Pag-aalaala at Paggunita sa Setyembre 21, 1972

Ito ang kaakibat na buhay ng martial law, ang buhay ng kapital: may iba itong tinatahak, at kondisyon ng paglago na kinakailangang matupad at all costs, by every means necessary. Na kahit sa ibaba, naghihikahos ang nakararaming ordinaryong mamamayan, sa buhay ng kapital, kailangang maghikahos ang kayang paghikahusin para lalong lumago at higit na mamayagpag. May sarili itong realidad, at mas tunay ang realidad nito kaysa sa pang-araw-araw na buhay ng ordinaryong tao. Sa spero ng kagyat na buhay ng kapital ang mga maykaya at may politikal na kapangyarihan sa bansa. Kaya namamayagpag at maaring bumagsak ang bawat presidente ng bansa ay kung hindi na sila nakakasapat na lunsaran ng higit pang paglago ng kapital.

Gayundin, wala sina Luis Beltran, Armando Malay, Joe Burgos at Eugenia Duran Apostol, at marami pang ibang higante ng alternative press, kung wala ang martial law at ng Marcoses. At kahalagahan ng pag-alaala ay naimamarka nito ang pamantayan ng kagalingan sa kasalukuyan at hinaharap—kung bakit ang ratings sa pelikula ay de facto censorship, kung bakit walang dangal ang mga kolumnista at dyaryong lantarang nag-eendorso ng kandidato sa pagkapangulo, kung bakit tunay na martir ng malayang pamamahayag ang lampas na 150 peryodistang pinaslang, kung bakit sa ngalan ng ratings game ay kung ano-anong kalabisan ang ginawa ng media sa hostage-taking incident noong Agosto 23, 2010, kung bakit ang tugon na pagkakaso sa peryodista at stasyon ng radyo at telebisyon ay hindi ang produktibong tugon sa pag-aayos ng papel ng media sa panahon ng krisis, kung bakit nananatiling dakila ang naunang nanlaban at nagtaguyod ng alternative press, at kung paano, itong malawak na alternative press ay tumiklop, naging mainstream press, nanatiling oposisyonal, naging online.

Ang gunita kapag inaalaala ay nagiging kaakibat ng kasalukuyan, at kapag nalingat sa aktibong pag-alaala, nakakapag-comeback, tulad ng Marcoses, at ang patuloy na pamamayagpag ng anak at apo nito, maging ng Aquino sa reimahinasyon ng pambansang kalagayan ng martial law. Paano sasabihing marami ang namatay sa panahon ng martial law kung ang pangahing mukha ng modelong Borgy Manotoc ang peryodikong natutunghayan sa society pages? O paano sasabihing masahol din ang rekord ng human rights violation ni Cory Aquino kung ang araw-araw na tsumitsika sa telebisyon ay ang matronang kolehiyalang mukha at boses ni Kris, at ang endorsement nito ang siyang nagpropela, nagmobilisa ng maraming boto, lalo na ang people that matter, ang showbiz people, para sa kapatid na Noynoy?

Ang pag-alaala ay pagsaksi, at ang pagsaksi ay pagkilos bilang tugon sa malagim na pag-alaala. Kung walang pagsaksi, nakakasalisi ang mismong pwersa ng inilulugar na alaala, nakakapanumbalik itong muli sa ibang personalidad, ibang administrasyon, ibang yugto ng neoliberal na kapitalismo, ibang fasismo na naging pang-araw-araw na ang epekto at magpakagayon, walang pag-aalma, maliban sa kilusang masa at progresibong individual.

Sa katunayan, hindi lamang ang alternative press ang siyang bumubuhay sa alaala kundi maging ang kilusang masa at progresibong individual na ang formasyon at pagkatao, ang kolektibo ay nananatiling kontra-amnesia sa pananakot ng fasismo at pang-eenganyo ng konsumerismo. Nananalaytay sa dugo ng yumao’t nanatili, ng nauna at bagong henerasyon ng aktibista at progresibo, ng nauna at bagong organisasyong masa ang kontra-amnesia at kontra-alaala ng martial law. Na hindi ito wagas at dalisay na yugto ng pambasang sitwasyon, at ang anumang pagpapalit ng ulo, mukha at personalidad ay hindi nagpapalit sa katawan at pagkatao ng fasismo. At kung gayon, hindi lang isasaad na muling paunlarin ang alternatibong press bilang pagdanas at pagsaksi sa alaala ng martial law at sa patuloy nitong epekto sa kasalukuyan, isinasaad din ang pangangailangang humayo at magparami, mag-organisa, magtaas ng kamulatan, magpakilos, magparami ng hanay na aktibista at progresibong itinuturing ng estado bilang mapanganib dahil kumokontra, umaalaala, nakakapag-ugnay, nakakasira ng mas swabeng pagdaloy ng fasismo at kapitalismo.

May ikukumpisal ako sa inyo. Yung sinabi ko sa unang bahagi ng inakala kong araw ng deklarasyon ng batas militar ay maling alaala. Setyembre 23 ang anunsyo ng martial law, wala akong maalaala nang ang dokumento ay unang pinirmahan ng Setyembre 21. Sa katunayan, ang unang nakaalam ng deklarasyon ng martial law ay ang U.S. nang ibalita ito ni Marcos sa kanyang counterpart sa White House. Setyembre 24 ito lumabas sa Daily Express, ang kabahagi ng crony press, na nandoon nga ang higanteng imahen ni Marcos.

Pero itong inakala kong alaala ay hindi naman talaga exakto pero definitibo. Ito ang humulma sa akin at sa aking henerasyon ng martial law babies, ang henerasyon ng walang muwang at nag-akalang wala nang kikilalaning ibang pangulo maliban kay Marcos. Marami ang naging corporate, marami ang naging aktibista, marami ang nabiyak, marami ang lalo pang naging aktibista, marami ang na-recruit, marami ang wala na, marami ang pumalit pa.

At sa pag-alaala ng ika-38 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar, akma ang sukdulang leksyon nito, kasama ng Marcoses, fasismo, kalabisan ng kapangyarihan at ekonomikong ganansya para sa nakaraan, kasalukuyan at hinaharap, simple lang, “Never again!” (Bulatlat.com)

21 Setyembre 2010, binasa para sa “Unrest” ng Bayan-NCR at Sining Bugkos

Share This Post

One Comment - Write a Comment

  1. maganda umaga po Prof. Rolando.

    ang gaganda po ng inyong mga articles s Bulatlat lahat kami ng mga co-teacher ay nagbabasa sa bulatlat, kakasawa na ang balita ng channel 7 at ch. 2 mostly malayo sa realidad eh, kya naman itong bulatlat ang lagi ko tinuturo sa klase ko, mga fresh na balita for today lagi, at lalo nadin pagmy article kau, Prof Rolando baka pede nyo naman ako padalahan ng article nyo, as in lahat po ng article na naipost nyo na at nasulat pra magamit ko po sa pagtuturo pa,

    send po kayu sa email ko, zaibatsu1941@gmail.com

    kahit po link lng ng lahat lahat ng articles nyo at ako na bahala magprint ng lahat ng iyon.

    Takihara

Comments are closed.