Yogurt at New Age na Gitnang Uri

Ni ROLANDO B. TOLENTINO
Bulatlat.com

Ang dating sago (pearl) tea drink ay nag-iba na. Yogurt na, at ang press release ay healthy option ito: no fat dahil di gawa sa cream ng gatas ng baka, no refined sugar, tulad ng ice cream, puro ‘natural’ na fruit juices lang, kaya may asim bukod sa natural na curdling quality ng nabubulok na gatas na base ng yogurt. Mahal ito, tulad ng pearl tea drink, kaya alam na ang kliyente nito.

Hindi ito papalit sa scramble na yelo’t flavoring na pampalamig ng abang uri. Panggitnang uri ito, minus the guilt, dahil nga walang exaj (exaggerated) na calories mula sa ice cream. Sa katunayan, dati namang may yogurt na at mahal na talaga ito dahil nga mababa ang demand at limitado ang supply.

Kaya rin hindi kakatwa na ang diseminasyon ng dessert na ito ay sa pamamagitan ng franchise mula sa entrepreneurs sa loob ng bansa at investors mula sa labas. Kung titignan ang mga pangalan, California Berry, Fro Yo, Yoh-Gurt Froz, The White Hat, Red Mango at FYI (Frozen Yogurt Indulgence) ay kakikitaan ito ng new age na plataporma: nanghihikayat ito ng alternatibo pero sustainable na lifestyle choice batay sa renewable at tradisyonal na metodo ng pamumuhay.

Halimbawa, imbes na gumamit ng pharmaceutical na gamot na gawa ng higanteng negosyong nagpapataas ng presyo ng mismong mga gamot, ang alternatibo rito ay mga herb, dahon at balat ng puno o kristal na nagpapakawala ng positibong enerhiya at nagspospongha ng negatibong enerhiya. May pahapyaw na kritiko ng kapitalismo at modernidad ang new age: napaunlad ang kultura ng konsumerismo—lahat ay mabilisan, binibili at pinagkakakitaan kahit hindi mabuti sa tao—at iilan lang ang nakinabang sa sistemang ipinairal ng kamalayan ng modernismo at kapitalismo.

Lifestyle ang new age dahil isinasapraktika ito sa pang-araw-araw na buhay, pati ang kontraryong praktis sa konsumerismo. Kasama ng yogurt ang spa, gym at iba pang serbisyo ng lifestyle industry; organic farming at vegetarianismo; pag-segregate, reuse at re-cyle; at environmentalismong ideolohiya, tulad ng ecofeminismo at pagyakap sa puno, bilang halimbawa.

Ito ang extensyon ng hippie subculture—may produksyon ng sariling sining, fashion, bisyo at lifestyle choice—ng 1960s bilang ebolusyon ng mga panlipunang rebolusyon: women’s rights, gay at lesbian rights, karapatan ng disabled o differentially challenged, illegal workers, at iba pa. At dahil nakakawing ang maraming inobasyon sa panlipunan, madaling itong nainstitutonalisa.

Naging mga disiplina ito sa akademya bilang panunuligsa sa area studies o disiplinang nakabatay sa sapiliting pagmamasa ng mga bansa sa isang rehiyon ng mundong nais pag-aralan ng CIA (Central Intelligence Agency) at iba pang aparatong pang-estado. Itong mga disiplinang nakabatay sa karapatan at bagong identidad ay ‘natural’ na umunlad sa kilusang panlipunan tungo sa akademisasyon nito.

Kaya rin hindi kakatwa na walang departamento sa mga kolehiyo na marxismo ang balangkas ng pagsusuri dahil nga ang ebolusyon na pinapasok sa akademya ay tungo sa mga panlipunang identidad at formasyon lamang, hindi formasyong historikal. Pero ang turing sa hippie sa kasalukuyan ay “hippie-ng kulelat” o nabaon sa panahon. Hindi na nakawala sa long hair, juts, strumming the guitar as a hobby, singing folk music at pagsali sa protesta sa kanilang pastime.

Ang lohikal na extensyon ng hippie sa kasalukuyan ang new age o ang mga panuntunang pamumuhay nito: spa para mag-relax, vegetarianismo at gym para maging malusog, malls na may gardens at open spaces, mamahaling palengke tuwing Linggo ng umaga sa Lung Center at mga parke sa Ayala Business District, slow food movement, biking at running para sa iba’t ibang causa, at iba pa. Itong grupo ng mga produkto at serbisyo ay nabebenta at mabenta sa mismong niche na gitnang uring may pagtanggap sa new age na dictum sa buhay.

Ang yogurt sa Pilipinas ay mala-malang pagkain. Hindi naman purong dessert dahil hindi namang purong matamis gaya ng nakasanayan na sa leche flan, ube, halo-halo, cakes, kakanin at ice cream. Hindi rin purong drink—tulad ng fruit shake—dahil may hugis naman. Hindi rin purong healthy dahil may imperatibo ng interaksyon ng mamimili sa komoditi: pagpili ng toppings, size o bigat, flavor at iba pa.

At lalong hindi ice cream. Hindi creamy, hindi rin sine-serve sa apa. Sa plastic o paper cup ang yogurt. At bagamat ang press release ay healthy option ito, sa mga pa-in na gitnang uri, maari rin namang piliin ang unhealthy choice dito: pinakamalaking cup, pinakamatamis na toppings, at choice na isang tao lamang ang lumaklak nito.

Kung gayon, kahit marketed para sa niche na gitnang uri ang yogurt, may intensyonal at taktikal na pagbabalikwas sa mismong presentasyon at komodifikasyon nito sa kasalukuyan. Itong niche—dahil sa hapit ng madaling masukol na panunuligsa sa kapitalismo at konsumerismo—ay inaasahang mas sensitibo, mas rasyonal at mas pipili ng healthy option, kahit hanggang yogurt lang at maraming salamat po.

Pero sa labas nito, ang nouveau riche, halimbawa, ay maari ngang maging in nang hindi lubos na ina-out. Welcome ang lahat sa maliit at malinaw na mundo ng yogurt kiosk. Kaya ang new age ay madaling mawalis sa mas malaking pwersa ng kapitalismo kahit pa nga ito ay niche market ng mismong kapitalismo: mas healthy at kung gayon mas rasyonal na ito ang piliin, at matanggap kung bakit mas mahal ito kaysa sa sorbets at regular ice cream.

Ang direksyon ng konsumerismo ay idemassify ang gitnang uri. Hindi na pwedeng iisang sabong panlaba lamang na inaastang ipabili sa atin ng Kumare ng Bayan na may katiyakang hindi siya mismo ang nag-o-operate ng washing machine, hindi pwedeng isang klaseng popular na popcorn, donut, kape, videoke, puto bungbong, at iba pa. Kailangan ay may market differentiation dahil may kahandaan ang iba sa loob ng sub-uri na magbayad nang higit na mas malaki.

Ika nga ni Slavoj Zizek, marxistang kritiko ng new age: “Let’s take a typical guy who buys organic food: he doesn’t really buy it in order to be healthy; he buys it to regain a kind of solidarity as the one who really cares about nature. He buys a certain ideological stance. It’s the same way as if you have stonewashed jeans, you don’t really buy it for the jeans, but you buy it to project a certain image of your social identity. So again, you are not buying a product, you are buying a certain social status, ideology, and so on.” (http://www.believermag.com/issues/200407/?read=interview_zizek)

Ang pagtutumbas nitong niche new age market ay hindi lamang bilang pinakasensitibo at rasyonal. Ang suposisyon din ay mayroon pang-ekonomikong kapangyarihan ang mamimili—hindi manlilimi sa kapal o nipis ng wallet—dahil ito ang produktong pinakarasyonal na dapat tangkilikin. Ito rin ang niche market na may potensyal na maging mataas na uri dahil ang preferensiya niya ay lampas sa regular na panuntunan ng gitnang uri.

Kung gayon, ang new age na gitnang uri ay ang pinaka-uppity sa preferensiya nila, kahit hindi pinaka-wanna be na maging bahagi ng mas mataas na uri. Pinaka-informed ito, pinaka-tech savvy, at bibili di batay sa dami kundi sa kalidad ng produkto at serbisyo. Kung iisipin, ang pagkatagumpay ni Pi-Noy bilang presidente ay isa ring orkestrasyon ng negosyo at nitong new age na gitnang uri na siya rin namang nakikinabang sa libo-libong posisyon ipinapamahagi ng bagong dispensasyon ng pambansang kapangyarihan.

At dahil nagpakaganito, malinaw na pinaka-usurp-able ang new age na gitnang uri. Na kahit walang pedigree ng kilalang apelyido ay maaring maging head ng Anti-Poverty Commission o Commission for Human Rights, o maging direktor ng bangko at korporasyong pag-aari ng gobyerno. Ang pagiging profesyonal na aktibista at NGO ang mga bagong identidad na akma sa new age na gitnang uri.

Ang new age na pumapabor sa estado at ang cooptable na gitnang uri—ang pumopostura ngang pinakarasyonal at sensitibo—ay ang politika ng konsumerismo sa kasalukuyan. Mas konsumeristang kalakaran ito kaysa sa aktwal na politikal na gawi. At kung gayon, minamarkahan nito ang limitasyon: hindi ito ang magpapalaya ng sambayanan, kundi ng iilang pumaloob sa diskurso nito.

Sa huli hindi new age o spirtwal na pagmamarka sa individualismo kundi ang simulaing marxistang diskurso—teorya at praxis–ang magpapalaya sa hindi mapapalaya ng new age. At ito rin ang mapagpasya para sa historikal na pakikipagtunggali at pagtutuos.

Share This Post

2 Comments - Write a Comment

  1. ayos ang saya ng klase ko basta my babasahin ako uli na article ni Prof. Rolando eh. mga malalalim na tagalog at mabibinat utak mo pagiisip.

Comments are closed.