Para Kanino Ka Bumabangon?

Para Kanino Ka Bumabangon?
ni Mark Angeles

I

Para kanino ka bumabangon?
Para sa anak? Para sa kaibigan?
O sa hindi mo kakilala?
Para sa bata? Sa isip-bata?
Para sa marami? Para sa sarili?

II

Nang hapong iyon, sinundan ko
ang nakagawian kong daanan pauwi.
Sinalubong ako ng liwanag
mula sa isang pares ng mga kandila
na nakatirik sa bangketa.
Sa tabi, ang matandang lalaki—
ang “matandang hangal”
na ni minsan ay hindi nanghingi
ng salapi o anuman
bagkus ay siya pa ang nagbibigay
ng paliwanag
sa sinumang maabutan;
hawak ang kanyang lapad,
susuray-suray
na parang isang makatang
gustong iligaw
ang maligalig niyang nakaraan.

Naalala ko kung paanong bigla siyang sumulpot
sa tabi ng drayber ng nasakyan kong dyip;
kung paano niyang naantala panandalian
ang takbo ng oras naming mga pasahero;
kung paano niya simulang murahin isa-isa
ang imperyalismo at mga diktador
na para bang isa siyang tagapagmulat
nating mga naaapi,
dumating sa ating nanlilimahid
ang maamong mukha,
nagpapahayag ng katotohanan.

Nang hapong iyon, nakahiga ang matanda
sa tabi ng daan, tila himbing na himbing
tulad ng isang sanggol,
nilalampasan ng mga taong hindi nagbigay
ng bigat sa kanyang mga salita
para sila matigil sa paglalakad, kahit sansaglit,
para nila mapansin ang nalalabing panahon
na nalalagas tulad ng buhok ng isang maligalig.

Nang hapong iyon, pinaglamayan
ng bangketa ang kanyang bangkay.

Ganito siya ginugunita ng mga drayber at tindera:
Hindi siya nanghingi kahit na singkong duling
sa ating lahat. Gusto lang niyang mapakinggan.

III

Hindi maliwanag sa atin kung ano
ang ikinamatay ng matandang pantas.
Bagamat maliwanag ang dahilan
ng pagkamatay ng mga welgista sa Nestlé Cabuyao.

Alam nating namatay sa atake sa puso si Roel Baraquio.
Alam nating namatay sa sakit sa atay at bato si Samuel Opulencia.
Alam nating pinatay sina Meliton Roxas at Diosdado Fortuna.

Bumangon sila mula sa ginapangang masukal at mapanganib na daan.
Bumangon sila para iunat ang gulugod ng unyonismo,
ihampas ito sa nakasunggab sa ating dambuhalang mga kamay
ng halimaw na imperyalismo.

Bumangon sila nang ubod-lakas
kaya ibinuwal.

IV

Kung maaari, huwag mong ipilit sa akin
na sumasarap ang aking umaga
kapag may Nescafé Classic na puro at tunay;
na hindi lang ako basta gumigising
kundi bumabangon nang may dahilan
kapag may Nescafé Classic na puro at tunay;
na tinutulungan kong umahon ang isang tao
kapag may Nescafé Classic na puro at tunay;
na parang buong bayan na rin ang bumabangon
kapag may Nescafé Classic na puro at tunay.

May mga bumabangon para sa anak at kaibigan.
At sa hindi kakilala.
May mga bumabangon para sa bata.
At sa isip-bata.
May mga bumabangon para sa marami.
May mga bumabangon para sa sarili.

May bumabangon para sa isang tasa ng kape.
Para sa ikalawa, ikatlo, ikaapat.
May nagtitimpla para magising ang ulirat.
May nagtutulug-tulugan pa rin at lahat.
May nagdudunung-dunungan at akala mo mulat.

V

Sa susunod na iyong usisain
kung para kanino ako bumabangon,
maaari bang ibalik ko sa iyo ang tanong?

*galing sa TV commercial ng Nescafé Classic ang unang bahagi

Posted by (Bulatlat.com)

Share This Post