Signage ng mga presyo ng gasolina bilang lapida

Ni ROLAND TOLENTINO
Bulatlat.com

Sa edad ng deregulasyon ng mga industriya, biglang nagsulputan itong mga signage ng mga presyo ng gasolina sa mga stasyon. Sa tagiliran lang ito ng sidewalk, sa unang hilera ng mga gas pump prominenteng nakapwesto itong malalaking signage. Sa mga nagmamaneho, matutunghayan ang halos standard naman na presyo ng tatlong bahagi ng kartel ng gasolina sa bansa, mga malalaking kompanya ng gasolina na may hawak ng mga 90 porsyento ng pamhilihan, na kahit ayaw aminin ay parehong presyo ang mabilis na itinataas at mabagal na ibinababa.

Ang signange ng presyo ng gasolina ay parang presyo ng bigas na nakatarang sa halos gitna ng ginawang pyramid na hugis ng bigas sa mga lalagyan nito. “Nakatarak” na parang pinapatay ang mamimili sa presyong sentral sa pagkuha ng batayang pagkain sa hapag ng mga Filipino.

Ang signage naman ng mga presyo ng gasolina ay para ring lapida. May pinapalatandaan na pagyao at muling pagkabuhay: ang sentralidad ng kapital at kita sa lunan na minamarkahan. Ang signage ay purong signifier ng kita dahil pinapatay nito ang kahulugan ng iba pa hinggil sa lunan na pinagtirikan.

Hindi abstraksyon at afinidad ang signage ng mga presyo ng gasolina. Dahil lapida sealed at concealed ang pagpapahiwatig (signification) nito. Silyado ang pagpapahiwatig dahil walang ibang maaring maging kalahok ng intensibong pagkakamkam ng kita mula sa pamilihan. Sa katunayan, hindi mahalaga ang konsumer dahil sa ayaw at gusto naman niya, kailangan niyang bumili at sa proseso pakitain ang higanteng negosyo ng mga kartel.

Patago ito dahil ang signage kahit nakabuyanyang sa pinakaprominenteng lugar ay tila wala naman talagang sinasabi bilang index ng aktwal na presyo ng iba’t ibang uri ng gasolina. Pero ito ang simboliko at tunay na kapangyarihan ng signage: ang kapasidad nitong itago ang mismong rasyonal kung bakit ito itinatag at namamayagpag sa mamimili.

Sa katunayan, hindi lang naman presyo ang laman ng signage. Maging ang brand ng gasolinahan ay isinasaad din ng signage, at ang tanging may rekognisyon ang mamimili at dumaraan ay ang isa sa tatlong kasapi ng kartel. Kung gayon, ang rekognisyon ay may dagdag na premium na paratihang may karagdagang presyo ang mamimili sa mga produkto nito. Kilala at kinikilala kasi, kaya mas mahal ang produkto ng brands.

Kung ang signage ng mga presyo ng gasolina ay lapida, concealed ang sinasaad na internal na espasyo ng puntod. Ang gasolinahan ay isang puntod na walang ipinagbabago ang espasyo dahil mismong ang kabaon dito—ang mga tangke ng gasolinang nakabaon sa lupa—ay hindi rin mabubulok kahit organikong bagay ito na prinoseso. Sa una’t huling pagkakataon, ang gasolina ay bulok na, ito ay ang carbon na sa daan ng mahabang panahon ay binulok at naging amalgamasyon ng nabubulok na bagay sa ilalim ng lupa.

Bulok na ang langis bago pa man ito angkatin sa lupa. Matagal na itong nasa puntod. At ang interbensyon ng negosyo para itransforma ang bulok sa efisyenteng pag-iinit ang nagpapamahal dito. Walang tunay na halaga ang langis kapag nasa ilalim ito ng lupa. Nagkakaroon ito ng halaga kapag inangkat ito ng negosyong namuhuman para magawa ito at maiproseso sa susunod nitong yugto hanggang sa maitalaga ito sa iba’t ibang global na distribusyon at destinasyon. Nagwawakas ang kabulukan ng gasolina kapag ito ay naging sariling init. Ang huling kabulukan ng gasolina ay sa init dulot ng mga makinang nangangailangan nito: turbines, kotse, pabrika, syudad, bansa, mundo.

Kaya ang organikong nabulok ay nailalabas sa akto ng pagbebenta. Parang Frankenstein ang gasolina, nilalang at iniakda para sa negosyo mula sa kabulukan na binubuhay para sa kita. Ito ang purong necrophilia ng kartel at kapital: ang itransforma ang mga death-choices bilang sistematikong pangangamkam ng pera at buhay ng mamimiling wala rin namang opsyon sa isang mundong ginawang bampira para sa langis.

Sa muling dumaan at mapadaan sa signages ng mga presyo ng gasolina, tandaan ito ay isang punyal na nakatarak sa ating mga puso para hindi lubos na mabuhay sa pangangamkam ng individual na buhay natin. Kaya walang dahilan para hindi magalit at maghimagsik sa mga monumento ng kita at kapital: parati itong naghuhudyat ng kanilang tagumpay sa atin kanto-kada-kanto, ang tagumpay ng kanilang kamatayan sa ating mga buhay. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post