Advocacyserye o pa-relevance ng komersyo

Ni ROLAND TOLENTINO
Bulatlat.com

“Advocacyserye” ang tawag sa inilalakong bago sa komersyal na telebisyon. Hango ito sa press releases ng ABS-CBN, ang producer ng teleseryeng Budoy (2011-12) na sa pagtatapos ay biglang nais maging makabuluhan, dahil ukol nga naman sa mentally challenged na teenager ang saga ng palabas. Heto ang ofisyal na trailer:

BUDOY – The official full trailer

Kapag ginamitan ng unlaping “pa-,“ ito ay tangkang maging kung anuman ang nais, kadalasan ay sa ingles o sa kolokyal na ingles: pa-sosyal, pa-environmentalist, pa-middle class, at ngayon nga, pa-relevance. Wanna be dahil talaga namang hindi, joiner mode, socially yours lang, o mga pagtatangkang iangat ang sarili dahil wala ngang ibang mag-aangat sa sarili. Ito ang idea ng “pagbubuhat ng sariling bangko.”

May advocacy o may cause-for-being o raison de faire, na madalas ay lampas sa sarili ang paninindigan. Pero kung ito ay sa anyong corporate social responsibility, ang advocacy ay aksesorya lamang, hindi ang pinakadahilan kung bakit nabubuhay at nagpapaunlad. Sa pagpapangalan pa nga ng ABS-CBN bilang “advocacyserye,” ang isinasaad ay ang serialisasyon (installment, 0-plan installment kumbaga) ng mismong advocacy.

Kung ito ay serialisasyon, ang seryeng Budoy ay dobleng serialisasyon ng isang advocacy. Hindi ba ito ay ka-slow-an mismo, na parang ang termino at pormang gamit ng isang media conglomorate ay isang malay na pagtatangkang i-simulate ang mental condition ng pangunahing tauhan. At kung ang pangunahing tauhan ay nasa personahe ng aktor na si Gerard Anderson, tila neutralisado (depolitisado) ang mismong pagiging mentally challenged (mas politically-correct term kaysa sa “mentally handicapped”)?

Sa isang bandang tinatangka ng media conglomorate na bigyan-mukha ang mental na kondisyon na siyang nag-eetsapwera sa maraming bata, kabataan at matatandang mamamayan, sa kabilang banda rin naman, ito ay isang telebiswal—fiksyonal—na representasyon ng mental na kondisyon: may tauhang neurosurgeon, espesyalistang medikal at iba pa na nag-aangkla sa aktwal at simbolikong kapital ng pangunahing tauhan, isang rekurso na wala sa maraming kamamamayan at ang kanilang pamilya na nasa ganitong kondisyon.

Bagamat pinangalan ang mental condition ni Budoy (Angelman Syndrome o pagkakaroon ng matinding mental disability at speech impediment), ang inilalarawan sa teleserye ay isang henerikong kondisyon: basta slow o mabagal ang pagkaunlad ng kanyang utak, kaisipan, pananalita at pagkilos. Generic, at ito ay branding ng henerikong kondisyon kung saan maari lamang magtagumpay ang negosyo at media conglomorate. Ganito rin ang sentimiento ni Anderson sa plano nitong magtayo ng isang charity project ngayong taon–ano nga, teh na charity project ito? Bakit ayaw pangalanan?

Belated nga ang cause-for-being sa formulasyon ng kung anong uri ng teleserye ang nililikha ng media conglomorate. Kung kailan lang magtatapos, saka may pagsasalohika ng kanyang pagsulpot at pag-unlad sa ineenganyong grandiosong pagtatapos! Dakila at dakota naman pala ang motibasyon ng negosyo na gawing mapanghimok at hindi lamang pagkakitaan, pati na paglalarawan, ang dahilan kung bakit ginawa ng ABS-CBN ang kanyang ginawa.

Sa huli, umaayon ang adocacyserye sa dikta ng monopolyo kapitalismo. Na ito na ang nais ng ABS-CBN na i-concentrate ang kapital sa kanilang kamay, at sabihin na ang kanilang teleserye as mas magaling sa mga teleserye ng kakumpitensyang kompanya, at maging sa nauna nitong mga teleserye. Sa konsentrasyong ito, may bagong branding na ginagawa, na pati ang henerikong bagay ay nagiging may pangalang komoditi, at kung gayon, mas handa ang konsumerista na bilhin ang mga produkto at serbisyo sa mas mahal na halaga.

Ito ang toothpaste bilang Colgate, ang ref bilang Frigidaire, ang lapis bilang Mongol, ang fast food bilang Jollibee o McDonald, ang cellphone provider bilang Smart at Globe, ang ABS-CBN bilang TV na may mensahe. Hindi na lamang “in the service of the Filipino people,” pero people na may natatangging pinanggagalingan, kasama ang kanilang mental na kondisyon.

Pa-relevance dahil may krisis sa pagiging makabuluhan. Ito ay pag-amin na rin na wala, walang-wala nang kabuluhan ang media conglomorates dahil purong kita ang nais nitong angkatin mula sa kanyang manonood pero halaw mula sa kahalintulad na negosyo (ang mga produkto ng kanilang advertisers). Advocacyserye ang bagong panawagan para sa kita. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post

One Comment - Write a Comment

Comments are closed.