Beer bucket at pagpapahaba ng gitnang uring usapan

Ni ROLANDO B. TOLENTINO
Bulatlat.com

Sa aking pagkakaalam, sa Pilipinas lang nauuso ang bucket beer promo (promotion o napapanahong special offer lamang)—packaged na apat o lima plus one beers, minsan ay may libre pang pulutan. Lumalabas na sa agarang pag-order ng set na bilang ng beers, “libre” na ang isang bote. Sa komersyal ng San Mig Light, na sa tunay na manginginom ng beer ay isang aberasyon, tulad ng decaffeinated coffee, Diet Coke at Coke 0, ang magsyotang magkahiwalay na umibis ng kani-kanilang sports car ay nagkatagpo sa isang dance club na may kani-kanilang bitbit na partners.

Ang dance floor ay naging arena ng showdown at showoff, hanggang sa magkatanungan ang magsin-irog, “Sino ang kasama mo?” Pasok ang waiter, may bitbit na bucket beer at ang tagline ay “Mahaba-haba ‘atang usapan ‘yan.” At ang closing shot ay ang magsin-irog na nagp-PDA (public display of affection) at PDD (public display of drunkenness).

Ang gitnang uring panahon ay ipinapakilala bilang mas lehitimong aspirasyon at pagkakataon kaysa sa nauna nitong mga porma, halimbawa, ang malling na ginagawang pasyalan lang ang mall complex gayong di naman lumalahok sa konsumerismo. Ang tinangka ay ang pagtukoy ng market segment na gustong maging mas natatangi kaysa sa mayoryang kauri nila sa pamamagitan ng kanilang mas kaiga-igayang paglalahok at inkorporasyon sa konsumerismo at kapitalismo.

Narito na ang gitnang uring panahon, ang panahong ipinapaako sa mas wanna be kaysa aktwal na gitnang uri. 24/7 ang gitnang uring panahon kapag nasa call center enclave, nariyan lang kung gustong ihersisyo ang pagiging gitnang uring mamamayan. Kung kaya naman, walang diferensya na umorder ng paisa-isang beer sa mas mahal na halaga o beer na lampas sa P100 ang presyo ng bawat bote. Ibig sabihin, tinutukoy na ng negosyo ang aktwal na kondisyon ng gitnang uri sa bansa: nananatiling aspirational kaysa realized na karanasan para sa nakararami.

Ang “bucket beer” ay nangangahulugan ng maraming bagay. Maaring tulad sa “bucket list,” ang mga bagay na kailangan gawin mo bago ka mamatay. At malamang marami rito ay ang mga bagay na ipinagkait sa buong buhay, pero dahil nga mamamatay naman, pwede nang mag-indulge. Kung balde ito, “pila-balde” na ang literal na kahulugan ay pagpila ng balde sa igiban para makapag-uwi ng maiimbak na tubig.

Ang balde ang lunduyan ng komunidad na kasalatan at pangangailangan, at indibidwal na karangyaan, ang kapasidad magbayad ng taga-igib. “Pila-balde” na ibig sabihin sa sexual na konotasyon ay ang babaeng pakawala na pumapayag sa nakapilang lalake. Pero hindi naman balde talaga ang pinaglalagyan, mas tabo pa na sinasabing stock sa banyo ng mga Filipinong nasa Amerika.

Ang motto rin naman kasi ng konsumerismo at kapitalismo ay carpe diem (seize the day). Sa mga wanna be na gitnang uri, ito ang itinakda ng kapital na kanilang pagkakataon. Kabahagi pa rin ito ng leveling up sa “sachet economics” o tinggiang retail sa bansa, na may natukoy na grupo ng indibidwal—sa mayoryang mukha ng kahirapan sa bansa–na mas madulas ang relasyon sa kanilang wallet at kung gayon, mas handang mapabilang (kahit peryodiko lang tuwing payday at deadlines para maka-meet ng quota sa opisina, halimbawa) sa sandali ng paggasta na nagiging lehitimong (temporal naman na) gitnang uri.

Ang komoditi naman, tinatangkilik hindi pa sa aktwal nitong nagagawa, kundi sa lifestyle choice na kasama nito. Ibig sabihin, kung gusto mo naman magpakalasing, mag-hard ka na lang, tulad ng Empo Light o kwatro kantos sa bahay. Pipiliin ang bucket beers sa mga bar, karaoke, restaurant at food court dahil may pampublikong pagdanas ng pagkaangat sa iba pang dumaraan lamang sa establisyimento.

Magbabayad ka nang mas mahal dahil alam mong may premium ang pag-inom sa labas. Ang premium ay ang imahinaryo ng gitnang uri panahon na matagumpay na naging kapakat ng produkto ng bote ng beer. Ang trahedya ng gitnang uring panahon ay ang dalawang maaring mangyari rito.

Una, ang repetisyon, tulad ng anumang inuman, ng mga dati nang napag-usapan, napagtawanan, napag-awayan. Ano ang kalitatibong pagbabago sa imahinaryong panahon kung gayon? At ikalawa, ang mas maraming tahimik kaysa kalitatibong sandali sa panahon. Nauubos ang gitnang uring panahon sa reafirmasyon ng espasyo nito, hindi ng aktwal na panahon: magkakasama nga pero nagtetext naman, nag-iinternet, o nagmomonitor ng pagdating at pag-indyan ng mga kasama pa.

Ang inaakalang prolongasyon ng gitnang uring usapan at panahon ay hindi maaring magmaterialisa dahil sa batayang absence ng aktwal na gitnang uring kalahok. Na ang idea ng kapital na ang bucket beer ay isang promo ay siyang katotohanan: special offer kahit pa bayad naman ang kantitatibong dagdag at hanggang dito na lamang.

Ang inaakalang gitnang uring usapan ay itinakdang maglahong parang bula, o at best, maging hangover na lamang na sinusumpa pero muli’t muli pa rin gagawin sa ngalan ng imahinaryo ng gitnang uring itinalaga ng konsumerismo at kapitalismo. Dito papasok ang alok muli ng waiter, at ang inaasahang pag-ayon mo para sa inaasam na happy ending ng 46-second na komersyal. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post