Ni ROLANDO B. TOLENTINO
Bulatlat.com
Sa dalas kong mapadaan sa Quezon Avenue, madalas kong matunghayan ang apat na palapag na gusali. Gusto kong magpugay tuwing dumadaan ako rito, parang ginagawang taimtim na kagyat na dasal o pag-krus ng Katoliko kapag napadaan sa simbahan. Pero nitong mga nakaraang buwan, ang gusali ay inabandona na. Wala na ang neon signs at iba pang signs ng dati ay busy nitong operasyon. Kanina namang mapadaan ako, binabaklas na ang kanyang konkretong bukana.
Iconic ang Maalikaya (Maalikaya Health Complex, Inc.) sa Quezon Avenue, katabi sa Circle nang dating mayroon pang rotonda’t sinehang gayon ang pangalan sa bahaging ito. Kaya matagal na ang status ng Maalikaya dahil wala na ang katabing labi ng isang namamayagpag na panahon sa larangan ng entertainment at pribadong pasyalan.
Tinaguriang “king of the adult entertainment hill” dahil sa exklusibo nitong fasilidad at natatanging “special services” (“sensation” bilang bahagi ng repertoire ng regular na lamang na serbisyo, halimbawa). Sa panahon ko, dito (panglawang) “binibinyagan” ang mga kaedad kong lalaki. Panggitna o nakakataas na uri ang Maalikaya.
Sa panahon ng tatay ko, ito ang kanilang pabulong na binabanggit sa mga kumpare. Maging ang sumunod na henerasyon ay may fasinasyon pa rin sa Maalikaya. Pangulong Noynoy Aquino ay sinasabi sa maraming thread sa Internet discussion sites ay kustomer nito, sinabing nandoon nga raw ito noong 23 Agosto 2011, ang araw ng hostage-taking sa mga turistang Hong Kong sa Luneta.
Maging sa libro ni Bob Ong, Bakit Baligtad Kung Magbasa ng Libro ang mga Pilipino (2002), ay hinalaw ang isang forwarded mail sa Internet hinggil sa kulturang popular sa dekada 80. Kasama rito ang pagbanggit sa Maalikaya: “Naabutan mo ang Maalikaya when it first opened. When it was raided and closed. When it was re-opened. When it was raided and closed. When it was opened again. When it was raided and closed again. When it was opened again. When they raided and closed it again. Na isa kang regular customer at nagantimpalaan ka ng rose galing Vietnam.”
Parang skill ng musmos ang status ng operasyon ng Maalikaya: close-open… Parang kawayan ang kapasidad nitong manatatiling nakatayo sa gitna ng delubyo. Pero paratihan, sa panahong kinauukulan, namamayagpag ang paghahari ng Maalikaya sa kultura ng machismo (ang turing ng lalaki na siya ang natatangi) at partriyarkal (ang pribilisasyon ng lalaki at ang marginalisasyon ng babae sa lipunan) na gitnang uring libangan.
Malinaw namang hindi nawala ang machismo at patriyarka. Ang nagwakas lamang ay ang hari sa kanyang estado ng male adult (at middle-class) entertainment. Ito ang subkultura ng ating mga tatay, ngayon ay pumapatak na sa edad 60 pataas. Bagamat nandito pa rin ang mga marka ng subkulturang ito (Fundador Brandy, pormang DOM o dirty old man, at clutch bag na nagka-comeback sa kabataang lalaki, halimbawa), hindi na ito ang natatanging paraan ng acquisition ng machismo sa kasalukuyang hanay ng kabataang lalaki.
Higit na nakatago sa laylayan ang mga establisyimento at pratices ng kabataang macho. Una’y mas kalat na ito batay sa uri ng lalaking tumatangkilik. Elite na lugar sa The Fort para sa mga elite na lalaki o mga kabaret at night club sa diversion roads at highways para sa duhaging lalaki. Ikalawa’y maging sa wholesome family entertainment na lugar, disimulado na ang praktis ng politika ng sexualidad. Kahit pa kasama ang mga magulang, pwede nang makipagtinginan sa shabu-shabu o karaoke, matapos ay palitan ng cellphone numbers para magsimula ng palitan. At ikatlo, nandiyan na ang Internet na maaring mag-set-up ng dates at makipag-virtual sex.
Kahit nga ang macho ay hindi na ginagamit ng kasalukuyang kabataang lalaki. Wala pa akong narinig sa mga lalaking estudyante na tinawag nila ang sarili nila bilang macho. Pinalitan na ito ng “dude,” “bro,” “tol,” “pre” at “bromance.” “Metrosexual” na nga ang tawag sa hetero na lalaking may concern sa kanyang hitsura, katawan, porma at demeanor.
Ang tangi kong nakitang kahulugan ng salitang “maalikaya” ay lambing, kaya pangalan din ito ng distributor ng pagkain at iba pang serbisyo. Sa mismong Maalikaya, malinaw na patukoy ito sa serbisyo ng “therapist” na babae sa heterosexual na lalakeng kustomer.
Magtayo man ng bagong Maalikaya, patay na ang katawan ng lumang machismo.
Pingback: Maalikaya at pagtatapos ng era | Quezon Avenue