‘Shake, Rattle and Roll’ at ang anxiedad ng pagsasabansa

Ni ROLAND B. TOLENTINO
Bulatlat.com

Pinakamatagumpay na seryeng franchise ang Shake, Rattle and Roll. Simula noong 1984, mayroon na itong 13 installment hanggang 2012. Ang aking kontensyon ay may nahihinuhang anxiedad ng pagkabansa sa bawat installment. Hindi nga ba’t ang panahon ng 1984 hanggang kasalukuyan ay kay raming panandang-bato (landmark, o hindi ba naman?) sa kasaysayan ng bansa?

Ito ang simula ng pagbagsak ng diktaduryang Marcos tungo sa pag-ungos ni Corazon Aquino, hanggang kay Fidel Ramos na nangarap ng at naunsyami sa tigreng ekonomiya sa bansa dahil sa 1997 Asian financial crisis, Joseph Estrada na napatalsik matapos ng tatlong taong panunungkulan, Gloria Arroyo na naghari ng maaligagang sampung taon—kasama ang hindi mapapantayang politikal na pagpaslang at korapsyon sa post-Marcos era, at ang 2007 global financial crisis—tungo sa administrasyong Benigno Aquino III na ang daang matwid ay nananatiling may nagtatampisaw na dugo’t naiwang bungo?

Nang ideklara ang martial law noong 1972, sinasabing horror films ang mamayagpag sa sinehan dahil sa takot ng prodyuser na makapagsambit ng komentaryong makakairita kina Marcos. Ito ay dahil ang horror film ay “mala-mala” o walang iisang tinutumbok, alinsunod sa isang dayalektika ng sagrado at bastos, historikal at metapisika, tradisyonal at moderno, tunay at kababalaghan, tao at multo o hindi tao, mabuti at masama, pakikipaglaban at hindi lubos na pagtatagumpay, sarado at bukas, at iba pa.

Ang pelikulang horror ay madalas patungkol sa restaging ng horror scene para sa bagong dayo. Sa episode na “Pridyider” (Ishmael Bernal, 1984), ang mag-ina ay inaakala’y naka-jackpot sila sa pagkakuha ng mura pero marangyang tutuluyan. Sila lamang ang hindi nakakaalam ng naganap sa bahay, at isa-isang mamamatay ang kasambahay (may hierarkiya ng papaslangin sa horror, una ang abang uri). At wala silang magawa kundi mag-antay na maganap muli ang ekena ng horror.

Matutuklasan ng pulis na ito rin pala ang lugar ng sex na krimen, at sinaniban ang appliance ng kaluluwa ng kriminal kaya nang-eenganyo’t pumapaslang ng mga birhen. Ang karakter ni Janice de Belen, child star na sa edad ng pelikula ay isang ingénue, ang gumanap na bida sa episode. Pero hindi sa molde ng kanyang ikonikong estado. Sexualisado siya rito, tulad ng babae’t lalakeng katulong.

Narito ang dalawang ugnay sa diktaduryang Marcos. Una, ang terror at horror ay nainternalisa. May eksena na ang ina ay nakita ang mga piraso ng katawan ng boyfriend ng anak na tumilapon mula sa ref, nagtatakbo’t histerikal na nagtitili palabas ng bahay para lamang matagpuan niyang siya ay nag-iisa sa kalsada. Walang rekurso, walang relief mula sa pwersa ng terror.

Ikalawa, ang mga kabataan at young adult na babae ay inaaktibo ng estado para sa pagsasabansa. Binuksan ni Marcos ang napakaraming export-processing zones—na nagpatupad ng feminisadong kondisyon sa manggagawa dahil bawal ang mag-unyon at magwelga rito—para sa kalakhan ay feminasadong gawain, tulad ng electronics at garments, para sa mas nakararaming kabataang kababaihang manggagawa.

Ganito rin ang netong epekto ng pag-ayon ni Marcos sa base militar ng Amerikano, na ang laylayanan ng mga ito, kasama ang ilang turistang lugar sa Metro Manila—tulad ng Ermita at Quezon Avenue—ay naging red-light district na pinagtratrabahuan ng mga kabataang babae, pati mga musmos. Estado ang nagdulot ng maagang sexualisasyon sa kababaihan para sa pagsasabansa’t ikakaunlad nito.

Ang “Rain, rain go away” (Chris Martinez, 2012) na episode ay patungkol sa urban legend, ng isang mall developer na ipinakandado ang groseriya sa basement habang nag-o-Ondoy dahil nag-iinbentaryo ang manggagawa rito’t baka biglang magkawalaan sa kasagsagan ng bagyo. Sinasabing binaha nga ang basement na nangamatayan ng hindi mabilang na mangggawa dahil umano’y umuwi ang security guard para sa kanyang pamilya. Nagmamanufaktura ng plastik ang magkapatid na negosyante, pawang misteryosong nalunod.

Ang balo ay unang nakunan na nang nag-Ondoy at halos makunan muli. Natuklasan na ipinakandado pala ng magkapatid ang mga batang manggagawa sa basement, at nangamatay nga ng bumaha. Nagpenitensya ang babae, nag-alay ng dasal at bulaklak pero hindi siya pinatawad ng mga nangamatay. Restaging muli ng horror scene dahil sa una’y walang naganap na akwantabilidad. Sa eksenang horror man lamang, nagkakaroon ng hustisya ang mga nangasawi.

O sa kaso ng “Pridyider,” may laban man lang ang mag-ina sa teroristang bagay. Ang hindi lubos na sinasabi ay ang kawalan-laban ng napakaraming mamamayan pag dating sa terorismo ng estado. Sa katunayan, maraming pagkakataon na ang estado mismo ang sinasaad na pinakamalaking impetus para sa restaging ng eksenang horror sa Shake, Rattle and Roll.
Sa conditional cash transfer (CCT) na inisyatiba, halimbawa, ni Benigno Aquino, binibigyan ng P300-500 kada buwan ang magulang para sa bawat anak na mapapadalo ng 85 porsyento sa klase, at magpaparegular na checkup sa klinika, pati ang pagdalo ng mga magulang sa mga itinakdang pagpapapulong. Sa eksenang horror, may ahensya ang mga tauhan, nahihinuha ang figura ng terror at horror. Pero sa aktwal na lipunan, wala itong ahensya, sila ay reseptakulo (receptacle) lamang ng polisiya ng estado.

Kaya ito ang dahilan kung bakit—kahit hindi na lubos na namamayagpag sa Metro Manila Film Festival ay maasahan pa rin ang Regal Films, ang prodyuser, na ipagpatuloy ang serye dahil sa napakahaba’t napakalalim na memory recall—ipagpapatuloy pa rin ang Shake, Rattle and Roll franchise. Dahil sa pelikula man lamang, may laban ang mga ordinaryong mamamayan sa paratihang comebacking na eksena ng horror. Dahil nga sa aktwal na lipunan at kagyat na kasaysayan, ito ang tinatanggal sa kanila, ang ipinapatanggap na wala silang kalabanlaban. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post