Ni ROLANDO B. TOLENTINO
Bulatlat.com
In the market place, Apple is trying to focus the spotlight on products, because products really make a difference. […] Ad campaigns are necessary for competition; IBM’s ads are everywhere. But good PR educates people; that’s all it is. You can’t con people in this business. The products speak for themselves.
— Steve Jobs, panayam sa Playboy (1985)
Sa commencement speech sa Stanford University ni Jobs, yumaong CEO ng Apple, may tatlo itong kwentong binanggit. Una, ang connect-the-dots na pilosopiya ng buhay na in hindsight ay nag-ugnay sa kanya bilang pinaampon ng graduate studies na magulang dahil sa kahirapan at ang pagdrop-out nito sa unibersidad dahil nasasaid ang savings ng kanyang umampon na magulang. Pero bago siya magdesisyon ng kanyang kinabukasan sa unibersidad, ang pagkuha ng mga talagang kursong gusto niya, tulad ng calligraphy, na nagbago ng mukha ng screen ng computer.
Ikalawa, tungkol sa pag-ibig at pagkawala, ang karagdagang humilidad ng pagkasibak sa kompanyang siya mismo ang nagtatag, ang pagsisimulang muli ng mga kompanya, kasama ang Pixar, ang magiging pinakamalaking animation company sa buong mundo, at ang pagbili ng Apple sa kanyang bagong sinimulan, kasama ang pagkuha sa kanya nito bilang CEO.
At ikatlo, ang carpe diem mode sa buhay: ang death wish na siyang nagbubunsod ng mga desisyon sa pag-ibig at trabaho. Enterpreneurial spirit ang diwa ng talumpati ni Jobs, kabilang ang siniping abiso na “stay hungry, stay foolish” bilang mantra sa sisimulang buhay ng bagong graduates.
Nang mamatay si Jobs noong 5 Oktubre 2011, kasama sa papuri ang mga katagang “a visionary and creative genius,” “innovator,” at “an amazing human being.” Ang ilang Mac Stores sa buong mundo ay naging altar na pinag-alayan ng bulaklak, dasal at paggunita. Ang Facebook at Twitter ay namutiktik sa pamamaalam ng mga devotees na gitnang uri at maykaya (o wanna be).
Ang hindi isinasaad ng maningning na buhay ng kapitalista ay ang pinaglalahong buhay ng manggagawa: na ang matagumpay na inobasyon at branding ni Jobs at ng Apple (nanggaling daw ang pangalan sa pinagtrabahuang apple farm sa Oregon) ay nagpatingkad ng napakataas na demand para sa mga produkto nito. Ang resulta ay ang mobilisasyon ng daan-daang libong katawan ng manggagawang Tsino na nagkakadakumahog para maibsan ang supply.
Ang resulta sa isang ulat noong 1 Mayo 2011 (http://www.dailymail.co.uk/news/article-1382396/Workers-Chinese-Apple-factories-forced-sign-pledges-commit-suicide.html) ay may 14 nang manggagawa ang nagpapatiwakal sa mga pabrika ng Apple sa nakaraang 16 na buwan. Napakaabsurdo ng mga pangyayari sa dormitoryo—mula sa 98 oras na karagdagang overtime, lampas sa 36 oras sa batas, at pagtayo sa kabuuang 12-oras na shift, hanggang sa pagbawal ng pag-uusap at pagpapahiya kapag nagkamali—na ang mga manggagawa daw ay pinagagawa ng “anti-suicide pledges.”
Ang net profit ng Apple sa unang kwarto ng 2011 ay umabot na ng US$6 bilyon. Itong patuloy na pagtatagumpay ng Apple at ang legacy ni Jobs sa kotemporaryong diwang kapitalismo ang pumapalaot na kwento. Ang nangyari, sa patuloy na pagtaas ng demand para sa mga produkto ng Apple—I-pad, I-pod, I-phone, Mac Book, at Mac Air, halimbawa—batay sa generational na innovation (at kita) na minamarkahan ng serialidad ng numero (1.0 to sawa), malinaw ang proseso ng pagkiling sa imahinaryo ng brand bilang nakakataas at natatangi (at kung gayon, handang magbayad nang mas malaking halaga), at ang paglaho ng salik ng paggawa sa magical na transformasyon ng hilaw na materyales sa finished product.
Ito ang tinawag ni Marx na “commodity fetishism” na ang relasyon sa lipunan ay nababago sa pamamagitan ng mistifikasyon ng kapitalista sa produkto, na ang produkto ay may kapangyarihang lampas sa aktwal nitong halaga, na ang konsumerista ay handang magpalit ng kanyang limitadong paggawa sa pagtangkilik sa labis na halaga ng produkto. Ayon nga kay Jobs, “The products speak for themselves.” Ito ang pagkakaroon ng purong relasyon (at ecstasy o labis na kaligayahan) sa kapital bilang impetus ng individual na buhay at panlipunang relasyon.
Ang diwa ng Apple ay intensified na pagpapatagos ng kaibahan (“Think Different” ang kanyang branding) at pagkanatatangi. Ang diwa ng binuburang paggawa ay paglahok ng sarili nito sa napakamurang palitan kaya kabura-bura. Ang tagumpay ni Jobs at Apple ay tagumpay ng kapital.
Paalam, Steve at mga automaton ng mundo. Sa ngalan ng kapital, malinaw na magkaibang trajektori ang inyong pinagmulan at ang magiging pag-alaala sa inyong ngalan—ang isa ay proper noun (Steve Jobs, CEO, Apple) at ang isa ay sa kanyang henerikong ngalan (manggagawa).
Pingback: Philippines news: Apple makes amends | Pinas news library