Asa Pa Them

Ni RAYMUND B. VILLANUEVA

Naka-chat ko minsan si Middle Class
Nalilito raw siya
Bakit daw ba gustong-gusto ng mga pobre
Ang ituring silang mahirap?
Poverty mentality raw ang tawag doon.

(Kita mo nga naman, pinasiklaban pa ako nire)

Ako namang si Simple Mind
Ay nalito na rin.
Kaya inilabas ko ang sukbit kong ingles

At inubos ko sa isang buga–
“What do you mean?” (O, ha!)

Sinagot ako ni Middle Class ng buntong-hininga
:-/ daw.

Umulit ako ng tanong:
“Ha?”

“Don’t get me wrong,” she said.
Simpatiya raw siya sa mahihirap.
Katunayan daw ay minsan na siyang bumisita
Sa mga iskwater noong siya ay kolehiyala pa.
“We even prayed for them,” she added.

Pero bakit daw ba pala-asa sa gubyerno
Sina Manang Dukha at Manong Pobresito?
Humihingi palagi ng murang pabahay
Libreng edukasyon, maayos na serbisyong kalusugan
At kundi ba naman sadyang kalabisan, malinis na pamahalaan.

“Pagpasensyahan mo na sila,” kako naman.
“Alam mo namang ang mga yagit ay bobo.
Apat na buwan nang tapos ang halalan
Umaasa pa ba silang mapaglilingkuran?”
7:38n.g 28 Setyembre 2010 Lungsod Quezon

?

Share This Post