Mr. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, sa halip na pigilan ang pagka ganid ng Shell, Chevron, Petron, Total, Flying V at iba pang kumpanya ng langis, inaprubahan ng Palasyo ang Executive Order 32 series of 2011 o Pantawid Pasada – panibagong subsidyo para sa mga jeepney driver at iba pang bulnerableng sektor. Subalit ang kakarampot na subsidyong ito ay kakainin lang ng pinakahuling pagtaas ng presyo ng langis na P1.40 kada litro.
Mr. Speaker, pinakamabilis na paraan sana upang mapababa agad ang presyo ng langis ay ang pagtatanggal ng VAT sa petrolyo, gayundin ang pagbabasura sa patakarang deregulasyon sa industriya ng langis. Subalit ang nilalaman ng Labor Day address ng Pangulo ay hindi umaayon dito.
Habang nakapako ang sahod ng mga obrero, kabilaan naman ang pagtaas ng presyo. Noong Enero, nagtaas ng singil sa toll sa South Luzon Expressway (SLEX), North Luzon Expressway (NLEX) at Subic-Clark Tarlac Expressway (SCTEX). Noong Pebrero, nagtaas ng singil sa tubig ang Manila Water Co. ng P1.92 kada cubic meter at ang Manynilad ng P2.30 kada cubic meter sa mga residential customer. Sa parehong buwan, nagtaas din ng singil sa kuryente ang Manila Electric Co. (Meralco) patungong P4.86 kada kilowatt-hour (kWh). Nitong Mayo, magtataas uli ang singil ng Meralco patungong P5 per kWh.
Maging ang mga pagkain – bigas, tinapay, de lata, mantika, asukal, gatas, itlog, karne, gulay at iba pang pangunahing bilihin ay hindi na rin abot kaya ng masa. Pati ang instant noodles na staple food o karaniwang pagkain ng mga maralita ay mataas ang presyo.
Mr. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, marami sa ating mga kababayan ang nagugutom at nahuhulog sa kumunoy ng kahirapan dahil sa mga pagtaas ng presyo at kawalan ng makabuluhang umento.
Sa kabila nito, ang mga malalaking negosyo at kumpanya ay patuloy na kumikita at nagrerehistro ng lumolobong tubo.
Noong 2010, umabot sa 15.56 bilyong dolyar o P669 bilyong piso ang pinagsama-samang yaman ng sampung pinakamayayamang Pilipino kabilang sina Henry Sy, Danding Cojuangco, Lucio Tan, at Jaime Zobel de Ayala. Katumbas ito ng minimum na sahod ng mahigit 5.3 milyong manggagawa sa loob ng isang taon!
Noon ding 2010, mahigit doble ang inilaki ng netong kita o net income ng San Miguel Corporation, pag-aari ni Danding Cojuangco, patungong P20.1 bilyon. Kung pagsasamahin ang tubo ng mga yunit nito tulad ng alak, pagkain, packaging at power generation, aabot ang consolidated revenues nito sa P205.3 bilyon.
Mr. Speaker, lumaki ang kita ng SM Investment Corporation, Ayala Corporation, at Metro Pacific Investments Corp. kung saan may shares o sapi ang Meralco, Maynilad, North Luzon Expressway (NLEX) at mga pribadong ospital.
Ang mga kumpanya ng langis ay palagiang nasa unang sampu ng Top 1000 Corporations in the Philippines at nagrerehistro ng lumalaking tubo taun-taon.
Halos nadoble ang tubo ng top ten corporations sa loob ng isang dekada, mula P575.97 bilyong piso noong 1999 patungong P1.26 trilyong piso noong 2008. Patunay ito na malaking kasinungalingan ang sinasabi ng mga kapitalista at employer na hindi nila kakayanin na magbigay ng makabuluhang dagdag sahod.
Mr. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, kahit sinong manggagawa ang tanungin natin ngayon ay magsasabing kagyat na dapat ipatupad ang isang makabuluhang dagdag sahod.
Higit pa sa pangkabuhayang pangangailangan, ang usapin sa makabuluhang dagdag sahod ay usapin ng panlipunang hustisya o social justice. Marapat lamang na ang mga manggagawang lumilikha ng yaman ng bansa ay magtamasa ng kanyang nililikha.
Hindi sapat ang mga subsidyo upang maitawid ang pang-araw araw na kabuhayan ng mamamayan.
Sa hanay ng mga magsasaka at mangingisda, nanatiling pundamental na usapin at pangangailangan ng pagkakaroon ng sariling lupa, kagamitan at kapital sa produksyon, mahusay at makatarungang presyo ng kanilang produkto, sapat at nakabubuhay na netong kita.
Kung kaya’t isang malaking insulto sa masang magsasaka ang bagong rice subsidy na inanunsyo ng Pangulo noong Mayo Uno.
Magbibigay umano ng ayuda sa dalawang milyong mahihirap na magsasaka at mangingisda para maka-agapay sa tumataas na presyo ng pagkain at bilihin. Kung sino ang nagtatanim ng pagkain, siyang walang makain. Nasaan ang pagiging matuwid sa kalagayang ito?
Isang paalala sa mga wage boards, sa mga employer at sa gobyerno – hindi pulubi ang mga manggagawa, huwag natin silang bigyan ng limos. Ang kailangan nila ay nakabubuhay na sahod at hindi mga panandaliang pantawid.
Umaasa ang Kinatawang ito na susuportahan ng Kongreso ang panukalang legislated wage increase na nakahapag sa House Committee on Labor and Employment. Lubhang kinakailangan ng mga manggagawa at kanilang pamilya ang makabuluhang dagdag sahod. Huwag sana nating biguin ang mga manggagawa.