Facebook bilang surveillance ng moralidad

Ni ROLAND TOLENTINO
Bulatlat.com

Sa panahon ng graduation, may dalawang kaso na ginamit ang Facebook account ng mga estudyante ng mga Katolikong high school para parusahan ang mga ito dahil sa mga litratong naka-post na hindi sumasang-ayon sa moralidad ng mga high school. Ang parusa, hindi sila papayagang magmartsa dahil nilabag nila ang mga polisiya sa moralidad at kapakanan ng eskwelahan. Ang kaso, pagpo-post sa social networking site, na ang users din naman ang lumikha ng sarili nilang komunidad sa loob nito.

Ang una ay ang larawan ng taga-St. Theresa’s College sa Cebu City na babaeng naka-bikini at pinost sa kanyang Facebook:

Ang ikalawa ay ang mga larawan ng taga-Infant Jesus Academy sa Marikina City ng mga magkakaibigang lalakeng naghahalikan na pinost din sa kanilang Facebook, naka-uniporme ang mga ito:

Ang pagputok ng ganitong mga balita ay nagbibigay-diin sa kapasidad ng Facebook at Internet–mga familiar na platform ng teknolohiya sa pang-araw-araw—na maging balisong (duel-edge na patalim): may natatamong benefisyo ang gumagamit, pero kailanman hindi bibitiwan ng estado ang kanyang ideolohikal na posisyon at papakinabangan din ang teknolohiya para palaganapin pa ang saklaw ng kanyang kapangyarihan. Ngayon nga, sa larangan ng teknolohiya sa pang-araw-araw.

Ang natatangi sa pagkalaganap ng teknolohiya sa pang-araw-araw ay ang paglaganap din ng mismong interes at ideolohikal na posisyon, higit sa lahat, ng nagtaguyod ng makabagong teknolohiya—na hindi rin naman hiwalay sa posisyon ng estado. Ang nagaganap na debosyon ng mga Filipino sa kanilang Facebook account, halimbawa, ay ang familiarisasyon sa social networking platforms.

Maari pa ngang sabihin na aspirasyonal din naman ng isang gitnang uring panlipunang posisyon—tulad ng cell phone saturation, bilang ng mallers, pagkalaganap ng media piracy sa bansa–dahil sa ang mayoryang mamamayan ay aktwal na kabilang sa abang uri. Ito ang normalisasyon at naturalisasyon ng teknolohiyang pangkomunikasyon at ng ideolohikal na posisyon nito. Kung Facebook ito–idagdag pa ang mitolohisasyon ng wiz kid na imbentor nito, si Mark Zuckerberg, pati ang endorsement ng pelikulang The Social Network (2010)–hindi naman hiwalay sa inobatibong produksyon ng kita sa kapitalismo.

Hindi namamalayan ang rehimentasyon ng individual na buhay sa hulmahan ng negosyo at estado, hanggang sa pagputok ng itinuturing na “isolated cases,” tulad ng kaso ng surveillance ng opisyal ng Katolikong high school sa kanilang graduating students para muling makapagpahiwatig na “Ano kayo ngayon? Kaya naming mag-resbak kung gugustuhin namin, gamit ang inyong mga sariling plataporma.”

Na ang nagfle-flex ng kapangyarihan ay ang Katolikong high school—pribado’t may sabayang diin sa pagpapalaganap ng moralidad at kita—ay hindi rin hiwalay sa pangkalahatang advokasi ng simbahang Katoliko sa bansa: anti-reproductive health, anti-LGBT (lesbian, gay, bisexual, trangender at transsexual) na komunidad, at anti-divorce bilang ilang halimbawa.

Sa katunayan, mayroong 30,000 servers (ang 20,000 ay idinagdag sa nakaraang 18 buwan lamang) ang Facebook para sinupin at palawakin ang kapasidad nitong i-store ang lahat ng files ng kanyang users., kabilang ang 80 bilyong imahen nang na-upload at pati ang 600,000 imaheng ina-upload kada segundo. May 230 engineers at staff ito para pangasiwaan ang 300 milyong users nito. Ang bolyum ng data araw-araw na nalilikha dito ay katumbas ng 25 terabytes, at sinasabi raw na 1,000 na beses kaysa bolyum ng mail deliveries ng U.S. Post Office araw-araw. (Para sa mga datos na ito, tignan ang

http://www.datacenterknowledge.com/archives/2009/10/13/facebook-now-has-30000-servers/

Ayon daw sa Facebook, lahat ng deleted na messages, kasama ang chats, ay hindi naman talaga nade-delete dahil nananatili ang datos sa files ng Facebook. Dahil sa mga privacy law ng ibang bansa, napag-alamang ang mga datos na nasa Facebook pa kahit dinelete na ng user, ayon sa Europe v. Facebook, isang grupong itinatag ng mga Austrian na estudyante:

* Every friend request you’ve ever received and how you responded.
* Every poke you’ve exchanged.
* Every event you’ve been invited to through Facebook and how you responded.
* The IP address used each and every time you’ve logged in to Facebook.
* Dates of user name changes and historical privacy settings changes.
* Camera metadata including time stamps and latitude/longitude of picture location, as well as tags from photos – even if you’ve untagged yourself.
* Credit card information, if you’ve ever purchased credits or advertising on Facebook.
* Your last known physical location, with latitude, longitude, time/date, altitude, and more. The report notes that they are unsure how Facebook collects this data. (Sinipi ito mula sa

http://searchenginewatch.com/article/2114059/Your-Facebook-Data-File-Everything-You-Never-Wanted-Anyone-to-Know

Ang interes sa datos ay interes sa kontrol sa informasyon, lalo na ang informasyong magdidirekta sa kita, at ang konsekwesyal na resulta nito, ng moralidad na nagpapalaganap ng kita. Sa huli, ang 300 milyong users sa Facebook ay hindi naman lumikha ng kanilang sariling virtual na komunidad kundi pagpapaloob lamang sa rubric ng virtual na buhay sa kapitalismo. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post