Brocka at Bernal vs. indie filmmakers

Ni ROLANDO B. TOLENTINO
Bulatlat.com

Isang taon yata nang huli kaming magkita ni Mau Tumbocon, kritiko at film programmer. At dalawang taon na rin kaming tumutungo sa aming paboritong dessert at coffee na lugar sa Castro Street, at natagpuan naming muli na naghuhuntahan na naman kami tungkol sa pelikula. Pangalawang beses na ulit.

May nostalgia kami sa mga pelikula nina Lino Brocka at Ishmael Bernal, mga higanteng figura sa aming panahon, at lampas pa rito. Natanong ni Mau kung sino sa indie filmmakers ang sumusunod sa yapak ng dalawang direktor? At wala akong maisip na madaling sagot.

Nabanggit ko si Joel Lamangan at Brillante Mendoza. Si Joel ay napapanahon ang politikal na tema ng mga pelikula — Flor Contemplacion, abduction at politikal na pagpaslang, torture at rebolusyon. Pero mas naunang henerasyon ng filmmakers si Joel. Si Brillante naman ay kilala sa artistikong pelikula, na slice-of-life, na wala pang mass following sa loob ng bansa.

Sina Brocka at Bernal ay mga politikal na animal, sa positibong pagtingin. Kasama sila sa laban sa sensura, freedom of expression ng artist, pagtaas ng presyo ng gasolina, anti-diktadurya, at maging anti-Cory Aquino sa panahong hindi ito popular. Organisado sila sa mga politikal na afiliasyon, at ginagamit ang kanilang politikal na posisyon para higit na magpopularisa ng mga isyu. Gayundin, ginagamit din nila ang kanilang sining para manghasik ng kontraryong kaisipan at karanasan pang-sining.

Ang naturing naming kaibahan nina Brocka at Bernal sa isang banda at ang kasalukuyang indie filmmakers sa kabilang banda ay ang mas madilim na pangitain hinggil sa pelikula at lipunan. Kina Brocka at Bernal ay nakaangkop sa naratibong disenyo ang pagpasok ng politika, at ang rekurso sa politikal na antagonismo ng mga bida rito.

Sa mga pelikula ni Brocka, sabit man sa “political na correctness,” may politikal na ahensya ang mga bida sa pagsasara ng kanilang kapalaran sa pelikula. Sa Maynila sa Kuko ng Liwanag (1975), ang mangingisdang lumawas sa syudad na si Julio para hanapin ang kanyang kasintahang nabiktima ng white slavery ay nagdilim ang paningin, pinatay ang umasawang Tsino. At dahil sa kaguluhan, kinubkob siya ng kapwa Filipino sa isang eskinita, at para matiyak ang kapalaran, isa-isang dumampot ng kung ano-anong maipanghahampas sa kanya.

Sa Bona (1981), nang marealisa ng fan na itinatwa ang lahat para manilbihan sa isang struggling na aktor na iiwan siya nito, ang kanyang pinakukuluan na tubig ay ibinuhos sa nag-aantay na artista. Sa Jaguar (1979), ang sekyu na pumatay para protektahan ang kanyang bosing ay natagpuan ang sarili na parang hayop na tumatakas sa bundok ng basura para maiwasan ang peryodikong sonang nagaganap sa komunidad ng maralitang tagalunsod. Ang huling eksena ay ang kanyang pagkakulong, tanging hininga lamang niya ang naririnig, hindi makapaniwala ang sekyung nagpakamartir sa kanyang sariling kamartiran.

Sa Bayan Ko Kapit sa Patalim ( 1985), ang isang manggagawa ay napilitang mag-eskirol para mabuhay ang pamilya sa panahon ng welga. Nang-hostage ito ng may-ari ng pabrika at sa puntong sumuko ito, kinutya ng bisor at dinukot ang baril ng kumasamang pulis at binaril niya ito. Nabaril siya, at ang final na eksena ay halaw sa Pieta, nakakandong ang kanyang duguang bangkay sa nagulantang na asawa.

Tanging sa Orapronobis (1989), sumakto ang politikal na resolusyon na pinili ng katauhan. Ang dating pare na si Jimmy ay nakalaya na sa bilanguan sa panahon ng People Power, pinakasalan ang human rights worker na umasikaso ng kanyang kaso. Nadiskubre ni Jimmy sa isang fact-finding mission na mayroon nagkaanak pala siya sa kanyang karelasyon sa kilusan. Hindi naprotektahan ni Jimmy ang pagpaslang sa kanyang anak at asawa sa kilusan. At sa huli, muli siyang sumali sa kilusang andergrawnd.

Sa mga pelikula ni Bernal, bukas ang resolusyon ang inilalahad. Sa Himala (1982), ang pagpapatuloy ng kasinungalingan kahit na inihayag ni Elsa ang katotohanang “walang himala.” Binaril siya matapos ng rebelasyon. Sa Manila After Dark (1980), ang pagpapatuloy ng gitnang uring pretensyon ng buhay ng mga tauhan, lalo na ang bidang lalakeng hilo-hilong naglalakad hanggang sa makatulog sa Luneta sa gitna ng kinetisismo ng mga katawang nag-eehersisyo sa bandila ng Bagong Lipunan ng mga Marcos.

Share This Post

2 Comments - Write a Comment

  1. kay jibril:

    una, nasa ilalim ito ng kulturang popular na seksyon. kung ang pinoproblema mo ay ang paggamit ng wika, natanong mo ba ang kinalaman ng seksyon na ito sa pormang ginamit ng may-akda?

    ikalwa, ang bawat argumento ay dapat laging may patotoo. alin ‘yung sinasabi mong matatayog? paano naging matayog? teka, ano bang binabasa mo? marami akong maipahihiram sayo para naman di ka malula sa susunod mong pagbisita rito.

    ikatlo. walang kritiko ang nagsulat/magsusulat nang hindi malinaw ang nais niyang sabihin. bakit? bakit nga kaya? ano ba ang batayang dahilan kumbakit may kritisismo? A. para ba magpaka-abstrakto B. para gawing konkreto ang abstrakto? alin. alin ang pipiliin? muli, ano ang katibayan mo sa pagsasabing “nagpapanggap na maka-uring kritiko?” Ibig sabihin, alam mo pala kung ano ang kritisismo? at higit sa lahat, batid mong may maka-uring kritiko? tulad ni/nina? timer starts now!

    ikapat, tama, sang-ayon ako sa huling punto mo. at in fairness, mahusay mo itong nagawa. klap! klap! klap!

  2. Napakahusay sana at nagtitila sanay na sanay maghinay ng ideya ang umakda ng sanaysay na ito — kung sa una pa lamang ay iginuhit na niya sa malinaw na pasya kung siya’y magsusulat sa Ingles o Filipino.

    Bumabanggit siya ng mga dakilang tao, at matatayog na ideya, ngunit sayang nga lamang at nagsasalasalabid ang kanyang mga salita kaya tuloy naka-aalibadbad sa bumabasa ang piyesang ito.

    Waring sinadya ng may-akda na di mawawaan ninuman ang mga palipad-diwang nais niwang bigyang buhay. Tanda ng ng isang nagpapanggap na maka-uring kritiko na may urong na dila’t diwa.

    Sabi nga ng mga taga-Tundo: “Hoy, sa susunod, magmumog ka muna ng isip bago ka magsalita.” Pero di ko papanigan iyon, dahil tayo ay nasa ilalim ng demokrasya — at may laya ang lahat na ilaylay ang kanilang kawalang-malay.

    Salamat po.

Comments are closed.