Tungkol sa krisis ng bansa at sagupaan sa Mamasapano

Ilang Kuro-kuro sa Pagsasakonteksto ng mga Pangyayari

ni Dr. E.SAN JUAN, Jr.

Buhat nang sakupin tayo ng imperyalismong Yangki, walang patid na krisis ang lumukob sa buong sangkapuluan. Mahigit isang milyong Filipino ang pinaslang ng tropa ng Estados Unidos noong giyerang halos di nababanggit sa mga teksbuk: ang Filipino-American War (1899-1913).

Sa sangkaterbang sakuna’t kapahamakang tinamo ng sambayanang Moro, tumatambad ang masaker sa Bud Dajo (1906) at Bud Bagsak (1913) na sinapit sa kamay ng barbarismong Yangki. Kasangkot sa mga biktima ang mga babae, ina’t mga anak, halos buong komunidad. Huwag na nating balik-tanawin ang mahabang pagtatangka ng kolonyalismong Espanyol na supilin ang mga katutubo sa apat na siglo ng kanilang pandarambong.

Danga’t hindi nagapi o nagsugpo, mataimtim at matibay na hangad ng sambayanang Moro ang makamit ang tunay na kasarinlan at kalayaan. Sa pakiwari ko, ang tunay na kasarinlan ay matatamo lamang sa pagwasak sa my istrukturang neokolonyal, sa sistemang umiiral na nagsisilbi sa mga dayuhang korporasyon at IMF-WB ng Estados Unidos. Hanggang sa ngayon, sa gitna ng mga kabiguan, mula nang magkasundo sina Misuari ng MNLF at Ramos ng RP noong nakaraang dekada, at pagkabuki ng Memorandum on Ancestral Domain ni Arroyo nitong 2009, patuloy hanggang sa kasalukuyang usapan nina BS Aquino at MILF.

Paano maipapaliwanag ang krisis ngayong kapaligid ng patayan sa Mamasapano?

Isakonteksto sa Kasaysayan ang mga Pangyayari

Anumang pangyayari sa mundo ay maipapahalagahan at maipapakahulugan lamang kung ilulugar sa konteksto ng kasaysayan. Sa lugar at panahon ng sistemang global. At sa partikular, sa kasaysayan ng kolonyalismo’t neokolonyalismo sa Filipinas sa ilalaim ng kapangyarihan ng Estados Unidos.

Simula sa pagpawi ng Unyon Sobyet noong huling dako ng nakaraang siglo 20, iginiit ng Estados Unidos ang paghahari nito bilang “sole superpower” sa buong mundo. Bagamat natapos ang Cold War, hinalinhan ito ng digmaan sa papanatili ng hegemonya, ng malawak na paghahari, ng Estados Unidos. Walang humamon dito–hanggang Setyembre 11, 2001.

Ang paghahari ng sistemang batay sa kapitalismong monopolyo’t pampinansiyal ay di panatag, marupok, laging alanganin. Buhat nang umakyat sa antas ng imperyalismo, naranasan ng sistemang ito ang sunod-sunod na krisis. Ang malubhang krisis ng 1929 ay nalutas lamang sa World War II at pamumuno ng US sa tinaguriang “Free World” laban sa katunggaling “Iron Curtain” ng USSR at Tsina. Naligtas ang mga ito sa rebolusyong radikal nina Lenin at Mao Tsetung. Simula dekada 70, laluna pagkatapos ng matinding pagkatalo ng Amerika sa Biyetnam, lumubha ang krisis ng sistemang ito. Ang paglusob at pagsakop sa Iraq at ngayon sa Aghanistan ay sintomas lamang ng lumalalang krisis ng sistemang kapitalismong global.

Kinailangan ng US ang isang kalabang ideolohikal upang pag-isahin ang mga bansang kaalyado nito, ang Global North (kasama ang Hapon). Napunan ito ng mga extremistang Muslim ng Al-Qaeda na pinagbintangang responsable sa 9/11. Sa malas, ang mga base ng bagong karibal ay mga Arabong bayan ng Iraq at Afghanistan–sa kalaunan, nasangkot ang Libya ni Khadaffy. Lahat ng bayang may langis, siyang pinakaimportanteng sangkap ng enerhiya para sa mga industriyalisadong bansa, mga bansa tulad ng Venezuela, Indonesia, Malaysia, atbp, ay target ng lakas-militar ng USA. Yaon namang walang langis, tulad ng Cuba at Norte Korea, Bolivia, Ecuador, atbp., ay kaaway rin sapagkat may makasarili’t makatwirang paninindigan.

Daluyong ng Binansagang Ekstremista

Sa yugtong ito sumulpot ang teroristang Abu Sayyaf. Kaalinsabay nito, ang Jemaah Islamiyah nina Marwan at Usman. Anumang pangyayari sa Mindanao at Sulu buhat noong nakaraang dekada–koro ng midyang pangmadla–ay kagagawan ng mga terorista. Ang bansag na “terorista” ay inilapat ni Sec. Colin Powell sa NPA at Partido Komunista ng Pilipinas sa panahong ginamit ang VFA upang ipasok ang ilandaang US Special Forces dito sa pretext o talukbong ng taunang Balikatan Exercises.

Dumating ang 2008, sintomas muli ng malubhang krisis ng sistema. Krisis din ng US sa harap ng matinding oposisyon ng Taliban sa Aghanistan at sa harap ng mapanganib na hamon ng ibang bansa tulad ng Tsina.

Paano maipapanatili ang pamumuno’t pamamayani ng US sa buong mundo kung halos lahat–maliban sa Cuba at North Korea–ay kasapi na sa sistemang kapitalista kung saan madugo ang walang lubay na sigalot at tunggalian ng mga bloke o pangkat ng mga mapagsamantala?

Kailangan ng kalaban, ang terrorista. Pumapapel ngayon dito ang Abu Sayyaf, Jemaah Islamiyah, NPA, at iba pang puwedeng gumanap ng punksiyong magpapakatwiran sa drone warfare, sa dahas militar, sa barbarismo ng mga korporasyong transnasyonal na nagsasamantala sa likas na yaman at lakas-paggawa ng mga sambayanang dominado, tulad ng Pilipinas. Mas mabisa ang mga grupong tinaguriang Muslim na tatak di-binyagan, ethnikong kaiba, kakilakilabot, na nakaugat sa ilang siglong panggigipit at pagduhagi sa kanila.

Bagamat taglay ang pormal na paghihiwalay ng Filipinas sa dating kolonyalistang Amerika, suko pa rin tayo ng kapangyarihan ng US, katibayan ang ganap na kontrol ng puwersang militar, AFP at PNP sa iba’t ibang kasunduan buhat pa noong 1946. Huwag na nating banggitin ang ekonomya, kultura, patakarang pangdiplomasya, atbp.

Mindanao: Larangan ng Digmaan ng mga Uri’t Bansa

Ang Mindanao ay isang teritoryong mayaman sa mineral, lakas-paggawa ng mahigit 10 milyong Moro at Lumad, at espasyong laan sa base militar ng US upang gamitin sa estratehiyang geopolitical sa buong Asya, laluna laban sa Tsina o sinumang magtangkang humamon sa poder ng kapitalismong global, ng NorteAmerikanong bloke ng mga bansa.

Bilang neokolonya ng US, ginagampanan ng gobyerno ni BS Aquino ngayon ang ginampanan ni Magsaysay noong panahon ng digmaan sa Korea ng dekada 1950 at ni Marcos noong panahon ng digmaan sa Biyetnam noond dekada 1960 at 1970. Higit na mahigpit ang kontrol ngayon sa bisa ng VFA at EDCA, at sa masahol na pagkaparasitiko ng AFP at PNP sa aparatong ideolohikal at pang-estado ng US. Bukod dito, nakasalig ang ekonomya ng bansa sa remitans ng mahigit 12 milyong OFW at ilang call centers, kaya walang lakas na tumutol sa dikta ng mga konsortiyum ng mga bangko sa liderato ng US.

Ano ang Dapat Gawin?

Ang sagupaan sa Mamasapano ay sintomas ng krisis ng neokolonyang Filipinas kaakibat ng lumulubhang salot at pagkasira ng hegemonya ng US. Nais ipamalas ng US na hindi maaring pahintulutan ang mga terorista saan mang lupalop ng mundo, gaano man kalaki ang “collateral damage” o kapinsalaang magaganap upang maisakatuparan ang pagpapatuloy ng paglaki ng tubo, ng kita, ng mga negosyo o kalakalan ng mga korporasyong transnasyonal. Sa gayon, ang mga sundalong nasawi ay maituturing na “canon fodder,” pambala sa kanyon, sa giyerang naibunsod ng mga magkakawin na krisis ng tinalakay rito.

Sa lenteng masaklaw na ito, at sa partikular na kasayaysan ng Filipinas lamang, masinsinang mahihimay at makikilates ang kahulugan ng Mamasapano. Gayumpaman, ang krisis ay sabayang panganib at pagkakataon: Anong pagkakataon ang inihahain nito sa mulat at mapanuring sambayanan? Ito ang dapat nating suriin, pag-aralan at sikaping paghandaan, sa kolektibo’t makaugnayang paraan.

Si Dr. E. San Juan Jr ay isang professorial Lecturer sa Polytechnic University of the Philippines, Manila. Ang artikulong ito ay rebisadong teksto ng panayam na binigkas sa U.P. College of Mass Communications, 5 Marso 2015, sa programang “Mamasapano: Media at Wika ng Digmaan. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post