Kung tutuusin

Relatives and loved ones of Kentex workers awaiting news at the Family Assistance Center set up at Maysan Barangay Hall (Photo grabbed from Valenzuela City FB)
Relatives and loved ones of Kentex workers awaiting news at the Family Assistance Center set up at Maysan Barangay Hall (Photo grabbed from Valenzuela City FB)

Ni RAYMUND B. VILLANUEVA

Kung tutuusin, hindi lamang sila pitumpu’t dalawa
Ibilang din sana natin ang kanilang mga pamilya
Ilan ang ngayo’y nagdadalamhati, ilan ang naulila
Ilan ang tumutulong, ilan ang nakikiramay?

Kung tutuusin, krimen itong maliwanag
Hindi ba’t ang pabrika nila’y isang malaking kulungan
Na naging tapahan ng mga kamay na nagmamaka-awa
“Parang awa niyo na, saklolo, iligtas niyo kami!”

Kung tutuusin, dati na rin silang pinatay
Isang libo’t limandaang tsinelas sa sahod na dalawandaan
Pakyawan ang tawag, pang-aalipin ang kahulugan
Sa “investment-friendly city” nitong Kamaynilaan.

Kung tutuusin, magkano ang matatanggap
Ng mga sugatan at mga namatay sa kanila?
Benepisyo ba ito o abuloy na maituturing?
Kailangan na palang mamatay para maging regular.

Kung tutuusin, ayon sa magiting na alkalde
Walang kasalanan ang kapitalista sa nangyari.
Napakahusay na tagapagsalita ng mayayaman
Ang sweldo niya’y bayad nating mamamayan.

Mga kinawawang manggagawang ni hindi mapangalanan
“Compliant” ang depensang maagap sa kanilang kamatayan
Kung tutuusin, sa ganang kapitalista, sa ganang pamahalaan
Pakikipagtuos na lang ang dapat nitong hantungan.

— 7:31 n.u.
16 Mayo 2015
Brgy. Commonwealth, Lungsod Quezon

Share This Post