Mga beauty queen at rebolusyonaryo

Ni ROLAND B. TOLENTINO
Bulatlat.com

Ang pagkahalintulad ng dalawang titulo, pareho itong pinili: boluntaryong sinalihan, nagpakabihasa, nagpaunlad, at napagtagumpayan. Ang kaibahan ng dalawang titulo, ang una’y permanenteng nakaugnay kundi man nakapakat sa babae, ang huli’y patuloy na pinapaunlad kundi ay iniiwan sa pagtagal ng panahon.

Ang una ay titulong tradisyonal na inaasam ng batang babae’t dalagita: ang katumbas ng pagiging prinsesa sa aktwal na buhay. Ito rin ang ipinapaasam sa kanila: ang epitome ng pagiging isang babae—mula pisikalidad, diskarte, disposisyon, moralidad, talento’t talino, at humanistikong paglilingkod sa kapwa. At sa kultura nga ng bansa, may beauty pageant para sa lahat ng edad ng babae, at ngayon, pati na rin lalake—Little Miss Philippines, Mrs. Philippines, Lola Philippines, at iba pa.

Ang huli ay titulong walang ipinanganak at lumaki na inaasam. Tanging ang boluntaryong sosyalisasyon sa eksenang historikal at panlipunang realidad magkakaroon ng impetus at inklinasyon hinggil sa daaning di lubos na tinutungo. Natututo ang babae (at lalake) sa kondisyon ng posibilidad sa neokolonyal na lipunan, ng pagsusuri, disiplina, kolektibong gawi, sosyalistang tunguhin, at ang gawaing historikal. Walang titulo, maliban ang dagdag na kataga’t turing na “kasama.”

Ang una’t huli ay parehong puno ng ideal. Ang una ay “36-24-36,” “katawang Coca-cola,” “ambassador of goodwill,” “role model for women,” at “representative of female beauty and grace.” Ang huli ay nakaangkla sa “tiwala sa masa,” “simpleng pamumuhay, puspusang pagkilos,” “kolektibong pamumuhay,” “sosyalistang kinabukasan,” at mapagpantay na “relasyon ng sexes.” Ang una ay kapwa babae ang kinakausap, ang huli ay ang babae’t lalake, ang masa.

Ang una’t huli ay representatibo ng bansa at nasyonalismo. Ang una ay sa pamamagitan ng telebisyon, at ang transformasyon ng kaganapan (event) ng beauty pageant bilang isang pambansa at global na spektakulo. Kinakabog ang maraming babae mula sa iba’t ibang edad, pati ang fanatatikong niche ng bakla na mahilig sa beauty pageants, sa sandali ng panonood nito.

At sa pagkaunlad ng beauty pageants na matapos ng parade of nations ay bigla na lang ang kalakahan ng mga kontestant ay magiging thank-you girls, matitira na lamang ang ilang pre-selected finalists para sa huling bahagi ng kumpetisyon. Na lalong ikakakabog ng mga nanonood (kapag naging finalist ang Miss Philippines) o magiging laman ng usapan hanggang sa matapos ang pageant (kapag luhaan si Miss Philippines). Matapos ay may isang taong pagrereyna, kung sakaling palarin ang representatibo ng bansa, kahit pa siya Miss Chuwariwap (runner-up) lamang.

Sa huli naman, ang babae ay representatibo ng pambansa, o sa partikular ng pambansang demokratikong kilusan: pambansa dahil ito ang saklaw sa pagpapalaya, at demokratiko dahil ito ang kalakaran sa pagpapalaya. Walang edad na pinili ang babae sa pagsali, walang sexual na preferensya, relihiyon, etnisidad, kulay, at lahi. Hard-core nationalist ang babae ng kilusan dahil sa kasaysayan ng global na imperialismo na sistemiko’t sistematikong nagpahirap sa mayoryang mamamayan.
Ang una’t huli ay tinig ng kababaihan. Ang una ay ang modernong unibersal at transhistorikal na papel ng babae bilang handmaiden ng mas malaking otoridad: diyos, humanidad, kababaihan, musmos, kagandahan, at media na negosyo. Ang huli ay tinig ng masa, mayoryang naghihirap, ng sambayanang lumalaya.

Ang tinig ng una ay nakaangkla sa katawang pang-Miss Universe, ang katawang magnet para sa pangarap na prilihiyadong papapakasal at machong benefisyaryo–dahil spektakulong tampok ang pangangatawan nito. Ang tinig ng huli ay nasa pangkalahatang katawan o ang sambayanang nakikibaka, ang kilusan: nagkakaroon ng politikal na kapangyarihan kapag kolektibong nakikibaka.

Sa dinami ng babaeng nangarap, napiling lumahok, isa lamang ang magtatagumpay sa rurok ng una. Ang pagka-pangkalahatan ng aspirasyon para sa indibidwal na mobilidad ang nagsasaad na exklusibo ang pagtatagumpay dito. Sa huli naman, walang aspirasyong indibidwal na nagaganap. Kolektibong transformasyon at emansipasyon ang hinahangad.

Hindi naman kailangang maging beauty queen para maging isang ganap na babae, pero sa kahilingan ng edad, kailangang maging rebolusyonaryo para maging isang ganap na tao. May mga batang babae at dalagita (at bading) na mangangarap na maging beauty queen. Kumpara rito, mas may kaunting bilang ng babae na mangangarap maging rebolusyonaryo. Pero sa pagkakaalam ng marami, may dalawang beauty queen na naging rebolusyonaryo’t nananatiling malapit sa rebolusyonaryong kilusan.

Isa sa dalawang ito si Maita Gomez (1947-2012).(https://www.bulatlat.com)

Share This Post

4 Comments - Write a Comment

  1. at ang isa pa ay si Nelia Sancho

  2. Napakamaigting at nakapupukaw ang pagpupugay ni Ka Roland kay Maita Gomez, ngayo’y di na “beauty queen” kundi karaniwang taong lumabis sa pagkakaraniwan sa kanyang pagmamahal sa gawaing mapagpalaya,praktikang mapanghimagsik. Sumalupa nawa muli ang sumalangit na gunita natin ng kanyang buhay, gayunpama’y ang kaluluwa ni Maita ay nakaluklok pa rin sa katawan ng bayang naghihirap at lumalaban. Mabuhay si Maita Gomez!

Comments are closed.