Mother’s Day (at ang biological at kapitalistang determinismo nito)

GUNITA NG SALITA
Ni ROLAND TOLENTINO

Bulatlat.com

Ito ang omnibus na pagdiriwang ng buong mundo para sa mga ina, at siempre, ang apila ay malalim at mahaba, sa kaibuturan pa ng sinapupunan ang simula ng individual na kwento, o sa pangkalahatan, sa simula ng pagkabuo ng familia bilang sagradong institusyon ng lipunan.

Ang alagwa para sa mother’s day ay nagsimula sa inisyatiba ni Anna Jarvis at sa West Virginia noong 1910 ito unang ofisyal na itinalaga, at nagsimulang kumalat sa U.S. at sa buong mundo. Tagsibol at tag-init ang mga petsa ng pagdiriwang, at sa maraming bansa, kasama ang Filipinas, ito ay tuwing ikalawang linggo ng Mayo ipinagdiriwang.

Siempre, ang pagdiriwang ay komersyal na okasyon sa taunang isang araw na paggunita sa naging ina. At lahat ng produkto at serbisyo para gunitain ito ay available na, online, 24/7 sa pinakamalapit na mall at convenience store, at iba pa, tulad ng bulaklak, Hallmark greeting card, cake, cupcake, spa treatment, photography package, at special promos sa restaurants, bilang ilang halimbawa.

"Ang mother's day ay trip down memory lane o nostalgia (na ang nakaraan ay ginagawang mas ideal kaysa sa aktwal na nangyari).  Apila ang ganitong okasyon sa malalim na hugot sa emosyon at wallet, at tungo sa homogenisasyon ng mabuting babae bilang mabuting ina na bumubura sa multiplisdad ng pagiging babae at ina?"
“Ang mother’s day ay trip down memory lane o nostalgia (na ang nakaraan ay ginagawang mas ideal kaysa sa aktwal na nangyari). Apila ang ganitong okasyon sa malalim na hugot sa emosyon at wallet, at tungo sa homogenisasyon ng mabuting babae bilang mabuting ina na bumubura sa multiplisdad ng pagiging babae at ina?”

Matapos magkaroon pambansang pagdiriwang ang U.S., ang naging misyon naman ni Jarvis ay magprotesta laban sa komesyalismo nito: nag-organisa ng boykot sa mga komersyal na produkto, pati pagprotesta sa candy makers convention at maging sa pagbenta ng puting carnation na naging simbolo ng araw ng mga ina na inilunsad ng American War Mothers. Sobrang galit ni Jarvis na kumilos din ito para ipatanggal ang ofisyal na deklarasyon ng araw ng mga ina.

Hindi kakatwa na ang mga taon ng pagpupursigi para sa araw ng mga ina ay ang kasagsagan ng paglikha ng U.S. ng kanyang empire. Solido na ang imperialistang kapangyarihan nito by 1910 bilang kaisa-isa sa mundo na patuloy na umaalagwa sa mga lumang kolonialistang kapangyarihan. Naghahanap ang lokal na ekonomiya ng mga bagong produkto, serbisyo, at okasyon tungo sa higit na konsumerismo na ipinatatagos sa kanyang mamamayan, pati na sa sinasakop na global na ekonomiya.

Kung iisipin, may sabit din ang designasyon sa mga ina bilang “ilaw ng tahanan,” pagpakat sa papel ng adult na babae sa reproduksyon, at pagtangi sa babae bilang maternal. Hindi naman ito tanggap para sa lahat ng kababaihan. At kung babae ka na hindi mo at hindi ka pinili para maging ina, ano na lang ang kahulugan ng araw na ito para sa iyo?

Para gunitain kung ano ang kulang sa iyo? Sa post ko sa Facebook, sinabi ko na ang pagiging ina at maternal ay social construct, at ang pagpupugay sa araw ng mga ina ay okasyon para pagpugayan ang mga babae at lalakeng ina sa ating buhay.

Merong nagkomento, sinabi na ok naman ang post ko pero babae lang ang pwedeng magdalangtao at manganak.

Na-miss nito ang punto. Hindi naman Holy Grail ng kababaihan ang pagiging ina, o hindi lahat ng babae; na may romantisismo sa maternal na ina at babae bilang maternal na kung hindi nagkaroon ng pagkakataon para sa social function na ito,

ano na ang halaga ng isang babae; at ang pinaka-least na konsidesyon, paano naman ang mga lalaking napilitan o piniling i-assume ang katungkulan ng ina sa tahanan?

Biological determinism ang okasyon, aminin man natin o hindi–na ang babae ay may tunay na modernong halaga lamang kapag siya ay naging isang ina, at kung siya ay naging isang ina, kailangan siyang maging mabuting ina para maging mabuting babae, tao, at mamamayan. Bukod pa ang minumungkahi na kapitalistang determinismo rin ang okasyon: tulad ng Pasko at Valentine’s day, walang makabuluhang pagdaraos ng okasyon kung hindi ito nakapaloob sa pagnilay, pagpili, pagbili, at pagtangkilik ng kapitalistang produkto at serbisyo.

Sa Facebook, ang mode ng marami ay nag-post ng imahen ng kanilang ina, piniling ina, at ang pasasalamat sa mga natatanging nakakatandang babae sa kanilang buhay. Marami sa pinost na imahen ay wala na, o wala namang Facebook account. Hindi lamang narsisistiko ang mode na ito, kundi narisistikong pagkukumpisal at exhibisyonismo. Siempre, mahirap itong tanggapin, pero hindi nga ba ganoon, o may ganito?

Ang patunay sa mabuting gawa ng mga itinatanging tao ay ang pagsasabuhay ng kanilang sinimulan at pinaunlad. Kung iisipin, lahat ng posts at tweets ay patungkol sa primordial sabjek ng ating pagkatao–kung paniniwalaan natin ang mga post at tweet, at ang mismong idea ng araw ng mga ina–at kung gayon, ang overcompensation sa okasyong ito ay nasa bawat ginawa at ginagawa natin.

Basahin ninyo ngayon ang inyong lahat ng posts at tweets in relation sa inyong debosyon at kumpensasyon sa ina. Iyong ok at pasado pa ay mga bagay na ikararangal nila, iyong hindi ay bakit nga ba pinost pa? At gaano karami ang mga ito? (https://www.bulatlat.com)

Si Roland B. Tolentino ay faculty sa UP College of Mass Communication at kasapi ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP). Para sa komentaryo, maaring mag-email sa roland.tolentino@gmail.com.

Share This Post

One Comment - Write a Comment

Comments are closed.