GUNITA NG SALITA
Ni ROLAND TOLENTINO
Bulatlat.com
Ito ang kolokyal na tumbas na politisidong termino ng kolektibong kondisyon, pakikibaka at mithiin na inaako ng “kababaihan.” Halaw sa media, ang kolektibisasyon ay hango sa iba pang madalas gamitin ng broadcast media, tulad ng kapulisan, kabaklaan, at kabadingan. Ang unlaping “ka” ay nagpapahiwatig ng pagiging kaputol at kapanalig ng, at kasama sa kabuuan.
Ginagamit ito sa inanimate na bagay, tulad ng kabundukan, kapatagan, at kabihasnan. Pero ang lalim ng “ka” ay sa kapasidad nitong magtalaga ng antas ng personal at panlipunang relasyon sa mga tao: ka-kolehiyo, kababayan, kapuso, kapatid, kasama, kabaro, kakulay, at kapanalig. Ang hulaping “an” ay nagpapahiwatig ng isang kabuuan o pangkalahatang atribusyon at katangian, tulad ng ka-Tagalugan, kalangitan, kahirapan, at kakapalan.
Sa paggamit ng mga politikal na kilusan—malawakan, sektoral, rehiyonal, o grupo—nagkakaroon ng aktibong substansasyon ang mga salitang naka-frame sa gitna ng “ka-“ at “-an.” Ang kababaihan ay isa sa matingkad na halimbawa nito, ang sariling politisasyon (pag-uugat ng kaapihan, pagsasanga sa mas malawak na pakikibaka, at paglalatag ng kondisyon ng pagbabalikwas) ang nagdulot ng pag-angat ng simpleng pagiging babae sa biolohikal at panlipunan nitong antas, lampas sa usapin ng pang-individual lamang.
Hindi ka ituturing na kasama sa pakikibaka, halimbawa, o brod at sis sa pagsamba’t frat at sorority (na individual ang designasyon ng pakikitungo) kung walang record ng pakikibaka para sa kagalingan ng grupong kinabibilangan. Ang kabadingan, halimbawa, ay hindi pa nakapaloob sa politikal na substansasyon dahil hindi ito sinusuportahan ng mga batas at regulasyong magtitiyak ng pantay na status nito.
Ang unang baitang ng politisasyon ay ang pagkilala na hindi lamang iginawad ng estado kundi iginawad dahil sa pursigidong binaka ng mga kalahok dito. Kaya malaki ang papel ng suffragettes, ng babaeng unyonista, babaeng sumapi sa aramadong pakikibaka ng Katipunan at Hukbalahap, pati ang babaeng maykaya sa pakikibaka para sa kapantayan ng karapatan, at ang kaakibat na kapantayan sa sahod, kondisyon ng paggawa, at iba pa.
Ang susunod na baitang ng politisasyon ay ang patuloy na paggigiit ng mga karapatan dahil hindi normal na aktibidad ng estado na kilalanin ang mga karapatan lampas sa individual nitong pagdulog (nang sa gayon ay magmumukhang exceptionalista at dumudulog sa awa at kawanggawa ng mga may kapangyarihan). Naipaglaban na, ipinaglalaban pa muli dahil nga sa madalas, napilitan lang ang estado at ahensya nito na ipagkaloob ang mga ito.
Kaya aktibo ang kababaihan at kawimenan dahil patuloy itong pinapanday ng mas mataas na kalidad ng politisasyon para higit na makapaggiit hindi lamang ng iba pang korolaryong mga karapatan at benefisyo, maging ang muli’t muling paggigiit ng mga karapatang matagal nang natamo ay malingat, nawawala’t iwinawala muli ng estado, lalo na sa medieval na kondisyon ng institusyonal na kultura at politika sa bansa.
At mahalagang bahagi ng asersyon ng kawastuhan ng politisisasyon ay pagkakamit ng suporta ng higit na mas maraming bilang at hanay ng kababaihang naniniwala sa politikal na pagkilos para sa “tumatangan sa kalahati ng langit.” Mas angkop pa lalo kapag ang asersyon ay katuwang na iginigiit na mga kapanalig sa pakikibakang sektoral: kalalakihan, LGBT, sektor ng kabataan, manggagawa, magbubukid, katutubo, at iba pa.
May pagkilala na ang batayang kondisyon ng panunupil sa kababaihan ay hindi hiwalay sa mga kondisyon ng panunupil sa iba pang sektor, na hangga’t hindi rin napapalaya ang kababaihan ay hindi napapalaya ang lipunan. Kaya kapag nagkita-kita sa Araw ng Kababaihan tuwing Marso 8, isaalang-alang ang aral ng natatanging sektor na may tangan sa kalahati ng kalangitan: patuloy na makibaka, patuloy na huwag matakot; makibaka hanggang sa tagumpay!
Si Roland B. Tolentino ay faculty sa UP College of Mass Communication at kasapi ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP). Para sa komentaryo, maaring mag-email sa roland.tolentino@gmail.com.