Video ombagan at fasinasyon sa has-beens gone wild

Ni ROLAND TOLENTINO
Bulatlat.com

Maraming termino para sa bugbugan: rumble kung frat o wrestling, okrayan kung verbal abuse, tira at hit kung gun-for-hire, at kung jologs: bira, banatan, bugbugan, resbak at ombagan, halimbawa. Sa katunayan, walang sosyal (bilang mataas na uri at ng kalidad nitong buhay) sa bugbugan—at walang termino na spesifikong nakaukol sa maykaya na nagbubugbugan at nagpapatayan.

Ang ibig sabihin nito, kapag nambugbog o nabugbog ka o napasama sa bugbugan, jologs ka kaagad. Sa isang banda, parang sensitibo sa politikal na abang uri dahil hindi tinataguriang panganib mula sa mababang uri, tulad ng welga, transport at education strike, politikal na planking, o noynoying—mula sa common enemy lang, ang lumpen proletaryado o ang kajologans nga na walang inaasintang alintuntunin dahil mismong buhay at pagpapakaranasan ay sistematikong pagkaetsapwera sa estadong mapagbantay sa kanilang hanay.

Sa kabilang banda, pagbubura rin sa propensidad ng maykayang uri sa pana-panahong pagputok ng karahasan: hindi organikong kabahagi ito, walang inherikong katangian ang mataas na uri na pisikal na mang-api ng kanyang kapwa, lalo na ang kanyang kauri. Kaya ang ginagawa ng bugbugan ay gawing saksi ang aktwal na nandoon sa eksena ng familiar na karahasan, o sa edad ng video camera, ang gawing saksi at mamboboso ang tutunghay sa viral media:

Kumplikado ang eksena ng bugbugan dahil ang literal na lokasyon nito ay kumplikado: ang airport na eksena ng pagdurusa’ pighati ng libo-libong umaalis-dumarating na OCW at ng kanilang pamilya ay natransforma sa pribadong negosasyon at failure sa komunikasyon. Sa isang panig, ang aroganteng si Ramon Tulfo, na ang naunang palabas, “Isumbong mo kay Tulfo,” ay nagsuma ng kapangyarihan ng media na umaksyon lalo na kapag ang mga sangay ng pamahalaan at sibil na pamamalakad ay gumuho na sa korapsyon.

Sa pamamagitan ng hidden camera set-up, binibitag ang mga partidong may inaakalang responsibilidad sa hinanaing. Matapos ay ang klimaktikong pagtutuos na haharap si Tulfo-as-himself para verbal na birahin at banatan ang inaakalang nang-api. Gamit ang biswal na ebidensya ng video, walang magawa ang partido kundi tumiklop na lalo pang magpapabrusko sa pananalita at gawi ni Tulfo.

Sa kabilang panig, ang mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barreto, pati ang kanilang mga maliliit na anak at kaibigan-sa-aktibong-pagsaksi, na ang kaningningan ng kanilang bituin ay dating nang nakitaan ng mas magandang panahon. Regular lang naman ang hinanaing, bakit hindi nailagay ang mga maleta sa eroplano? Iregular ang pamamaraan kung paniniwalaan si Tulfo na siya rin namang popular na paniniwala sa reputasyong pumutok ni Barreto: halos maiyak-iyak na raw ang ground attendant.

Sanay sa kamera ang mga tauhan, pati sa pag-spin doctor sa mga kontrobersyal na balitang kinapapalooban nila. Kayang pahabain ang popular na fasinasyon ng sumusubaybay sa peryodikong pagharap sa media, paglalahad ng iba pang detalye at implikasyon, at pag-unlad ng kaso. Sa kasaysayan naman kasi ng pagkakaso, kumbensyon na ito sa simula dahil sa huli, wala naman makukulong. At ang inaasahan sa lahat ng showbiz na skandalo, ang pagbabati.

Ang natatangi sa akin ay ang reaksyon ng nasa “ibaba.” Hindi nga ba’t ito ang sinasabing “kasangkapan ng inapi,” na matunghayan ang self-destruction ng kanilang dinakakila? Pero sa sitwasyong ito, isang pumpon ng has-beens, ano ang nananatiling fasinasyon?

Ito ay hindi na pagtingala pero pagtingin ng eye-level, na ang kanilang kapwa gitnang uri-wanna-be ay may saloobing jologs pa rin, na handang pumutok kapag binatikos at inasulto. Jologs si Tulfo, jologs si Claudine, jologs si Raymart. Jologs kayo diyan!, at ang kajologan na nasa ating lahat ay nandoon din sa kahanay at kaaspirasyonal natin.

Ikalawa, dahil ang turing na natin sa has-beens ay kapantay (kalebel), ito ay pagturing din sa kanila bilang isa sa hanay natin na nagkakaroon ng pagkakataong sumikat (pa rin). Tapos man ang kanilang kasikatan–pa-extra-extra na lamang sa teleserye bilang ina, nakakatandang kapatid o tiyahen o sa kaso ni Tulfo, bilang ex-martial arts expert na kaya ring kaplogin kapag kinakailangan at kung gayon ay ang pagkawala ng pisikal at moral na awtoridad sa ating lahat bilang manonood—ay maari pa rin silang magkaroon ng epilog.

Ito ang sensasyon ng umangat na ordinaryo, kalebel na natin at kung gayon, gusto na natin silang yakapin o lalo pang idistansya sa ating imahinasyon ng sariling pagiging gitnang uri. Sa huli, ang kanya-kanyang forum sa media, pati displey ng kapasaan, ay higit sa lahat, displey ng final na akto ng pagkatalo’t pagkatanggap nang mababang panlipunang posisyon.

Excuse-me-lang-po, ipinagtanggol ko lang po ang aking asawa, puri, at dignidad, na sa araw-araw na pagkakataon ay ang kumpromiso ng napakaraming mamamayang walang akses sa ganitong media forum. Mabuhay kayong has-beens dahil alam na ninyo ngayon ang nadaranas, kahit sa isang pagkakataon, kung paano mabawasan ng panlipunan ningning. Welcome po, dito lang po ang daan tungo sa abang uring realidad. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post