Rolando baka pede nyo naman ako padalahan ng article nyo, as in lahat po ng article na naipost nyo na at nasulat pra magamit ko po sa pagtuturo pa,

    send po kayu sa email ko, zaibatsu1941@gmail.com

    kahit po link lng ng lahat lahat ng articles nyo at ako na bahala magprint ng lahat ng iyon.

    Takihara

Comments are closed.