Abrakadabra ng Pulis Patola sa Hacienda Luisita

Ni MARK ANGELES

May lahing madyikero ang pulis na nanapak ng magbubukid
tulad ng mistang militar na lumalamon ng national budget—
may Intel na hindi intelligent; pugad ng paniniktik;
bihasa sa scriptwriting at pabrika ng fabricated statement.

May lahing madyikero ang pulis na nanapak ng senior citizen
sa kalituhang sumiklab sa entrance ng isang hotel.
Tinangay daw ng magbubukid ang kanyang serbisyong baril
pati ang cellphone na na-lowbatt kaka-text sa kanyang tsitsing.

May lahing madyikero ang pulis na nanapak ng inosente.
Ang cellphone at baril naging iPhone 4S at Samsung Galaxy.
May bonus pa kamong isang bag ng 12 kiyaw at Sony HD.
Ay! Kulang na lang magpalitaw ng kuneho at kapati!

Ngunit hindi pinalakpakan ng bayan ang madyikero
sapagkat mga inosente ang kinaladlad ng mga pendejo.
Sina Renato Mendoza, Wilson Duque, at Jay Parazo:
mga magbubukid ng Luisita na utak daw ng gulo.

Sa isang kaharian sa Tarlac na tinatawag na Luisita
ang katotohanan ay binubusalan ng armas at pera.
Ngunit gayong nakapiit sina Parazo, Duque, at Mendoza
at ilang ulit mang madiligan ng dugo ang asyenda,
hindi pupurol kailanman ang karit ng mga magsasaka.

Palayain ang tatlong inosente:
Mendoza, Parazo, at Duque!
Ikulong ang pulis na potapete—
puro kabalbalan ang pinagsasabi!

Share This Post