Naujan ng tula’t kolektibong buhay natin

Rebyu ni ROLAND B. TOLENTINO
Bulatlat.com

Edel Garcellano, Sons of Naujan (Manila: Polytechnic University of the Philippines Press, 2015), 420 pp.

sons-of-naujan-book-cover

Ayon sa Internet sources, ang munisipyo ng Naujan sa paanan ng dating bulkan na Mount Naujan ay ang pinakamalaking bayan sa Mindoro Oriental na binubuo ng 70 baranggay, at may Naujan Lake National Park, ang ikalimang pinakamalaking lawa sa bansa. Mahilig sa higanteng statwa ang munisipyo: may tableaux ng Katipunan marahil sa plaza, may ulo ng usa sa highway, at may mala-Ed Castrillo na modernong skultura marahil sa munisipyo. Ang Simbahang Bato ay hinayaan na lamang maging remnant ng nakaraan, hindi na ni-restore.

Ayon naman kay Edel Garcellano sa kanyang koleksyon ng may 100 tula, tulang prosa at grupong tula, ang Sons of Naujan, ang bayan ay bottomless na bukal na pinagmumulan ng persona ng makata: nakakatanda, may pinagkatandaan, mapagnilay, politikal, may hugot sa tradisyon para baklasin ito para sa kontemporaryong kahilingan ng kanyang poetika, mahilig sa ampersand (&), at sa mga tula, centered ang texto.

Ang kamusmusan at kabataang pinaghuhugutan sa matulain at poetikong musa ng lugar na Naujan ay ang template sa formasyon ng angas ng mga tula’t akda. May inaakalang primaryong sandali ang makata, ang Naujan, at ang pagbabago nito sa kanyang pinagkapadparan: pagluwas sa Manila, Unibersidad ng Pilipinas, pagtuturo, pagsusulat, pagiging kritiko, pag-aasawa, pagiging ama, bilang maysakit, bilang nagpapagaling sa sakit, sa pagpasok sa senior citizen, sa pagtuturo sa PUP, sa paglalathala ng libro.

Ang Naujan ay ang byahe ng makata, at ang kanyang homecoming sa pag-stopover sa librong ito. Matatas at matalas ang mga tula kahit may romantikong hamig ang paraan ng pagtula, politikal na nakakahiwa para manggising, at humanistikong nakakaantig sa isang sandali, pagkakataon, lunan at pagkataong hindi na muling maibabalik.

Maliban na lamang sa inihahaing tula, at sa engaging na “in retrospect” na paraan ng pagtula sa koleksyong ito. Hindi piniling umigpaw sa pinagmulan at pinatunguhan, hindi mailibing ang nakaraan, hindi makapag-move on sa kasalukuyan at hinaharap na disjunctures sa nakaraan. In retrospect dahil tapos na ang sandali, at kahit hindi makapag-move on, napakahalagang gunitain ang sandali para lagyan ito ng kontexto ng pag-unawa’t horizon ng pakahulugan.

Disjunctive ang mga tula dahil may inilalahad na sablay, pitik, topak, at patama sa ipinagtatapat na oposisyon, binibigwasan ang idea ng kaisahan (unity), lumilikha ng alternatibo at oposisyonal na pagpapakahulugan. Sa pagtatapos ng tula, tahimik ang sentimiento ng disjunct dahil ito ang simula pa lamang ng pagtatagpo ng irony ng sandali’t lunan o kung bakit hindi lubos at ganap dahil nga sa simula pa lamang ay hindi naman talaga lubos at ganap ang tinutula at mismong tula.

Matutunghayan sa koleksyon ang ilang kasangkapan sa pagtula na minomobilisa ni Garcellano para sa interference ng politikal sa pang-araw-araw na Gawain. May freezing o screen shot ng sandali para paglimiin ng makata ang “what just happened there?!” sa isang dramatikong pagtatagpo ng hegemonikal na pwersa at ang individual na pagsuwag. Malinaw na nilalamon kundi man nalamon na ng gahum ang individual na utterance. Na tulad ng porma ng kanyang tula, wala rin naman talagang kahindikhindik na rebelasyon ang pinapatunghay, kundi ang isang pagtataya ng makata: ito ang Naujan, ito ang Naujan sa tula, ito ang Naujan sa estado, na hindi hiwalay sa Lucban, San Leonardo, Naga, Malaybalay, o Blumentritt na pinanggagalingan ng iba pang napadpad sa nakapadpad sa Naujan.

Malamang, ang matulaing sityo ng Naujan ang siya rin manifesto ng makata sa panulaan: ang kapasidad ng tula, panitikan at sining na muling itawag-pansin ang mga unang hindi nakita, o tanging ang makata, manunulat at artistang may ideolohikal na formasyon ang nakakita na nito’t kinakating ipakitang muli sa mga hindi nakakita’t nagbubulagbulagan.

Ang mga prosang tula ni Garcellano ay mga parabola ng buhay, mas malikhaing pagtutya sa kalakaran sa panulaan, panitikan at kritisismo, na siya ring angkla ng kanyang tula: ang mas malikhaing paglalatag ng kritikal na puna sa pang-araw-araw sa dikta ng hegemoniya ng estado at pati hegemoniya sa panitikan. Binalaan na niya ang kalabisan ng kapangyarihan: gagamitin ang tula sa pagsisiwalat ng kontradiksyon at kung bakit sa akto ng pagtula, ang pagsisiwalat ay isang politikal na kasangkapan ng pagpaslang sa mga salita, tula, at kapangyarihan.

Sa inaakalang kong pinakamakapal na koleksyon ng tula na nalathala (422 na pahina!), nagsisimula pa lamang ang bukal at black hole ng Naujan ni Garcellano: siya na anak nito ay inaanak ang sino mang piniling mapadpad sa kanyang landas, at magluwal ng iba pang mga Naujan gaya ng nauna sa makata, hanggang sa ang mga Naujan ay maging lawa at dagat ng kolektibong paglaya sa hegemoniya ng kapangyarihan at ng kawalan-kapangyarihan. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post