Pangongolekta bilang konserbasyon ng dangal

Ni ROLAND B. TOLENTINO
Bulatlat.com

Hindi mahilig magtapon ng gamit ang mga Filipino. Ang pantalon kapag nabutas, sinusulsihan at kapag nasira nagiging shorts; ang shorts kapag nasira, nagiging basahan. Ang nanay ko, kahit sira na ang unang TV ng pamilya, matapos ng ilang paulit-ulit na repair, hindi pa rin itinapon, naging furniture at pinatungan ng mga santo’t bulaklak sa kanyang kwarto. Ang mga kahon ng biniling appliance, iniipon tulad ng diyaryo, at ibinebenta sa bote-dyaryo. Ang styrofoam, nagiging plant box, at ang ginawa ng lola ko, nilusaw para panakip sa bitak ng yero ng bubong niya. Ang sirang tsinelas hindi rin niya itinatapon, ginawang pangsilyado rin sa pako sa bubong.

Kailangan pa natin mag-import ng ukay-ukay sa ibang bansa na parang kinakain lang natin ang ating lumang damit dahil pagkatapos pumasok nito sa bahay, hindi na ito nakakalabas. Madalang ang garage sale kahit sa mga exklusibong subdivision. Ang thrift shops, tulad sa Bangkal, Makati, ay kakaunti at hindi naman thrift shop ang presyo. Nawala na ang thrift shops ng lumang mwebles sa Kamuning, Quezon City. At ang original na Eloys na bumibili’t nagbebenta ng segunda manong damit ay matagal na ring nagsara.

Sa katunayan, ang tahanan at kwartong Filipino ay isang virtual na fire hazard dahil sa kung ano-anong abibot ang nagsama-sama rito. Ang sala, halimbawa bilang pinakapublikong espasyo, ay kinalalagyan ng pinakamalaking TV, laminadong diploma’t kung ano-anong sertipiko ng attendance sa kumperensya ang laman ng dingding, may coffee table na ang laman ay mga photo album at magazin na inumit sa eroplano, ang side tables ay may mga souvenir ng biyahe sa ibang bansa at higanteng lamp shades, at ang sofa, kahit hindi na bago ay mayroon pa ring plastic. Sa hindi kalayuan, kahit ilang lessons lang ang kinuha ng isang anak, nandoon pa rin ang piano na pinapatungan ng naka-frame na mga litrato.

Ang wallet at bag, parang patabaing baboy, naiipon lahat ng gamit dahil matuwal ang tinatanggal pa rito. Maliban sa pagpasok ng bagong taon, wala naman talagang general house cleaning na nagaganap. At maging ito ay para lang talaga literal na maglinis ng bahay, hindi pa na ang luma’t sira na ay sistematikong itatapon o ido-donate sa charity ang hindi na ginagamit. Kapag may relief operations matapos ng mga trahedya sa iba’t ibang lupalop ng bansa, marami ang lugar na nakakatanggap dahil ang karaniwang nakukuha ay mga gamit na hindi na talaga mapapakinabangan. Kalahati ng laman sa balikbayan boxes na ipinapadala sa mga kamag-anak sa Filipinas ay mga pinaglumaan ng ilang tao’t angkan, at mas nagsisilbing pansiksik lang sa ipinadalang delata’t iba pang laman ng kahon.

Nangongolekta ang mga individual dahil ayaw nitong magtapon. Ganito dahil ang kinolekta ay kabahagi ng inaakalang persepsyon ng pagiging kabahagi sa nakakataas (elite at gitnang uri) na nilalang at karanasan. Ginagawang magtipon, mag-hoard, maging labis pero ang lahat ay lampas na sa aktwal na buhay ng bagay: mga lumang bagay na ang naging silbi ay itampok ang sandali ng pagpasok ng nangongolekta sa mundo ng nakakataas na karanasan. “I belong” ang moda ng individual kahit na ang sandali ng pag-I belong ay matagal nang dinanas. Ang inaasahan ay ang pagpapahaba ng sandali dahil sa amalgamasyon ng naiwang alaala ng I belong.

Ito ang popular na bersyon ng horror vacui, isang kalakaran ng pintor na punuin ng mga detalye ang kanyang piyesa. Tinutukoy din nito ang “maximalist” (vs. minimalist) na preferensya at aktwalisasyon ng mga Filipino pagdating sa interiors ng kanilang bahay: sala na nagsisiksikan sa mwebles, altar na nagsisiksikan sa santo’t bulaklak, koleksyon ng kung ano-anong abibot, dingding na tadtad ng kung ano-anong maisasabit, at iba pa. Ang lahat ay siksik sa gamit, pati ang labas ay nagiging tambakan. Takot sa natural na spasyo, ang kailangan ay mamutiktik sa kultura—mga gamit, mga gamit, mga gamit, kahit pa wala nang gamit ang mga gamit.

Sa huli, ang kinokolekta ay ang kalakaran ng isang libo’t isang piraso ng jigsaw puzzle na hindi naman makakabuo ng kabuuang larawan ng individual, kundi ang inaakalang individual na kahalagahan o sariling pagpapahalaga sa sarili na ang suma total ay imposibleng matumbasan ng aktwal na halaga (ang imago ng nagmamagandang sarili) dahil nga sa anik-anik lang na kabagayan na kinokolekta. Ito ang imahinaryo ng dangal ng sarili, ang panunumbas ng individual na matayog ang kanyang posisyon dahil sa pangamba sa aktwal na lipunan na madaling tapyasin ito.

Ang kinokolekta ay mga piraso’t anik-anik na dangal ng sarili. Priceless ito kung ang tatanungin ay ang imahinasyon ng nangongolekta. Sa loob naman ng panunumbas ng global na kapitalismo (na may pagpapahalaga sa paisa-isang heirloom pieces na nag-survive sa mga dekada o pop culture na nagkaroon ng demand ang iba pang “lehitimong” kolektor, tulad ng fantasyang sinasambit ng ilang palabas sa cable TV sa U.S.), ang mga bagay sa koleksyon ay tila mga puntod sa sementeryo ng kultura ng obsolescence ng kapitalismo. Pero lampas pa rito.

Matagal nang patay ang mga bagay na kinokolekta, na hindi mailibing—o ayaw pa–ng nangongolekta. Ayaw ilibing ng nangongolekta ang kanyang suma total na (naging) pag-aari ng gitnang uring sandali, na lampas na rin ang shelf life. Sa katunayan, ang hindi nauunawaan ng nangongolekta ay matagal na talaga siyang hindi ganap na kasapi ng nakakataas na uri dahil parating may mas mataas sa kanyang aktwal na antas. Kaya over-valued ang dangal na ito, tulad ng over-valued na pamamayagpag ng nakakataas na uring panuntunan inaakda para sa lahat. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post