Ni IPE SOCO
Rumagasa ang hangin
Tangay ang kanilang awit
Papalayo sa tahanang
Tinutungkab ng dayuhan
Humalo ang sariwang taghoy
Sa alingasaw ng urbanidad
Tinahak ng mga paang bihasa
Sa pagtawid sa mga ilog
Sapa, pilapil, at dawag
Ang aspalto ng lungsod
Na sumisipsip ng kanilang
Lakas at hinahon
Doo’y natunghayan nila
Nagtatayugang gusali
Nagkikislapang palamuti
Naglalakihang sibilisasyong
Nagmula sa nakaw na yamang
Tinungkab sa kanilang tahanan
Doo’y nasalamin nila
Kinukutya nilang kamalayan
Sinusukat nilang pagkatao
Dinudusta nilang dignidad
Binabasura nilang prinsipyo
Mula sa mata ng mga ganid
Samantala, nakaamba
Ang protektor ng nananamantala
Handang sagasaan ang sino mang
Maliit na naggigiit
At minoryang nag-iisip
Maghanda!
Dumadagundong ang mga tongatong
Kudyapi at kulintang
Nagngingitngit ang mga palasong
Maniningil, itatarak
Sa dibdib ng pagsasamantala