Patay na FB users at virtual na pagluluksa

Ni Roland Tolentino
Bulatlat.com

Ang isang afirmasyon sa individualidad sa Facebook ay nasa kontrol ng lumikha ang detalye ng kanyang account—pag-activate, pagpunan ng laman, pag-like, pag-block ng mga kaaway at stalker, at pag-deactivate. Sa katunayan, ang kasaysayan ng individual ay plakado sa kasaysayan (Timeline) ng piniling ilagay sa kanyang FB account.

Ang FB mismo ay hindi nagde-deactivate ng account ng inactive users nito dahil umaasa pa rin ito na mag-a-activate muli ang user, at siempre, baka bumaba ang bilang ng pinakapopular na social networking site. Ang tanging papel ng FB ay i-deactivate ang user kapag ito ay lumabag sa mga itinakdang polisiya. Kahit pa may feature ang FB na “memorializing” ng account—na ang isang friend ay maaring magreport ng pagyao ng user nito—at para maprotektahan raw ang “privacy” nito ay madalang itong mangyari sa aking sirkulo ng FB friends.

Madalas pa ring nangyayari na kahit yumao na ang FB user ay buhay pa rin ang kanyang FB account—dahil siya nga lang, maliban kung na-share niya ang password, ang kayang mag-deactivate nito. Kaya may virtual na multo ng yumao sa plataporma ng FB, nananatili silang haunting spectre sa virtual na mundong ito.

Patay pero binubuhay pa rin. Patay pero ayaw pa ring ilibing. Ang FB, kung gayon, ay ang haunting ground ng mga pangungulila ng at sa buhay: deklarasyon ng “I miss you,” pagbati sa araw ng pagsilang at pagyao nito, komitment na “I will never forget you,” pag-repost ng mga pix at alaala ng kaibigan sa yumao. Bakit hindi mailibing ang patay? Bakit ayaw patayin ang alaala nito?

Melankolia ang mental na estado ng pangungulila, na ang yumao—patay, naunsyaming relasyon, pagkaiwan ng magulang at mahal sa buhay, trauma’t pighati ng nakaraan, high school at college life–ay ayaw pa ring lubos na pausarin at hinahayaan pa ring mangibabaw. May necrophilia ang melankolia dahil ang kabilang pisngi ng pagdanas ng pighati ay ang tasitong ligayang nadarama sa pangungulila’t pagngunguyngoy.

At heto ang laktaw ng aking kontensyon: na ang melankolia ay aktibong ahente (agent) ng kapital at kapitalismo. Una, ang pinagluluksaan ay ang pagyao sa ahente ng kapital at kapital na sandali: kung ito ay batang kaibigang yumao, ang potensyal pa nito sa higit na kapital na pagkadakila (o batay sa panuntunan ng tagumpay sa kapitalistang sistema); kung ito ay naunsyaming relasyon, ang mga kapitalistang sandali, tulad ng pag-date, gimik, panonood ng sine, o pagmo-motel na pawang nakapaloob sa romantikong pag-ibig sa kapitalistang sistema.

Ikalawa, maging ang post-trauma na yugto—ang mismong melankolia—ay prolongasyon ng kapital at kapitalismo: kung ito ay yumaong kaibigang lalake, ang bawat tagay at bucket beer ay may potensyal maging sa ngalan niya; kung ito ay naunsyaming relasyon, ang pag-relive sa mga sandali na lumilikha ng emo-ness (pagpunit at pagbasag sa puso) na maaring magdulot ng eating binges (destruktibo), kundi man ng “the best revenge is to look ravishing,” at mapaparegular pa ito sa gym at strict diet (destruktibo rin), na pawang may gastos.

Ang melankolia ang “after-life” ng kapital, na ang yumaong figura at insidente ng kapital ay nagkakaroon ng karagdagang buhay, kahit pa ang aktwal na pagkadanas nito ay malamang, hindi sa perfektong estado. Bakit mangungulila sa pagkakaroon ng broken home, halimbawa, kung ang araw-araw na pagkadanas naman ng domestikong buhay ay marahas at abusado?

Kaya buhay ang negosyo ng melankolia: relief operations ng gitnang uri matapos ng disaster, high school at college batch reunions, periodikong pagkikita ng mga naunang grupo ng kaibigan at katrabaho, pagdalaw sa home town, home cooking, Binondo cooking, old Manila-style restaurants, McDonald’s commercial na gamit ang Eraserheads na kanta, Beatles, maintenance na gamot para sa cholesterol, golden eras o belle époques (Spanish colonialism, Philippine cinema), specialty toy shops, Hello Kitty, family bonding, grand family reunions, at iba pa.

Nakaangkla ang lahat ng ito sa life-cyle ng individual, mula sa pagdadalangtao ng kanyang ina, pagiging sanggol at musmos nito (inner child), teens (“Pinoy Big Brother Teen Edition”) at kabataan, maagang pagtanda, mid-life, senior citizen, pagyao at memorialisasyon nito. Bawat isa ay may nalilikhang komonalidad ng niche na karanasan mapapagkakitaan ng kapital at kapitalismo.

Ito ang nekropolitika ng kapital at kapitalismo: na ang buhay at kamatayan ng katawan at alaala ng individual at kolektibo ay sinasamsam para sa maximisasyon ng kita; na ang premis para magawa ito ay ang higit na depolitisasyon ng kamalayan ng tunay na individual na ahensyang kritikal na makakatunggali sa agos ng mga ito. At ito ang binabagtas ng kilusang masa—na hindi ito tama’t makatarungan, na mayroon pang ibang kalakaran at kinabukasang dapat bakahin at pangarapin. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post