Bakit nga ba Abugado ng Bayan, at Abugado ng Abugado ng Bayan si RTC?

Ni Edre U. Olalia
20 September 2012

Bakit nga ba abugado ng bayan, at abugado ng mga abugado ng bayan si RTC?

Kasi very human siya. At nakakahawa ang katapangan niya. Hindi mahal ang mura niya kapag siya ay iniinsulto ng mga makapangyarihan at nakakakita ng inhustisya. At ang sharpness ng memory niya, nakakamangha. Hanggang sa huling detalye.

Napakasinop ni RTC. Ilang beses gagawa ng drafts. Magda-draft, edit, reformulate, edit, redraft, edit, re-edit, relocate, reformulate at edit pa rin. Kaya ayaw niya ng “just just” na trabaho lalo na sa dokumentasyon.

Walang kaparis ang kanyang dedikasyon at commitment, passion at integridad na hinimok niya na pangalagaan naming mga sumunod at susunod sa kanyang mga ga-higanteng yapak.

May respeto siya sa aming mga bata (o mas bata), bagamat “Sir” ang nakasanayan na naming tawag sa kanya, hindi niya kami pinapakilala na “associate” o “assistant” kundi bilang mga “colleague.”

Marunong siyang tumanggap ng puna kung ito ay may batayan at hindi mahirap sa kanya ang mag self-criticize. Hindi matipid mamuri pero di rin pepreno sa prinsipyadong puna kung kinakailangan.

May mga frustrations din siyempre si Romy. Panaginip niya na maging tunay at lubos na kaaakit-akit at praktikal na alternatibo ang people’s lawyering sa mga abugado nang hindi kailangan ng di-kinakailangan o OA na sakripisyong materyal. Hindi niya gusto yung lumang imahe ng human rights lawyer na “martir.”

Wari wala rin siyang kapaguran. Sinabi niya kasi na ang pagkilos ay parang nakasakay sa bisikleta. Kapag ikaw ay tentatibo at kapag ikaw ay humintong pumadyak, tatalembong ka.

Partikular si Romy sa tamang proseso sa pagpapasya at pagkilos. Mahalaga sa kanya ang konsultasyon at struggle of ideas pero mas mahalaga sa kanya ang kolektibong consensus at pagkakaisa.

Bilib siya sa mga kliyente niya. Mahaba ang pasensiya at matiyagang nakikinig sa masa. Alam niya na may tangi at likas na katalinuhan ang masa. Nagkokonsulta siya sa bawa’t yugto ng kaso at ipinapaalam sa kanila. Tinuturuan sila na huwag maging pala-asa lagi sa mga abugadong bagamat lubos na naninilbihan ng walang hinihintay na kabayaran o kapalit. Hinihimok niya na dapat sila magsuri at mag-ipon ng lakas at kakayahan na tulungan din ang sarili. At minumulat sila upang magkasama silang mahimok, ma-organisa at kumilos.

Kung kaya’t bakit nga ba siya abugado ng bayan, at abugado ng mga abugado ng bayan?
Marahil din ay dahil nagpanagpo na ang kanyang kagalingan bilang propeseyunal na abugado na hinubog ng karanasan, kasanayan at kasaysayan at ang kanyang pagiging makabayan at progresibo. At paano ito umunlad sa takbo ng panahon at buhay niya.
At dahil sa mga kaso at isyu na hinawakan niya at ang kanyang viewpoint at standpoint sa mga bagay-bagay.

Dahil pinapahalagahan niya na ang mga kaso at usapin na hinahandle ng isang tagapagtanggol ng masa ay may malawakang epekto sa buhay at interes ng nakararami.
At dahil dito, siyempre ang mga pangunahing kliyente ni RTC ay ang magsasaka, manggagawa, maralita, kababaihan, kabataan, migrante, katutubo, mga consumer and environmental advocates, mga aktibista at mga rebolusyonaryo.

Mula sa paggiit ng compensation sa mga biktima ng diktadura na nilibanan niya, hangang sa paghahabol sa buhay ng migranteng si Flor Contemplacion, sa pagtulong ng pagkamit ng katarungan sa mga comfort women ng mga Hapon, hanggang sa pagpayo at pagpanday ng mga makasaysayang dokumento sa peace talks, sa pagtutol sa base militar ng mga Kano, VFA at APEC, hanggang sa pag-usig sa kaso ng brutal na pagpaslang na lider manggagawa na si Ka Lando, sa pagtanggol sa lupa ng mga magsasaka ng Looc at Luisita, sa negosasyon para sa interes ng mga union at uring manggagawa, sa pagtulong sa mga biktima ng Payatas at sa mga kaliwa’t kanang demolisyon, sa oposiyon sa pagtaas ng presyo ng langis, hanggang sa pagpapatalsik sa kurap na si Erap, sa pagtanggol sa Batasan 6, Morong 43 at daan-daang bilanggong pulitikal, at hanggang sa pagdepensa sa mga gawa-gawang kaso sa peyborit niyang kliyente na si “Atty.” Joma Sison.

Kung makakapagsalita nga lang uli si Romy ngayon, siguradong pambungad na babatiin kayong lahat ng gabi ng ating reunion na ito ng “Maganda gabi sa aking mga kliyente… at mga magiging kliyente.”

Marami ang susumpa sa kanyang kagalingan at paano niya naipapanalo ang pangkaraniwang hindi inaasahang napapanalo sa corrupt, mabagal, madumi, masalimuot at reaksyunaryong sistemang legal na nakakiling sa may kapangyarihan at may kaya.

At dahil alam at tinuro niya sa amin na ang pinanggalingan ng aming pakikibaka at pagkilos bilang tagapagtanggol ng mahihirap , inaapi at pinagsasamantalahan ay hindi dahil sa batas kundi ay dahil may pagkilala na bahagi kami ng mga pwersa sa pagbabago ng lipunan.

Dahil dito, marahil alam din ng ilan na hindi gusto ni RTC na ituring kami minsan tulad ng tinatawag niyang parang “candy” sa bulsa, na kukunin lamang pag gusto o kinakailangan, pero nakakalimutan kapag hindi pa o itatapon pagkatapos kainin o kapag wala nang kagyat na silbi.

At abugado siya ng bayan at abugado ng mga abugado ng bayan dahil siya ay marubdob kung gumampan ng mga gawain. Kapag nasaksihan mo sya kung paano magsalita in person lalo na sa mga larangang ligal, dapat bantayan mo na hindi ka mahuli na nakanganga sa paghanga.

Si RTC din ang isa sa mga mariin na naniniwala at nagtaguyod ng tinatatwag na “metalegal tactics” o sama-samang pagkilos sa loob at lalo na sa labas ng mga korte. Alam niya na ang aksyong pulitikal ay ang mas mapagpasya.

Matindi ang tangan ni Romy sa tama at napapanahon na pagtimpla ng legal at pulitikal na pagsusuri at pagkilos. Hinimok niya kaming maging kritikal sa mga umiiral na batas at itinuro sa amin na huwag sambahin ito, bagkus tignan mula sa punto de bista ng kliyente at ipagsanib ito sa aming pagiging abugado nila upang magkaroon ng pagkakaisa sa pag-unawa at pag-handle ng kaso at ang relasyon nito sa mga realidad sa lipunan.

Palagian niyang binibigkas na ang batas, kapag hinubaran mo ng mga magarbong palamuti nito, ay sa esensya ay ekspresyon lamang ng interes ng dominanteng uri sa lipunan. Nagagap niya na ang umiiral na batas at sistemang legal ay sa esensiya ay instrumento lamang ng estado ng mga uring mapansamantala at mapang-api. Malinaw sa kanya na ito ay tumutungtung lamang sa pang-ekonomiyang kalagayan.

Kung kaya’t bakit nga ba siya abugado ng bayan, at abugado ng mga abugado ng bayan?
Dahil hindi siya makasarili. At dahil ginamit niya ang batas at ang sistemang legal para paglingkuran ang sambayanan sa harap ng masikip at makitid na espasyo nito na inumpishan niyan itulak ang mga hangganan.

At dahil sa pangkalahatan ay naging tapat siya sa interes ng kanyang uring pinagmulan. Sa isip, sa damdamin, sa pagsusuri, sa pakikitungo, at sa pagkilos, isang kasama.

Kaya siya abugado ng bayan.

Kaya siya abugado ng mga abugado ng bayan.

Tunay na lumaban!

(Talumpati na binigkas sa gabi ng parangal ng Bayan at mga progresibong organisasyon)

Share This Post