Pag-ibig

GUNITA NG SALITA
Ni ROLAND TOLENTINO

Bulatlat.com

Ito ang pinakalaspag na salita sa anumang wika dahil kahit sino ay pwedeng gamitin ito–individual, kababaihan, LGBT, bansa, estado, kapitalismo, o global–at ano ay pwedeng tumukoy dito: chocolates, I-phone, bukangliwayway, sinta, magulang, martir ng bayan, o nasyonalismo.

Ang pag-ibig ay nagkakaroon ng kabuluhan sa nosyon ng pagtutumbas sa pagmamahal kapag ito ay nagmumula sa noun form nito. Ang prefix na “pag-” ay tumutukoy sa pangkalahatang pagdanas o pagtunghay sa verb na salitang ugat, “ibig.” Kung verb lang ito, ito ay nangangahulugan ng pagkagusto, pagpili, preferensya, o pagkiling. Kung ito ay noun, indikatibo ito ng temporalidad ng kapasidad ng pagdanas sa mismong salita–ang pag-ibig.

Kaya hiwalay na sa simpleng gusto ang pag-uugat sa pag-ibig bilang noun: umibig, ibigin, iniibig, o iniibig, nagiging kabahagi ng pagmumundo sa pag-ibig. Kung noun ito, ito ay nangangahulugan ng tao, bagay o karanasan. Kung noun ito, parati itong generic noun. Walang proper name sa pag-ibig, hindi tulad ng tao o bagay.

Kung gayon, ang pag-ibig ay inaakalang henerikong karanasan, para sa lahat dahil walang kailangang proper na branding para tumbukin ito. Hindi ito Ateneo, UP, La Salle, o UST para tumbukin ang top-tier tertiary educational institutions sa bansa. O McDo o Jollibee para sa fastfood choice. Ito ay pag-ibig at mananatiling simple’t panglahatang pag-ibig.

Ang pag-ibig, henerikong entidad at pagdanas, hindi pwedeng lagyan ng pag-aangkop na exklusibo't natatangi sa dalawang nilalang lamang.  Ito ang demokratisasyon ng pag-ibig na pilit na kinakabig ng kapitalistang negosyong nagpapalaganap na romantikong pag-ibig bilang gahum dahil bumebenta.  Sa pag-ibig, tinatanaw lang ang ideal ng sarili sa poder ng iba.  Pusong skulturang resin ni Julie Lluch.  (Kuha ni Roland Tolentino / Bulatlat.com)
Ang pag-ibig, henerikong entidad at pagdanas, hindi pwedeng lagyan ng pag-aangkop na exklusibo’t natatangi sa dalawang nilalang lamang. Ito ang demokratisasyon ng pag-ibig na pilit na kinakabig ng kapitalistang negosyong nagpapalaganap na romantikong pag-ibig bilang gahum dahil bumebenta. Sa pag-ibig, tinatanaw lang ang ideal ng sarili sa poder ng iba. Pusong skulturang resin ni Julie Lluch. (Kuha ni Roland Tolentino / Bulatlat.com)

Ang sumpa ng pag-ibig ay flat lang ito, at kung gayon, inaakala ng lahat na mayroon silang karapatan at entitlement sa paghuhulma nito. Kaya lahat nang may kapasidad umibig ay naniningil nito sa pinag-aalayang sinta, mga institusyong kinapapalooban, aparatong nagdidikta ng pagpipilian, estadong nagpapalaganap ng kakulangan, at mundong hindi mauubusan ng mabibiling kapamaraan ng pagdanas.

Paano sisingilin sa iba ang inaakalang entitlement kung kailangan din ang other na ito sa konsenswal na relasyong panlipunan sa pag-ibig? Ibig sabihin, feeling entitled ka, pero hindi mo ito maie-execute kung walang pag-ayon ang kabilang partido. At dito pa lang dapat maisip na hindi karapatan ang pag-ibig.

Ang tanging masisingil sa pag-ibig ay ang pagdulog sa kabukasan ng loob ng kabilang panig na suklian ang inaalok na promo (promotion) ng sarili. Please naman, ibigin mo rin ako. Ito ang parating laman ng anumang aspirasyong makadanas ng pag-ibig: aspirasyon dahil, malungkot mang isipin, exklusibo lang ang pagdanas ng pag-ibig. Hindi para sa lahat.

Kapag ang sarili ang iprineprenda’t isinasangla sa pag-ibig, hindi ito pag-ibig. Walang pag-ibig na nakabatay sa sarili. Ito ay nakabatay sa pagpapaubaya ng sarili sa mas matingkad na pangangailangang ipaloob ang o pumaloob sa other o kabilang panig. Kung tunay mong iniibig, hahayaan mong pumaloob ang sarili sa iba. Natatagpuan na ng individual ang sarili nito sa lente ng iba bilang mas mayaman at makabuluhang balon ng pagkakaroon ng sarili.

Ang pangunahing distorsyon ng pag-ibig bilang henerikong entidad ay kapag ito ay tinutumbasan ng proper noun: Quarter-pounder meal, Mac Air, Valentine’s date, LV bag, o mag-Sunken Garden. Ang pagtutumbas ay pagkakaroon ng panlipunang aspirasyon na ilabas ang pag-ibig sa poder ng pangkalahatan at ilugar sa personal at individual. Ang kapitalistang orientasyon, pangunahin sa pagtaguyod ng gahum ng romantikong pag-ibig, ang pagdambana sa inaakalang mas mataas na lugar ng pag-ibig, ng mga sintang umiiibig, ng pagdanas ng pag-ibig.

At kung magpakaganito, ang premium ay ang pag-aangkop at pag-agapay, na isang lokus ng karanasan sa proper noun na itinatanghal ang inaakalang mas exklusibo’t angat na pagdanas, pero sa di-pag-ibig. Walang pagsipat sa iba, bagkus ang pagsipat ng sarili ay sa lente ng kapitalistang premium. Mahal kita pero kapag ang date natin ay markado ng 12 long-stem roses, isang higanteng Cadbury, isang initimate dinner. Paano magiging pagmamahal ito kung ang pangunahing konsiderasyon ay pag-agapay sa demands ng negosyo?

Ang pag-ibig ay nagiging pag-ibig kung wagas na inaalay ang sarili sa mas malaking iba: sinta, pakikibaka, o paglilingkod sa bayan kahit pa walang katiyakan ng pagtutumbas ng iba sa sarili. Tanging sa romantikong nosyon lang nakikidnap ang pag-aalay ng pag-ibig na may kaakibat na pansariling ganansya: ang sinta, sandali at mundo ay inaakalang sa iyo. Walang ganitong akin-lang-ang-hacienda mode, sabay halakhak sa taas ng kurbang hagdanan ng mansyon.

Humayo’t umibig, umibig at humayo. Umibig at makibaka, umibig at huwag matakot. Walang expektasyon liban sa magtatagumpay ang alay na pag-ibig ng sarili. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post