Bubble tea at gitnang uring bubble

Ni ROLANDO B. TOLENTINO
Bulatlat.com

“Consumption has never been so empowering!” Tila ito ang sinasaad ng mga youth hub: mula Metro Walk at ang libo-libong call center agents, ang student crowd sa Katipunan at Maginhawa Streets hanggang sa al fresco areas ng malls at sa mga enclave sa Scout area, Timog at Morato.

Kabataan-fueled itong retail binge ng kasalukuyan: newly empowered sa call center work kundi man sa may spending money mula sa supportive at restrictive na mga magulang. Sa spesifiko, nailahok ng konsumeristang kabataan ang food-and-beverage sa kanilang lumalawak na repertoire ng bilihin.

Pribatisado ang konsumerismo: sa pagitan ng bumibili at ng pinagbibilihan. Ang kakatwa, may sanctimonious na relasyon ang kabataan at ang tinatangkilik na produkto-serbisyo (di na magkahiwalay ito para sa antas na kalidad na inilalangkap sa brand, kailangan din ng kalidad na serbisyo).

Ang produkto ay isang brand, ang fad ay isang lifestyle choice ng hanay ng tumatangkilik. Ang individual ang may ahensyang magdetermina ng kanyang preferensiya kahit pa nga malaki ang kabig ng panghihikayat ng word-of-mouth advertising (para nakakaangat—mas exklusibo–dahil limitadong sirkulo lang ang nakakaalam) at ng pinakamalaking advertisement nito: ang mismong hanay ng mga katawan ng kabataang tumatangkilik, blina-blog, nila-like sa Facebook, binibitbit ang plastik na lalagyan sa iba’t ibang lugar.

Hindi na bago ang bubble tea (dating pearl shake drink). Ang kaibahan lang ay ilang mga subtle na kalakaran ng pagbebenta nito. Una, wala (pa) ang outlet sa malls, nasa enclaves ng kabataang konsumerista na nasa labas ng mall (ang pinakamalaki’t malawak na espasyo ng postmodernong konsumpsyon). Ang pag-unlad sa labas ng primaryong sityo—kundi man, simbolo—ng konsumerismo ay ang “radical choice” ng boses ng kontraryong kabataan anti-primaryong konsumerismo. Sa laylayan, pwede.

Ikalawa, di tulad ng Zagu at iba pang pearl shake outlets ng sinauna, “Asian” modern ang lugar ng pagtangkilik ng konsumpsyon. Di lantaran ang nasang kumita, tulad ng cart at stalls ng naunang outlets. Di rin ito western “third space” (o sa pagitan ng opisina’t bahay) interiors ng coffee shops. Anti-industrial, anti-west ang karagdagang masasabi sa “radical choice” ng mga kabataang konsumerista. Pero tulad ng coffee shops, pwedeng tumambay sa pwesto, mag-aral, mag-first date, mag-chill (tambay na may coolness factor).

Ikatlo, ang flavors ng bubble tea ay mas “natural” ang labeling: watermelon milk tea with pearls, caramel milk tea, at hakka milk tea, halimbawa, mula sa Moonleaf Tea sa Maginhawa Street. Hindi na ito leche flan (crème brulee), cookies and cream, at iba pang parang flavors ng ice cream ang mga pangalan. Anti-komersyalistang konsumerismo ang tila isinasaad na naman nito.

At panghuli, ang bubble tea shop ay nagsasaad ng mismong “third space” sa pagitan ng maingay na pulutong sa lugar ng inuman, at ang presensya ng nakakatandang hegemoniya ng lipunan sa coffee shops: mga abogado’t kliyente, halimbawa, sa Starbucks Matalino Street sa likod ng Hall of Justice sa Quezon City o mga magulang na nakikihang-out sa Starbucks Katipunan. Mula rito naman, lumalabas na anti-establisyimento rin pala ang product-of-choice ng kabataang konsumrista.

Ang kaibahan ng anti-establisyimentong sentimiento ng bubble tea shop sa inuman, halimbawa, ay ang higit pang sterilisasyon ng kabataang kultura (wala naman sigurong argumento’t basag-ulo sa bubble tea shop) at ang propensidad ng astang radikal at radikalismong nakaugat sa wanna-be o nag-aantay na mag-mainstream ng preferensiya at pagtangkilik. Sa katunayan, ang Moonleaf Tea ay nagdagdag ng mas malaking branch sa mismong Maginhawa Street, at mayroon nang branches sa Katipunan at St. Thomas Square!

Ang huling punto ay walang pinagkaiba sa naunang pangarap ng indie filmmakers: gumawa ng indie film para makapasok sa mainstream na naudlot dahil sa pabulusak ng mainstream cinema. Ang hindi lubhang tumitingkad ay ang tasitong partisipasyon ng kabataang konsumerista sa mismong kalakaran ng konsumerismo at kapitalismo.

Ang inaakalang radical choice ay nagsasalin din naman sa higit pang kita kahit pa ang kita ay di (pa) pumapasok sa mas higit na komersyal na espasyo ng mga Sy at Ayala. Dagdag pa rito, ang radical choice ay nakaangkla sa pribatisasyon—ang pagpasa ng estado sa mismong kamay ng mamamayan para magkandakumahog sa paghahanap ng oportunidad para sa individual at panlipunang katubusan.

Empowered nga ang kabataan, pero empowered para lumikha ng sariling bubble at mundo na hindi rin naman radikal na hiwalay sa mundo ng konsumerismo at kapitalismong nag-akda rin naman sa kanilang pinili, sa kanilang mismong mga katawan at aspirasyon. Na sa bawat pagtunghay at aktwal na pagtangkilik sa bubble tea ay reafirmasyon—hindi pagbalikwas—sa lifestyle choice ng kapitalismo: hindi bula kundi ng dula nito. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post