Ang mundo ayon sa instant noodles

Ni ROLAND TOLENTINO
Bulatlat.com

Sa U.P., ang pagkain ng kabataan ay instant noodles, at bawat kiosk ay nagbebenta nito—luto na at may menu pa (double order, may itlog o siomai, maanghang na klase, may kalamansi flavor, at kung ano-ano pang variasyon). Dahil sa kinetisismo ng buhay estudyante, hindi nakakapagtaka na ito ang food-of-choice ng napakaraming estudyante, lalo na kolehiyo.

Sa anim na taon mula 1995, halos nodoble ang konsumpsyon ng instant noodles sa bansa, mula .278 kg bawat tao kada taon tungo sa .57 kg noong 2001. Ang naimbento ng Hapong kompanya noong 1957 ay isa nang global na produkto: mabilisan, pang-isahan, kumbinyente, transportable na nagkaroon na ng kanya-kanyang bersyon batay sa panlasa ng mamamayan ng bansa. Hindi katakataka na ang mga nabanggit na katangian ng instant noodles ay nakapasok din sa mas marami pang pang-araw-araw na karanasan sa kapitalismo: gadgets at teknolohiya, social networking sites, at fastfood, bilang halimbawa.

Isipin natin ang katangian ng instant noodles: mura kundi man affordable, maraming pagbibilhan at madalas pa nga’y luto na, simpleng preparasyon, pwedeng matagal maimbak, convenient, mabilisan ihanda, mabilisan ang pagkabusog, maraming flavors na pagpipilian, masarap, hindi nakakasawa, food-on-the-go para sa taong-on-the-go, instant gratification, popular, at pangkabataan.

Maaring isipin na ito rin ang sinisiwalat na pagmapa at pag-unawa sa mundo, lalo na sa mundo ng umiigting na kapitalismo—na ang relasyon sa instant noodles ang siya ring inaasam na relasyon ng mga tumatangkilik nito sa mundo: sa mga kaibigan, pag-ibig, kasawian, pag-aaral, trabaho, pamilya, hinaharap, kinabukasan, at iba pa.

Simple hindi kumplikado ang mundo. Ang paghihinuha ng mundo at mga panlipunang relasyon sa ilalim ng kapitalismo ay inaasahang maging simple at umaayon sa ilang ideal na inaakalang dapat at nararapat: pagtangi sa sarili, pagkanatatangi ng sarili at ng kanyang piniling relasyon. Simple ang mundo dahil umiinog lang ang mundo para sa kasiyahan at instant grafitikasyon na inaasam para sa sarili.

Sa maraming kabataan, tanging sa sexual na preference lamang lumalabas ang “it’s complicated,” at wala na nga itong kategorya sa Facebook. Samakatuwid, walang kumplikado. Alam na junkfood ito, salat sa nutrisyon at abusado sa asin at betsin, pero pipiliin pa rin ng individual—dahil simple ang pagbili, preparasyon at pagkain nito. Walang hassle sa mundo ng individual, walang kumplikado sa kanyang mga realsyon.

Madaling makamit, pwedeng iimbak, madaling madiskarga ang komponent ng buhay ng individual. Pwede para sa lahat, pero ang individual ang nagsasadya para sa kanyang sarili kung anong klase, kailan, saan at paano kakainin ang noodles. Hindi kailangang itanong kung bakit—ang dahilan—dahil walang kinakailangan na dahilan para kumain at dumanas. Pinili niya ang pagdanas na pirming hiwalay sa mas malakihang kontexto at pagkaunawa sa mas malalaking institusyonal na pwersa na nagdetermina ng karanasan sa simula pa lang.

Ang mga relasyon ay disposable—itago ang magaan at nakakapagpaangat sa sarili, ilaglag ang mga nanlalaglag at naghahatak sa sarili sa labas ng fantasyang nilikha ng sistema o pinili ng individual na likhain sa loob ng sistema. Ang mga relasyon—tulad ng storage ng instant noodles (maliban kung naunahan ng ipis at daga o ng kasambahay)–ay nandyan lang, makakapag-antay sa panahong pinili nang makitungo ng individual.

Instant gratifikasyon dapat sa bawat pagdanas. Tulad ng pagbasa ng text o panonood ng sine, sa sandali ng pagdanas ang ligaya at sigla. Sa katunayan, mahirap-hirap alalahanin ang huling text na natanggap o sine na napanood. May split-second effort para gawin ito. Dahil ang layon ng pagkain ng instant noodles ay magbigay-ligaya sa individual sa sandali na ito ay kinakain.

At kinokondisyon na ito ay may akmang sandali ng pagkain: pagkahango sa kumukulong tubig at mabilis na pagkahalo ng sahog, habang mainit-init pa’t nakakapaso. Mas nakakapaso, mas dama ang gratifikasyon, dahil ang katawan ay magkakaroon ng pisikal na reaksyon: bubugahan ng hangin mula sa bibig, maglalaway, malalakas ang higop, maalat-mainit-maanghang ang panlasa, umiinit kaagad ang tiyan, nawawala ang kalam ng sikmura.

Narsisistikong pagdanas ang instant noodles—hindi ito inaasahang maibahagi sa iba, nilikha ang produkto para sa isa lamang, at ang lahat ng ligayang dulot ng pakete ay nakalaan para sa temporal na tamangtama o saktongsakto na pakiwari’t dating sa walang dili’t iba kundi ang individual. Siya ang pumili, bumili, at kung gayon, siya ang makakadanas ng gratifikasyon.

Tulad ng maraming produktong likha ng manggagawa, ang tumatangkilik ng produkto ay tagapagpadaloy ng komoti fetisismo dahil hindi lamang kahit ilang daang beses siyang kumain ng noodles ay hindi siya magsasawa, kundi dahil din sa transformasyon ng pakete sa isang magical na produkto, na nawala ang paggawa at ang masahol na kondisyon ng paggawa. Hindi nga ba’t marami sa instant noodles sa bansa ay likha ng Nestle na may rekord ng karahasan sa kanyang unyon at unyonista?

Sa bawat hipan ng umuusok na noodles, at nguya rito, sa bawat paketeng binibili at tinatangkilik ay simpleng reafirmasyon ng kondisyon ng posibilidad sa kapitalistang kalakaran: na masaya ang may pambili at nakakabili, at maraming salamat sa malalaking negosyo sa pag-ibsan ng mga sikmura ng milyonmilyong kabataan para hindi magka-ulcer at magutom; na pwede kang pumili ng iba pero dahil ito ang kinakain ng marami o ito ang available, ito na lamang.

Swabe lang ang internalisasyon ng instant gratifikasyon na dulot ng akto ng konsumpsyon, sa isang nakapaloob pa sa isang pang-araw-araw na gawain: epektibong namarkahan ang kabataan at mamamayan bilang depolitisadong sabjek. Handa lang sa kung ano ang kumbinyenteng iginagayak ng mga negosyo kahit pa ang mga negosyo sa kapitalismo ang siya nam ang nagpapaikot ng mundo ng individual na paratihang sa mula’t sapul on-the-go na para sa kapitalismo. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post