Occupation bilang popular na protesta

Ni ROLANDO B. TOLENTINO
Bulatlat.com

“Occupy Wall Street.” At matapos ay naangkat na rin sa iba’t iba pang sityo sa mga syudad sa U.S., pati sa London, Athens, Milan, Frankfurt at Madrid. Laban sa corporate greed ang occupation. Sa Filipinas, tinangka na rin ang occupation sa Ayala Avenue, ang katumbas na financial center, at sa Mendiola.

Ambivalent ang dating ng konseptong “occupation.” Sa Filipino, ibig sabihin nito ay trabaho, at sa Tagalog, kabuhayan o hanapbuhay, ang paggawa bilang nagbibigay ng anumang kalidad ng buhay. Sa isang banda, ito ay angkop—ang paghahanap ng stabilidad sa buhay sa pamamagitan ng trabaho, at ang pagkilala sa paggawa bilang salik sa kalidad ng buhay.

Sa kabilang banda, nakaugnay ang konsepto sa historikal na pagdanas ng bansa sa pananakop, sa partikular, “Japanese occupation.” Traumatiko itong naging kolektibong pagdanas sa karahasan at sapilitang kolonisasyon. Kahit pa re-kolonisahin o i-re-appropriate ang konsepto, tulad sa babae, puta, bakla at katutubo, halimbawa, di pa rin lubos na nagiging katatangi-tangi para sa bagong politikal na proyekto.

Sa mga “mananakop,” binigyan ng mukha ang protesta laban sa kapitalismo. Ito ang tinig ng naapi’t lumalaban. Lumalaban saan? Sa kapitalismo? Hindi tulad ng chant sa atin na “Imperialismo, ibagsak!” ang paglaban sa kapitalismo—kung walang stratehiya at ipit sa iisang taktika, ang occupation mismo—ay ampaw na laban.

Ampaw dahil sa dalawang bagay. Una, ano ang magagawa ng occupation, lampas sa imahinaryo ng protesta at pagbabago? Ano ang demands ng mga mananakop? Moderate corporate greed, bawasan, i-eradicate? Hindi na ba nakakasapat ang corporate social advocacy campaigns, tulad ng pag-ambag sa pagdagdag ng komunidad sa Gawad Kalinga, pagmimintina ng La Mesa reservoir ng Bantay Kalikasan o ng ilog ng Sagip Pasig, o pagbabawas ng kalabisan ng nakakatanda ng Bantay Bata?

Wala namang lubos na pinagkaiba ang kondisyon ng Filipinas sa ibang bansa sa pang-estadong karanasan sa kapitalismo. Lulusot kung makakalusot. Pero lamang tayo dahil alam natin sa karanasan ng kilusang mamamayan na hindi lang kapitalismo ang problema, kundi ang aparato ng operasyonalisasyon nito: di lamang malalaking negosyo kundi ang mismong gobyernong nagtataguyod ng interes ng gobyerno.

Kaya kwidaw ako sa suporta ng Democratic Party ng U.S. sa Wall Street at Ground Zero occupations, maging ng mismong New Yorkers. Bumuhos ang suporta, lalo na ang haute cuisine. Maging ang entrada ng Hollywood celebrities sa occupation sites ay nagmistulang panibagong red carpet event. Natukoy ang kalaban (kapitalismo), pero nananatiling nakapako ang taktika ng paglaban (occupation). Ano ang pangkalahatang stratehiyang makakatalo sa kalaban?

At ito ang ikalawang bagay. Popular ang protesta dahil walang makauring teoryang gabay sa pagsusuri sa piniling anyo. Popular dahil ang imahinaryo ay nakapakat sa sama-samang pagkilos tungo sa pangkalahatan ay mapayapang pagbatikos sa corporate greed at ang mas malaking fantasya na babagsak na ang kapitalismo.

Ang problema ko rito ay pagtanggal ng pinakamahalagang sangkap tungo sa anumang panlipunang pagbabago—ang wastong karahasan (just violence). Hindi matitinag ang kapitalismo sa pamamagitan ng kolektibong pacifist na stratehiya. Walang nakamit ang mamamayan na hindi nito ipinaglaban, madalas katumbas ng mga buhay. Ano, ibibigay na lamang ng mga korporasyon ang tamang pasahod, makataong kondisyon sa paggawa, akmang presyo ng kanilang produkto sa pamilihan?

Kaya rin demonized ang marahas na occupation—tulad sa Athens at Madrid—dahil daw sa pagkawalay nito sa diwa ng orihinal na Wall Street Occupation. Tumungo ang occupation sa riot, at ito ay minamasama dahil sa pagpasok ng spontanyong elemento ng karahasan. Ano pa kaya kung rebolusyonaryong karahasan ang pumasok?

At best, ang occupation bilang popular na protesta ay imahinaryong protesta—na sa sandali ng kaisahan ng lupon ng mamamayan ay natitinag ang operasyon ng mga korporasyon. Wala rin itong simbolikong talab dahil di naman, sa pangkalahatan, mapapabagsak ang mas malaking entidad ng estado ng kapitalismo. At wala rin itong tunay (real) na talab dahil di naman magkakatrabaho, bubuti ang sistemang edukasyon sa umiigting na krisis ng kapitalismo.

At best, makakakain ang ordinaryong mamamayan ng baked salmon with dill sauce, makakasalumuha niya sina Susan Saradon at Michael Moore, at matapos ng lahat nito, ang gitnang uring feel good na may nagawa ang mananakop na tunay na makabuluhan. At best, ang katanungang, “Ano pa, ano na matapos ng occupation?” (https://www.bulatlat.com)

Share This Post