“Jessica Sanchez sings national anthem for memorial day concert”: kontradiksyon ng nasyonalidad, etnisidad at globalidad

NI ROLAND TOLENTINO
Bulatlat.com

Pasensya na sa mahabang titulo. Mahirap manguha ng atensyon at mahagip ang gustong sabihin. Kaya nandiyan na lang ang lahat, ang puno’t dulo ng nais kong sabihin.

Una, ang memorial day sa U.S. ay isang federal holiday na ipinagdiriwang sa huling Lunes ng Mayo. Una itong ipinagdiwang na “Decorations Day” bilang paggunita sa mga namatay sa Civil War, at matapos para saklawin ang lahat ng mga Amerikanong sundalong namatay sa lahat ng digmaang nilahukan nito. Bilang isang sibil na pagdiriwang, ito rin ang ofisyal na nagtatakda ng unang araw ng tag-init—kaya matatagpuan ang maraming nagdiriwang ng holiday sa beach at outdoors.

Ang pambansang holiday ay ang pag-akda ng taunan at periodikong ritwal ng isang bansa. Dito ay ofisyal na inaasahan ang kolektibong partisipasyon ng pagdiriwang (katawan) at paggunita (pag-iisip)—isang memorialisasyon ng isang yugto ng pagkabansa na nais buhayin sa pangkalahatan, at kaligtaan (di-gunitain), at maging patayin sa partikular. Bawat bansa ay may magkakahalintulad sa pagsasabuhay, tulad ng araw ng kalayaan, pagkapanalo sa mamahalagang digmaan, at pagdakila sa mahahalagang tao; at magkakatanging pagsasabuhay, tulad ng relihiyoso’t hindi sekular na okasyon.

Ikalawa, si Jessica Sanchez, matapos ng kanyang matagumpay na pag-runner-up sa American Idol, ay naging sityo ng identifikasyon (o mis-identifikasyon) ng mga Filipino bilang dalumat ng kanilang pride at nasyonalidad. Kahit pa nga, si Sanchez ay hindi pa nauwi sa bansa, may etnisidad ding Mexikano, at ang identifikasyon at nasyonalidad ay pagiging Amerikano, o sa partikular, may etnisidad (ibig sabihin, hindi puti o Caucasian) sa U.S.

Kaya kapag kumanta si Sanchez ng pambansang awit ng U.S. ay walang fuzz ito roon. Tinataguriang mabuti pa nga itong anak ng bansa, minoridad na katawang umaakma sa pambansang ideal ng naratibo ng pagsasabansa. Pero sa labas ng U.S., sa mga bansang nakilahok ang (o giniyera ng) U.S., may malalim na implikayson ito. Tulad sa Filipinas, ang U.S. ay lokus ng pagkaudlot ng isang pambansang pagnanasa para sa kalayaan sa panahon ng pananakop ng Kastila at Hapon, pati na rin ang kasarinlan matapos ng mga ito: ang sapilitang pakikilahok ng bansa sa giyera ng U.S. mula South Korea, Vietnam, Afghanistan at Iraq.

Ang pambansang awit ang pinakafamiliar na pagtatanghal ng pagkabansa’t nasyonalismo nito. Ang nasyonalismo ng isang bansa ay hindi sensitibo sa nasyonalismo ng iba. Kanya-kanyang nasyonalismo at posisyon ng pagkamatwid. Kaya ang pag-awit ni Sanchez ay nasyonalistiko sa Amerikanong perspektibo, pero sa Filipino, ito ay isang taliwas na pagdakila sa mga iba’t ibang historikal na yugto ng pakikisangkot at imperialismo ng U.S. sa bansa at sa mundo. Ano ang dapat ikaligaya rito kung ito ang balon ng pagtangis at pighati ng pagkabansa at pagkamamamayan natin?

Ikatlo, at ito ay isang gayunpaman (aside) mode, kahit na umawit si Sanchez, ay hindi matitinag ang adorasyon ng kanyang fan base sa Filipinas. Lumaktaw na si Sanchez sa orkestrasyon ng kulturang popular ng U.S. at sa pagkaako ng mga Filipino sa kanya bilang kababayan. Dulot ito ng mas masaklaw—ang mas malaking nasyonalismo—na globalidad.

Ang globalidad ay isang mas malawakang plataporma ng formasyon at transformasyon ng identidad, lalo na’t integral na saklaw nito ang formasyon at transformasyon ng gitnang uring globalidad. Kapag kilala’t may simpatya kay Sanchez, nakakaangat ka sa mga kamamamayang ang konsern at identifikasyon ay mula sa mga finalist at nagwagi sa Talentadong Pinoy o Pinoy Got Talent, halimbawa. Angat ka sa bansa, kahit pa duhagi naman ang inaakalang kapangyarihan sa aktwal na sityo ng globalidad.

Sa kaso ni Sanchez, ang kawalan-kapangyarihang ipanalo siya dahil ang kita ng text at online voting ay isang nasyonalistikong ehersisyo ng popular na demokrasyang nakalaan lamang para sa mamamayan ng U.S. Ano kayo ngayon? Pero hindi pa rin matitinag ang interes at identifikasyon bilang pride of the Filipina race na dating nakalaan sa mga beauty contestant at talentong natuklasan sa viral media ng mga talk show host ng U.S.

Ang ginagawa ng kategorya ng globalidad ay lusawin ang parametro ng etnisidad at nasyonalismo, at gawin tayong lahat bilang global na gitnang uri at konsumer. Sa kasong ito, walang lubos na ipinagkaiba—o may pagkakahalintulad—ang fans ni Sanchez mapa-Kapampangan man o Chavacano ito, kahit pa sa U.S., ang mga kalakhan ng kabataang babaeng bumoto ay puti at galing ng konserbatibong states.

Sa kasong ito, ang global na pagkamamamayan ni Sanchez ay natapyasan, at nareafirma ang pwesto ng Filipinas bilang reseptakulo ng runner-ups, tulad ng run ng mga Broadway show sa bansa sa panahong iniimpake na ito sa mismong Broadway at West End, at ang pagpasok ng mga artista ng U.S. bilang modelo ng Penshoppe at Bench sa panahon—maliban marahil kay Zac Efron—ay hindi naman sila maiisip na modelo sa mismong U.S.

Sa formasyon ng globalidad na identifikasyon, tulad kay Sanchez, ang epistemiko’t literal na karahasan ay naiibsan, kundi man binubura. Ang etnisidad ay napagpapantay sa ngalan ng kapital. At sa ngalan ng kapital, nalulusaw ang nasyonalismo para magbigay daan sa engrandeng proyekto ng globalismo. Narito ang marka ng bagong global na identidad: nakikilahok pero hindi lubos, sa laylayan pa rin ng global na dibisyon ng paggawa. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post

2 Comments - Write a Comment

  1. excuse me, paul, but your analogy is rather so off. BS Aquino is NOT half.chinese–he is at most 1/8 chinese, probably 1/16 🙂

  2. Jessica Sanchez was born American, was raised in the United States, English is the language she speaks, and it is appropriate that she represents the United States by singing the Star Spangled Banner. Trying to read too much into her ethnicity and loyalty is like expecting Pnoy Aquino to sing the Chinese national anthem because he is half Chinese.

Comments are closed.