Telebisyon, exorsismo at semana santa

Ni ROLAND TOLENTINO
Bulatlat.com

Ito ang ritwal sa telebisyon kapag semana santa, ang bombahin ang mga manonood ng biblikal at moralistikong (“inspiring,” “motivational,” “reflective”) palabas at programa. Alam mong patay si Hesus dahil sa media: buhay ang tradisyonal na media ng pabasa ng pasyon, patay ang radyo at telebisyon, at ngayon, buhay ang internet at cable TV na may epekto sa programming ng mga pangunahing stasyon.

May rap pasyon sa Youtube, kasama ng pasyon sa iba’t ibang wika. Business-as-usual ang cable TV, maliban sa regular na pagbalita ng segment ng pagpako sa krus sa Pampanga at iba pang selebrasyon sa buong mundo ng semana santa. Pero ang free TV, drastikong pinuputol ang regular programming para sa taunang exorsismo: ang sapilitang bumalik-loob sa diyos, sa turo ng bibliya, at sa konserbatismong aplikasyon ng simbahan at suporta ng media (ng mismong stasyon) dito.

Sinasaad ng telebisyon at negosyo ang ethos ng simbahang Katoliko. Limitado ang oras ng serbisyo sa semana santa. Sarado ang lahat, at walang alkohol ang mga bars, lalo na pag Biernes santo. Sa Biernes santo, sarado ang mall, ang kaisa-isang araw na pinapayagan ito at hindi pinagmumulta ang mga pwesto sa SM. At tulad ng live-via-satellite na coverage ng misa sa Vatican City sa araw ng pagkabuhay, balik na naman ang buhay ng bansa sa ilalim ng nakisabay na naglahong estado. Bumabalik mula sa pagiging absent para muling matunghayan ang kanyang makapangyarihang presensya.

May easter message ang papa, arsobispo at presidente sa pahayagan, telebisyon at internet. At balik normal na naman ang operasyon ng mall, telebisyon, negosyo, at goberyno sa mitikal na araw ng pagkabuhay. Pero nawala nga ba ang estado?

Sa programming ng ABS-CBN, pinagsama-sama ang mga palabas na may devosyon o may topikal at tematikong ugnay sa Katolikong pananampalataya: news magazine, pelikulang lokal na sila ang nagprodyus, pelikulang Hollywood na sila ang may lokal na karapatan, at ib pa. Nakaipon na pala ng sariling programa ang ABS-CBN para isustina ang sariling telebiswal na programming kapag semana santa.

Ganito rin ang skema sa GMA, ginagawang tampok ang mga programang nakakapanghimok ng kumpesyonal na debosyon—magnilay, metapisikal na itanong sa sarili kung naging mabuti bang nilalang, mamamayan at konsumer. Ginagamit ang oberdeterminasyon ng palabas at programming sa telebisyon para maging giya ng taunang retreat na ito.

Debosyonaryo ang himok ng programming dahil nais nitong manumbalik ang pananampalatayang kinokoop ng negosyo at estado. Ang kahalintulad na pananampalataya sa Katololikong relihiyon ay ginagamit para sa debosyonal na hagod ng kapamilya-kapuso-kapatid na network, ang pagbabalik-ugnay ng imahinaryong relasyon ng negosyo at kliyente.

Ang purifikasyon ay taunang ritwal. Exorsismo o ang pagpapalayas sa demonyo at iba pang non-Judeo Kristianong nilalang ang pangunahing kalakaran para sa pambansang purifikasyon ng telebisyon. Ang isinaad nito ay simple lang—kaming nagpapalayas ng demonyo’t immoralidad ay nagpapalayas dahil wala kaming sala at kasalanan. Ang self-righteousness ng komersyal na telebisyon ay hinihikayat maganap din sa antas ng individual na mamamayan, kalakhan ay kabilang sa mayoryang mahihirap bilang konsumer ng free television.

Nawala para muling manumbalik. Ang telebisyon ay naglalaho at nagiging bare essentials na lamang para sa proyekto ng disimuladong pagbebenta ng palabas at brand ng stasyon. Pagkatapos ng Easter, balik-normal at regularisasyon na naman ang buhay ng bansa sa telebiswal na governance ng negosyo at gobyerno. Balik-pananampalataya sa estado kahit hindi naman ito namatay kahit noong Biernes santo.

Kahit sa regular na programming na nagiging static ang screen ng telebisyon ay hindi namamatay. 24/7 pa rin ang kita sa Filipino channel, nagte-taping pa rin, may trabahador na gising pa rin sa post-production, lumalago pa rin ang stocks ng conglomerates. At matapos ng pagpatlang sa semana santa, at kahit sa gitna ng pagpatlang na ito–ang telebisyon ay buhay at nabubuhay pa rin bilang patuloy na testimonya ng pagiging conduit ng mismong mamamayan sa proyekto ng media at estado. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post