Ni ROLAND TOLENTINO
Bulatlat.com
Si Vangie raw ang Pinoy version ni Siri, ang app sa Mac I-phone na ang voice activation ng user ay makakalikha ng interaksyon sa mismong telepono, tulad ng pagtatanong kung saan ang pinakamalapit na groseriya’t gasolinahan, calories ng balak kainin sa fast food, maging pag-utos na i-text o tawagan ang mga nasa address book. Si Siri ang “virtual assistant” ng user nito—alalay, utusan, alila, tsimini.
Ayon sa video link, si Vangie raw ay ginawa ng ahensyang Macapuno dahil hindi kaya ng powers ni Siri ang mga detalye ng bansa (wala sa scope ng Mac dahil hindi naman itinuturing na leading market ang Filipinas), at dahil na rin iba ang oral at kontextual na expresyon ng kulturang Pinoy (jologs; sariling gamit na kataga, tulad ng CR; pagiging snatcher ng cellphone):
Angat naman ang turing kapag may gamit na Mac, ang pangunahing brand ng gadget na kumakatawan ng gitnang uring aspirasyon. Sa hanay ng nagtratrabahong may sweldong pwedeng tipirin, “this is it!” Ito ang pagtamasa sa panuntunan ng gitnang uri kahit pa ang akto ng pagbili ay akto ng pagkabulok at pagkasira ng kapangyarihang makapili’t makakonsumo: na sa tuwing maglalabas ng bagong modelo, na may katiyakan naman, ay lumaan at pinaglumaan na ang tingin sa nauna.
Sa hanay ng kabataan, ito ang kinakailangang familiar na literasi na pagnanasaan, pagkalalakihan ng mata, tataas ang turing, aangat ang tingin sa mayroon dahil sa kawalan pa ng aktwal na finansya para makabili sa sarili. Sa hanay ng mayroon na, si Vangie ang katiwala’t kasama, ang virtual na (feminisadong) entidad na paratihang kapiling, paratihang handang tumulong.
Sa hanay ng wala pa, ang Youtube videos ni Vangie ay nakakatuwang aspirasyon sa buhay, at ang higit na minoritisasyon ng pwestong pinanggagalingan ng nakakatunghay dito. Sa kasalukuyang antas—ang kawalan ng ekonomikong kapasidad—ay isa lang itong viral na video, pero dahil ito ay isang viral na video ito ay may kapasidad na mag-ugat at magsanga-sanga sa iba’t ibang afeksyonal na landas batay sa pinanggagalingan ng nanonood.
Sa video, kalakhan ay Yuppies ang tauhan: may kotse, naghahanap ng Starbucks at CR sa indoor tiangge, at iba pa. May isang naka-jogging na kasuotan, naghahanap ng matatakbuhan, snatcher pala. Sa world capitalist order, ang puwang ng bansa ay pagkonsumo ng ilang libong unit lang ng Mac, pati na rin ang paggawa ng apps para patawang isalin ang “U.S. high class-ness” sa kabaligtarang tagpo sa bansa.
Hindi naman penomenal si Vangie. Maliban dito sa video na may 2.5 milyong hits na, at ilang coverage sa internet at balita sa telebisyon, wala naman ibang nalikhang komosyon. Sa katunayan, wala pa akong nababalitaan sa aktwal na may I-phone hinggil kay Vangie. Kaya sa antas pa lang ng ilusyon at urban legend ang presensya ni Vangie.
Oral ang pakikitungo kay Vangie, at iba itong sense at sensibilidad na kinokolonisa ng teknolohiyang pati ang mga daliri ay mayroon sariling utak o koordinasyon. Sa pamamagitan ng boses, nagkakaroon ng tinig ang gumagamit, naghuhudyat ng interaksyon kay Siri, sa gadget, teknolohiya at gitnang uring panuntunan.
Mas hayag ang pagiging gitnang uri. Lampas sa visualidad at personalisasyon ng cellphone, ang pinakabagong bahagi ng katawan ng gumagamit—ang kanyang tinig—ay naghuhudyat ng higit na inkorporasyon sa kapitalistang sistema. Pinapayagan naman ito ng gumagamit, ang pagpapasa-Mac at pagpapasa-kapital ng kanyang tinig, kapalit ng ilusyon at droga ng pagiging global na gitnang uri.
Kay Vangie naman, ito ang pagkakaroon at lehitimasyon ng bagong profesyon: professional assistant, stylist, eventologist, script doctor, literary agent, at iba pa. At itong mga profesyong
naglilingkod sa mataas na uri sa partikularidad ng pagpapakilos ng kapital ay isa-isang inilalahok ng makabagong teknolohiya at gadget. Ito ang bahagi ng katawang kinakapital ng may ilang daang libo nang mamamayan na nakapaloob sa kapitalismo ng maunlad na bansa: liga ng call center agents.
Ang figura ni Vangie, at ang pangangatulong ay higit na naglalahad ng katingkaran ng distinksyong uri—na maaring tignan bilang alegorya ng pangunahing posisyonalidad ng bansa sa mundo, bilang katulong ng mundo. Nauna na itong pagparodya sa katulong kay Maritess, ang katulong ng Super Friends:
Minobilisa ang lahat ng stereotipikong depiksyon ng babaeng katulong: may punto, mahirap, galing sa liblib na lugar, tatanga-tanga, hindi asertibo, at biktima. Si Vangie sa Youtube ay gayon din, pero may kapasidad mamili ng amo o umalinsunod sa may-ari ng unit.
Ang boses na nakakapag-utos ay may ilusyon na hawak ang mundo’t kanyang destinasyon. Sa katunayan, ang boses ay reiterasyon lamang ng tinig ng kapital—kung paano nakolonisa ng kapital ang wika, bararila, tinig at bibig, media at mga plataporma para busalan ito, o sa pagkakataong magsalita, magsalita na umaayon sa panuntunan ng gitnang uring pangangapital.