GUNITA NG SALITA
Ni ROLAND TOLENTINO
Bulatlat.com
Ang Boracay ay ang mitikal na mirage ng gitnang uring bakasyon at mataas na uri ng weekend na libangan o weekday na chill. Kahit pa marami nang lokal na turista ang nakapunta rito, marami pa rin sa ating mamamayan ay walang muwang ukol dito, kasing layo ng Batanes, Camiguin, Tawi-tawi at outer space sa kanilang imahinasyon.
Sa Semana Santa ng 2014, walang ipinagkaiba ang densidad ng tao sa beachfront at sa pista ng Nazareno ng Quiapo. Bakit kinarir ng mga naghahangad ng gitnang uring karanasan ang pagdayo sa masikip, nanlilimahid, at nakakasakal na mitikal na isla ng kanilang pangarap? Bakit lampas ng densidad ng tao, picture-perfect pa rin ang Boracay?
Ang Boracay ang maliit na isla sa labas lang ng Caticlan, Aklan, at pinakapopular na touristang destinasyon sa bansa. Sa katunayan, marami ang nagtitiyaga sa maliit na airport sa Caticlan para isang kembot na lang ng bangka, at sampung minutong pagsakay nito, nakatuntong ka na sa sikat na buhangin ng beach nito.
Teritoryal ang pagiging exklusibo ng isla. Bawat spa ay merong lahing identidad–Koreano, Indian, o Asya–kundi man ng omnibus na identidad ng kalikasan, Asyano, tradisyon, at iba pa na naglalagay ng bakod sa mga hindi nakapaloob sa imahinaryo at tunay na identidad na isinisiwalat, o sa hindi maka-afford sa serbisyong inaalok ng mga ito.
Ganito rin ang mga restaurant, cafe at gimikan, pati na ang iba pang may bayad na amenidad ng isla: banana boat ride, dive, snorkeling, banca island tour. Kundi man may nasyonalidad na isinisiwalat ito, may globalidad (Starbucks, McDonalds, Shakey’s, at iba pa) o internasyonalidad (mga upscale na beachfront hotel at higit na mas malalaking akomodasyon sa liblib na lugar) ang sinasambit.
Sa huli, ang pribilehiyong identidad na nagpapatangi sa mga turista sa Boracay ay pagiging kabilang sa angat na uri. Ito ang magpapahintulot ng akses sa mga beachfront hotel na may sign na “exlusive for hotel guests only,” special events sa beach, at ang hindi magpapatumptik sa pagbili ng mga overpriced na tubig, kape, juice at iba pa sa isla.
Sa katunayan, mas marami akong natunghayan na banyagang turista keysa lokal sa beach. Sila ang nakaitim na diving outfit na nakapila at binibigyan ng oryentasyon ng mga lokal na staff. Pero ang katapat nito ay ang angat na uring mayroong kahalintulad na akses sa mga banyagang turista. Wala rin silang takot dahil ito nga ay chill at bakasyon kaya may laan sa pagkakagastahan.
Kung ganito ang angat, sino ang nasa laylayan sa isla? May ilan na ring “taong beach” (kumpara sa taong grasa sa syudad), may sewer problem pa rin (natunghayan ko sa isang beach outlet, nag-uumapaw ang galing sa poso negro) at mayroong naglilinis nito, at maraming lokal na nagre-retail ng mga produkto’t serbisyo para sa turista. Saturated na rin ang kapasidad ng isla para maging sustainable pa ang higit na pagkaunlad nito.
Sa pagbaba ng eroplano, may malalaking lote na binakbak na’t tila patatayuan ng mas higante pang resort. Wala nang purong gubat o luntian sa isla. Tatlo ang kakatwa sa Boracay. Una, walang nostalgia sa isla, hindi tulad ng hill station ng Baguio o ang ilustrado complex sa Vigan na hitik sa (kolonyal na) kasaysayan. Ahistorikal ang libangan (leisure) dahil ito ay transhistorikal o kayang bumaybay sa lahat ng panahon para sa may akses sa karanasan nito.
Ikalawa, ginagawang (gitna at mataas na uring) turista ang mga dayo. Walang ibang identidad sa labas nito. Hindi ka pwedeng magnilay dito at magsulat ng iyong nobela, magpinta, o mag-archeological digs, maging magpaka-IP (indigenous people dahil may populasyon ng Aeta sa isla) dito. Kapag tumuntong sa buhangin nito, bawat kibit may bayad. Tatlo klaseng fees ang babayaran bago makasakay ng bangka, walang publikong drinking fountain, parke’t playground sa isla.
At ikatlo, batay na sa unang dalawa, kailangan ng salapi para mag-enjoy sa Boracay, unless ay natutuwa ka nang tumanaw sa sunset, magmuni-muni sa masikip na beach, at mag-people watch sa init ng araw. Maraming ATM sa isla, maraming establisimento ang tumatanggap ng credit card. Overpriced ang mga pagkain at inumin kaya para sa maykaya ang full access pass sa “party island” ng Boracay.
Picture perfect ang Boracay dahil ito ay naging isa na lang simulacrum (abot-tanaw, abot-kamay) ng gitnang uring pangarap. Given na nandiyan na ang rekisitos ng party (drinks, kape, masarap na internasyonal na pagkain, gelato, sayawan) + island (emerald waters, white-sand beach, puno ng niyog, corals) kahit pa higit na dumarami ang nakakarating sa poder nito para makaranas ng isang hiwa ng gitnang uring libangan.
Dumarami sila para sa rekisitos na souvenir selfie shot bilang proof of (party island) purchase, bilang pagkamit ng gitnang uring fantasya sa mismong simulacrum ng espasyong nagsasaad nga nito. Wala namang pangit na larawan ng sarili at isla, wala naman (matapos ng pinagpagurang panggastos) ang magsasabi na overrated na ang isla at ang tumangkilik na sarili.
Si Roland B. Tolentino ay faculty sa UP College of Mass Communication at kasapi ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP). Para sa komentaryo, maaring mag-email sa roland.tolentino@gmail.com.