Panayam kay Paolo Sensyo, musikerong hukbo

Ni FIDEL GUEVARRA
Bulatlat.com

Ang unang album na nagawa ni Kas (Kasama) Paolo Sensyo, isang kulturang manggagawa ng Hukbo (Bagong Hukbong Bayan) ay tungkol sa kalagayan ng mga Lumad. “Paminogpao” (Manobo para sa “Makinig kayo”) na gumagamit ng oranda o paawit na bigkas ng tulang extemporenyo hinggil sa kontemporaryong lagay.

Ginamit ni Kas Paolo ang oranda para gunitain ang kasaysayan ng paggawa ng sariling gobyerno, paaralan, at health clinics ng Hukbo. Taong 1993 ito, at noong 1995, inilabas niya ang “Daghang Awit” at “Awit ng Pakikibaka” sa kanyang ikalawang album na alay naman sa sektor ng pesante, na nararamdaman na ang bulwak ng kontra-insureksyonaryong Oplan Bantay Laya.

Taong 2010 nang ang album “Wagtaingon ang Iwakin ang mga Bagahe” ay nailabas, at ukol ito sa problema sa konserbasitsmo. Ang sumunod na album naman ay para sa sektor ng medikal (health workers) noong 2011.

Isa sa mga produktibong musikero si Kas Paolo pero para sa kanya, “accidental songwwriter at singer” siya. Naligaw lamang dahil ginawa niyang outlet ang musika sa mga pakiwari sa mga isyung politikal.

Nasa Agusan de Sur siya noong 1993 nang magkaroon ng kampanya para sa logging ban. Lugar ng mga Lumad iyon, at napansin nya na hindi sanay makinig ang mga kasamahang Lumad sa mga pulong at pag-aaral. Lumikha siya ng awit na ang titik ay hinggil sa peti B (burgis), batay sa impluwensya ng Beatles (dala ng tiyuhin niya ang mga plaka sa bahay nila noong siya ay lumalaki pa lang) at rock music (ang mas kinagiliwan nilang magkakapatid).

Nilangkapan din niya ito ng oranda. At laking gulat na lamang niya nang ito ay mag-hit sa mga Lumad. Mas nakagiliwan nila ang pulong at pag-aaral, mas naging positibo ang tugon sa mga panawagan.

psensyo

Mahaba ang karanasan ni Kas Paolo sa politika. Taong 1981 sa Davao City nang siya ay estudyanteng aktibista na nag-oorganisa sa mga out-of-school youths. Taong 1985 nang siya ay mahuli, at nang payagang makapagpiyansa ay tinakbuhan ang piyansa noong 1986 para mag-fulltime sa politikal na gawain.

Naging partisano si Kas Paolo sa Davao City mula 1987 hanggng 1991, semi-UG (underground) ang gawain. Taong 1992 nang pinag-report siya sa rehiyon. At mula sa kanyang unang aksidente sa paglikha ng titik at musika noong 1993, parati niyang naririnig ang tanong ng masa, kung may bago raw bang likha?

Sa pagkilos sa hanay ng mga Lumad, at matapos ng matagumpay na one hit wonder so far na nilikha niya, pinupuntahan siya ng mga 20 hanggang 30 bata, babae at lalaki para pakantahin. Isang linggo, may tatlo o apat na beses na nangyari ito. Medyo napapagod na si Kas Paolo na maging jukebox, o DJ na tumatanggap ng request para sa isang awit.

Nang mabigyan ng pagkakataon mag-record, sa tulong ng kanyang kapatid, lumuwas ito sa Manila at isinaplaka ang awit sa isang studio. Nagtataka rin siya kung paano kumalat ang awit, kasama ng iba pa sa album, gayong may 200 hanggang 300 lamang ang kopya na naipasa sa mga kasama.

Dito niya natagpuan ang kapangyarihan ng musika na magkaroon ng sariling buhay lampas sa aktwal na pagkaawit nito. Naenganyo siyang lumikha ng bago. At tunay naman sa kasaysayan ng musika sa kilusan, isa si Ka Paolo ang pinakaprolifikong musikero ng mga orihinal na awit.

Ang pangalawang album ay sa Bukidnon nagawa noong 1995, “Asencio” ang titulo. Ang ikatlo ay lumabas ng 1998, at compilation ito o best of ng kanyang musika mula 1993-1995. Ang pang-apat ay noong 2004 at alay sa TU(trade union o kilusang manggagawa), at medikal (health workers). Ayon kay Kas Paolo, akala niya kahit sa panahong ito ay walang pa ring may gusto sa mga ginagawa niya.

Ang ikalimang album ay ukol sa strategic stalemate (2008), panawagan ng Partido Komunista na politikal na target na makamit. Ang ikaanim ay ukol sa musikerong Filipino (2009), wika niya, “Maraming magagaling na musikero pero di sikat.” Siya na rin ang nagsabi ng rason, “Blue collar kasi,” at ilan sa itinuturing niyang magaling ay sina Pendong, Chikoy Pura, at Gary Granada.

Ang ikapitong album ay ukol sa pork barrel (2012), at ang ikawalo ay laban sa konserbatismo, “Wagtangos” (2013). Sa pagbabalik-tanaw, nauunawaan ni Kas Paolo ang kapangyarihan ng musika, “part sa struggle. Kung ang prop materials ay itinatapon matapos ng pagkilos o mabasa, ang musika ay nananatiling buhay kahit ilang taon.”

“Nakakatulong [ang musika] sa consol (consolidation) ng mga pwersa,” paliwanag pa niya. Nang tanungin ko kung bakit kailangan pang ipagpatuloy ang ganitong kultural na larangan, ang sagot ni Kas Paolo ay “Meron na talagang sariling musika ang pakikibaka. Bahagi ito ng pag-agaw ng kapangyarihan sa kaaway.”

Taong 1993 nga nagsimula ang lahat para sa gawaing ito kay Kas Paolo. Nalikha niya rin ang awit “Agaw Argmas,” na ang artist pa ay si Parts (na ang mga likha lumabas sa exhibit sa sining ng kilusang andergrawn sa Manila). At hindi rin nahuhuli si Kas Paolo sa mga posibilidad ng makabagong plataporma at teknolohiya.

Noong 2008 at 2009, ginamit niya ang Youtube para higit pang matuto. Dito niya natunghayan ang links na may tips sa paggawa ng musika at awit. Ang isang link na nabuksan niya, “How to make a song,” at narealisa niya na “pangit pala” ang kanyang mga awit na nalikha, sabay ngiti.

Ang kanyang studio, sabay turo sa paligid ng kampo, “ang sona, guerrilla studio ito.” Pero babalik sa pagiging seryoso si Kas Paolo nang gunitain niya ang pinakahuling komposisyon, “Magkasama” bilang pagpupugay kay Ka Parago, ang lider-gerilya sa rehiyon na namatay ng Hulyo 2015.

Hindi siya makatulog nang marinig ang balita, naging mabuting kasama’t matalik na kaibigan niya si Ka Parago. At alam niya na ang awit ay gagamitin sa huling gabi ng lamay sa Davao City. Pinilit niyang tapusin ang awit sa sona, at ilang oras bago ang huling parangal sa lamay, kinaumagahan bago ilibing, naipaabot niya ito sa mga kasama.

Pinatugtog ang kanyang awit, at ang kanyang balita ay taimtim na nakinig ang mga nandoon. At ito, para kay Kas Paolo, ang kapangyarihan ng musika. Kahit wala siya roon ay nandoon siya at ang kanyang pakikiisa, nakakapag-antig ng damdamin sa maraming nakikinig, nalulungkot sa pagkawala pero nananatiling may pag-asa para sa higit na bukas.

Madilim na nang matapos ang panayam. Nahihirapan na akong sundan ang aking nasusulat. Nag-request ako ng isang awit bilang patunay sa mga kwentong narinig ko. At magalang siyang tumanggi. “Sa tamang panahon,” tila ito ang dinig ko. Sa isang panahon, live niyang maawit sa akin sa patag, at sa marami pang makikinig sa isa sa pinakamalaki ang ambag sa musikang bayan. Sa wari ko, gusto ko nang dumating ang panahong ito. (https://www.bulatlat.com)

Share This Post