Glee at ang gitnang uring buhay bilang musical

Hindi katakataka na ang musical na pelikula ang pinaka-self referensyal na genre. Ibig sabihin, dahil ang musical ay tungkol sa paggawa ng isang musical production, kadalasan sa pagtatapos ng pelikula, isinasaad ng musical ang mode of production nito—kung paano ang mismong pelikula ay nalilikha. Sa pangkalahatang kalakaran ng pagtunghay sa pelikula, ito ay tinatago sa pamamagitan ng narrative structure, star system, editing, at music.

Hindi mo dapat alam kung paano nabubuo ang pelikula, at wala kang pakialam dito dahil sa kapitalistang fetishismo ng komoditi, ang mahalaga ay ang natransformang produkto, hindi kung paano ito natransforma na nakaangkla sa pagmamalupit sa manggagawa at ang exploitatibong relasyon ng produksyon para sa kapitalista. Pero ang kakatwa sa “Glee,” lalo pa nitong ibinuyanyang ang proseso ng pagkalikha ng music at dance sequences sa paraang inkorporado at implikado ang manonood sa mental na prosesong ito.

Hindi niya isinisiwalat ang kritikal na distansiasyon, tulad ng musical na pelikula, kundi ang inilalatag ay ang fantasya ng inkorporasyon: Pasok, pasok sa perya, sa perya ng lipunan, sa perya ng fantasmagorikong bayan! Na ang mga problema sa edukasyon ay hindi naman inuugat (madalas lang banggitin ang budget cut), bagkus nagiging batayan ng mas pag-alagwa ng mga altabidang karakter: mas mapait na kaapihan, mas matamis na pagtatagumpay.

At ito ang seryalidad na hindi pa nauumay ang manonood. Kahit habang nagtatagal, nagiging mas malabnaw ang spektakulo, bawas na ang grand production numbers (a la Kuya Germs at “Walang Tulugan” na ethos ng palabas nito). Pero mas dumarami ang production numbers. Ang karakter ni Charice Pempengco ay naghamon kay Rachelle ng match-off sa loob ng CR (banyo), gamit ang “Telephone” ni Lady Gaga.

Ang nangyayari pa, nagkakaroon ng tematiko ang mga palabas sa “Glee” batay sa awit ng isang musikang personalidad: Rocky Horror Picture Show, Madonna, Britney Spears, at Lady Gaga nga. Mas nakaukol na ngayon ang “Glee” na idugtong ang kanyang brand sa mas malaking brand ng musikang personalidad na nauna sa kanya.

Dati sa slam book, may tanong na paboritong theme song, mang-aawit o musikang pinapakinggan. At natatangi ang mga ito kahit pa heneriko ang tanong. Ibig sabihin, panlipunang kapital ang pinapa-fill-in-the-blanks na ang sagot ay mas nakaukol sa personalidad ng mismong sumasagot, ang kabataang inalok sumagot sa slam book.

Ngayon, ang mismong piniling musika sa MP4 player at I-pod, maging ang iniligay na personal na detalye sa Facebook at blogs ay nakaukol din sa individual na preferensiya. Kahit pa nga ang mga ito ay overdetermination lang naman ng kapitalismo at kanyang mga komoditi sa mga kabataang mayroon at walang kapasidad ng bumili at tumangkilik ng brands at brand names.

Itong kapasidad at kawalan ay patungkol din sa gitnang uring kabataan na umaasang ang kanilang buhay, tulad ng sa “Glee,” ay ang arena ng kanilang materialisasyon ng fantasya ng katagumpayan ng personal na buhay, na ang loser sa historikal na realidad ay winner sa fantasyang realidad.

Ano ang musikang tumutugtog sa utak mo? Na referensiya sa LSS (last song syndrome na ang pangit ay nagiging maganda sa pagdaan ng repetisyon at panahon), at ang lahat ng sagot na maiisip ay sagot na napangunahan ng kasaysayan ng konsumerismo. Nakalutang ito sa media bago naging makahulugan at natatangi sa gitnang uring individual na may akalang para sa kanyang sandali lamang inalay ang isang masang produkto. Alam ang henerikong kalidad na ito ng individual pero nagagawa pa rin nitong natatangi ang heneriko.

Paano hindi, kapag hindi ay pati ang individual ay matuturing na heneriko na rin? At hindi ito ang fantasya ng gitnang uring kabataan na ang nais ay nasa kanyang mga palad at katawan at lahat ng marka ng pagiging espesyal, hindi regular, na halo-halo. (Bulatlat.com)

Share This Post

3 Comments - Write a Comment

  1. I have difficulty reading this article.

  2. OKTUBRE 27, 2010

    TAMA LAMANG IBULATLAT ANG PAGPASOK SA GLOBAL NA TV NG ISANG PINAY… NAKILALA XA PAGBIRIT AT HINDI SA MAAYOS

    NA PAG-AWIT… DAHIL XYA NGA AY MALIIT, MINORITY, AT

    ASYANO… NAGING TILA TAGA-PERYA XYA PARA SA PUTING-TABING… ANG KULTURANG PUTI… NA PALAGING TUMITITIG

    HANGGANG SAAN ANG TALENTONG HINDI PUTI… AAGAPAY XA

    MERKADO NG KANLURANING PALAGI NANG NAGHAHANAP NG KAKAIBA…

    MRKADONG

Comments are closed.