Cotton candy at amorphous na gitnang uring buhay

Ni ROLANDO B. TOLENTINO
Bulatlat.com

Sa workshop ng Malate literary journal, ang makatang si Allan Popa ang matulaing nagsalin ng cotton candy (paksa ng tulang wino-workshop) bilang “minatamis na hangin.” Mayroon itong dalawang lebel ng pagpapakahulugan: ang ordinaryong hangin bilang pahimagas, at ang extraordinaryong aksyon na patamisin ang hangin.

Iniisip kong patungkol ang imahen ng cotton candy sa gitnang uri sa bansa—na sa di napakalaking bilang nito gayong ito ang aspirasyonal na panuntunan ng mayorya (80 porsyento) na mas aba ang lagay at buhay. Ang gitnang uri ay 19.1 porsyento ng populasyon lamang, at patuloy na bumababa pa, ang isang ulat ay 2 porsyento ang binaba pa nito.

Ang katangian ng cotton candy ay pagiging amorphous nito: umaastang solido kahit na hindi naman magtatagal ang porma nito. Tulad ng salamin, gels at negatibo ng pelikula, ang cotton candy ay solido pero hindi lubos na solido. Chuwariwap (sekondaryo) na solido lamang.

Nagsisimula ang cotton candy sa maliit na kantidad ng asukal, hinaluan ng food color para sa higit na atraksyon sa mamimili. Sa pagpapainit at sustenidong repetisyon ng pag-ikot ng mga mas malaking pwersa mula sa labas, lalabas ang hibla na “tutuhugin” ng isang patpat at mahahabi ang cotton candy.

Ang cotton candy ay pagkain ng musmos. Ang matamis ang pinakatampok na panlasa dahil ito ay anyo ng pabuya: Coke kapag umiiyak ang bata, dessert bilang matamis na pangwakas, Coke at cake bilang merienda, at iba pa. Ang kamusmusan at minatamis ay nalikha nang “pabuya” ng estado.

Sa mas maraming musmos na naghihirap, at kabataan na wala sa high school, nililikhang sumpa ng pagbulusak ang pagiging tao’t mamamayan sa bansa. Maliit na bahagi lang—ang gitnang uri—ang mababahiran ng cotton candy na kamusmusan at kabataan. Ang mas mayoryang iba ay kailangan na lamang magdildil sa tingi-tingi at sachet na pagdanas ng kamusmusan at kabataan.

Kaya nostalgic ang adult sa cotton candy dahil ito ang imahen ng ipinagkait na buhay sa kanila. Sa kontexto pa ng pagkonsumo ng cotton candy—sa kalsada, labas ng simbahan, pasilyo ng mall, karnabal o mga sityo ng libangan at modernong kultura—may pagtuya sa mamamayan: heto ang ipinagkait at ang kontexto ay ang higit na konsumeristang kultura na lalo pang nagsasaid ng kasalatan at kakulangan.

Maaring tignan na ang mayorya ng mamamayan ay parang butil ng asukal, ang magiging cotton candy. Paiinitin, pakikilusin, pagagawain para tila magkaroon ng kolektibong anyong mapapagkakitaan sa pagkatuhog ng kapitalismo. Ididispley sa kapwa naghihikahos para maalaala ang sandali ng pagtatagpo sa gitnang uring karanasan sa kasalukuyan, kahit pa ang mas mahabang kasaysayan ng nakaraan ay nagsasaad ng pagkaapi’t pagkadusta.

Pero ang huli, sa kapangyarihan ng nostalgia ng kapitalismo, ang lilikhain naman ay amnesia. Say what? Wala nang ganap na maalaala kundi ang seduktibong imahen ng cotton candy bilang mismong pakete ng sachet na pumapaimbalot sa butil ng gitnang uring pagdanas at kaban-kabang dustang uri.

Nabubuhay tayo na may tangan ng imahinaryong cotton candy. Sa mga publiko, maingat na hindi ito matunaw sa araw kaya paborable ang sityo ng mall bilang sanktwaryo ng gitnang uring pagdanas. Kapag tumitig sa salamin (bilang isa pang amorphous na bagay), ang nakikita ay ang cotton candy, ang mukha’t katawan bilang isa ng cotton candy, ang sarili bilang lunduyan ng gitnang uring buhay at lifestyle.

Pero ang realidad, wala tayong hawak na cotton candy. Ang nagaganap lang, para tayong may hawak na cotton candy dahil ito ang “safety” object of choice ng kapitalismo: walang direktang kamatayan, ang akulturasyon sa matamis at pinatamis na gitnang uring buhay, at ang pagkalimot sa aktwal na material na lagay.

Ang hangin pinatamis, pinadadanas na matamis dahil ito ay ordinaryong bagay lamang. Sa kapitalismo, maging ang hangin ay naipagbibili, kamusmusan at gitnang uring buhay pa kaya? (https://www.bulatlat.com)

Share This Post