Photobomb

GUNITA NG SALITA
Ni ROLAND TOLENTINO

Bulatlat.com

Panira ang pasok–intensyonal o hindi, pagkakamali o hindi–ng isang tao sa posed shot ng iba. Trespassing, nanghihimasok, hindi imbitado, walang dekorum, ang photobomb ay tila biswal na pag-utot: nagkamali, mali ang pasok o entrada, maalinsangan ang dating, hindi kanaisnais ang epekto.

Tila may subersibong isinasaad ang photobomb dahil nga ito ay pag-trespass sa wasto at angkop, sa isa o grupong pagkuha ng selfie–na hindi tumalab ang pagtatanghal ng kawastuhan, kaangkupan, kaselfiehan. Ano ang matitira sa panghihimasok kundi ang sitwasyon na nakalabag, at ang dapat at tunay ay hindi naitanghal.

Nakakapang-agaw nga pa ng moment ang photobomb? Naibabaling nga ba ng nanghimasok ang atensyon sa sarili at paglabag kaysa sa intensyonalidad ng posed na kuha at impetu ng selfie?

Sa katunayan, dahil hindi naman madalas ang pag-pose ng photobomb, ito ay nasa domain pa rin ng hindi angkop. Parang umutot, walang gustong umaalaala sa sandali dahil mismong umutot ay may pagtanggi sa aksyon. At maliban sa tunog, wala naman tracer, labi at kulay ang utot. Walang may akda ng karumaldumal na sangsang, ng sandali ng bomba ng utot.

Masakit sa mata dahil parang di angkop sa okasyon at sityo. Pero hindi naman ia-upload ito kung walang pag-ayon ang may-ari ng imahen.  Paano aariin ang digital na informasyon na ang pribadong may-ari nga ang nag-upload pero may kolatilya sa paggamit sa mga social network site na ito rin ay sa mga plataporma nagpahintulot gamitin nang libre?  Ano ang binobomba ng komposisyon ng ilaw, paano nakakasilaw ang ilaw na nilikha na hindi makasilaw?  (Photo by Roland Tolentino / Bulatlat.com)
Masakit sa mata dahil parang di angkop sa okasyon at sityo. Pero hindi naman ia-upload ito kung walang pag-ayon ang may-ari ng imahen. Paano aariin ang digital na informasyon na ang pribadong may-ari nga ang nag-upload pero may kolatilya sa paggamit sa mga social network site na ito rin ay sa mga plataporma nagpahintulot gamitin nang libre? Ano ang binobomba ng komposisyon ng ilaw, paano nakakasilaw ang ilaw na nilikha na hindi makasilaw? (Photo by Roland Tolentino / Bulatlat.com)

Hindi nga ba’t sa pag-utot, nahuli na, denial pa rin? Ang estetika ng photobomb, kung ito man ay inilabas sa mga social network site, ay ang pag-ako ng pagkatalo ng naka-pose sa nag-trespass. Nagpapaubaya ang may-ari ng kuha sa naghimasok sa kuha, sandali at espasyo nito.

Bomba pa rin, hindi ba? Pasabog dahil tulad sa utot, ang premis ay hindi inaako ang aksyon. Sa madaling salita, kahit may intensyonalidad na manira, magbomba, ang aksyon ay ina-assume na innocent until proven guilty. Walang malisya dahil ang protocol sa photobomb ay walang malisya ang panghihimasok.

Pero dahil ito ay may estetika–walang malay na maling pagpasok o walang malisya na umentrada sa kaangkupan ng kuha ng iba–ang photobomb ay nagmimistulang isang sub-genre ng selfie. Patungkol pa rin ito sa dalawang partidong kalahok sa imahen: sa isang banda, ang walang kamalaymalay na kumukuha ng pag-aangkop sa sarili; at sa kabilang banda, ang inosente hanggang hindi napapatunayang maysala na naghimasok sa kuha.

Sa virtualidad ng mga social network site, kahit na may ebidensya sa kontraryo, ang protocol pa rin ang mananaig. Sa isang neoliberalistang pananaw na ang biswalidad ang pinakatampok na ebidensya ng tunay, napapaling ng photobomb na ang tunay ay hindi pala, na may dekorum ng gitnang uring pagkilala sa teritoryalidad at pribadong pag-aari ng iba.

At sa huling pagtutuos, ang may-ari ng imahen ang siya pa ring magtatakda kung ito ay ilalabas o hindi sa kanyang pribadong account. Bonus lang, hindi ba? May karagdagang pakiwari ng ahensya ang individual na may-ari ng kuha, at sa nag-photobomb, ang kontraryong ebidensya ng kaitiman ng budhi, malisya, taktika ng paninira sa pribadong pag-aari.

Kung magpakaganito, ang photobomb ay ang sandali at sityo ng self-referentiality ng mga social network site–sa partikular, ang pag-iimahen sa sarili, sa modalidad ng upload at paglagay ng kontent sa pribadong account–na mag-excuse me lang po dahil tila may naapakan na teritoryo at pag-aari ng iba. Ang photobomb lang ang nomenklatura ng bomba na hindi naman nakakapagpasabog kundi pa nga ay muling sinisinsin ang dekorum ng kawastuhan, kaangkupan at kainosentehan ng pagtatangkang lumabag.

Oxymoron, kung gayon, ang photobomb dahil walang pinasasabog, walang nalalabag, walang partisansyip na hiwalay sa inaakalang pribadong pag-aari. Paano nakakabomba ang konfigurasyon ng ilaw? Paano nakakasilaw at masakit sa mata ang naging paglabag? Cute nga ang tugon kapag in-upload ng may-ari ng imahen, cute rin ang nag-photobomb.

At sa cute na virtual na mundong ito, tulad ng kawaii sa Hapon, ang inosensya ng kamusmusan ang kinakatok na epekto. Nawala ang kamusmusan sa pagtanda, at ang nawawalang kamusmusan ay muling inaakda sa virtual na mundo, naglalatag ng bagong kalakaran ng pagtunghay sa tunay na sinisiwalat ng biswal.

Lumilikha ng kontent na ang sarili ay pwedeng inosenteng labagin. At ang paglabag ay patungkol sa rekonstruksyon ng sarili bilang awtoridad ng pagka-upload at pag-like. Ginagawa tayong musmos na naglalaro sa mga social network sites. At sa ating paglalaro, kumakapal ang kontent, mas marami ang informasyong naibebenta ang mga developer.

Kumikita sa ating selfie at photobomb. Mabuti pa ang pag-utot, binabalik tayo sa pagiging tao na naimpatso’t kailangang maglabas ng masamang hangin. Sa photobomb, ginagawa tayong musmos na automaton pinaglalaro’t pinagtratrabaho. Ano ang mali sa litratong ito? (https://www.bulatlat.com)

Share This Post