Pilî na mga Persona sa Himno ng People Power at Awit-protesta

Ni ABET UMIL

Magkahiwalay ang mga aktibidad, ng walong buwan pa lamang na administrasyon ni Presidente Rodrigo Roa Duterte at Liberal Party, para sa ika-31 taong komemorasyon ng People Power 1. Bagamat tungkol sa kapangyarihan ng pagkakaisa ng sambayanan na nagpatalsik sa diktador, dating Pres. Ferdinand E. Marcos, ang historikong pagbabagong panlipunan ang pangyayaring iyon sa EDSA.

Nabahiran ang pagdiriwang nitong 2017 dahil inisponsor ni Duterte ang libing, sa 28 taon nang iladong bangkay ng diktador, sa Libingan ng mga Bayani noong 18 Nob. 2016. Batik din sa People Power ang narko-politikang kinadawitan ni Sen. Leila de Lima, sa paglaganap ng bentahan ng shabu sa Bilibid, mga rehiyon at probinsya, habang nasa Trono ng Palasyo si dating PNoy, parehong myembro ng LP.

Pinasidhi noon ng mga himnong musikang pop at awit-protesta ang bahagyang kalayaan sa diktadura. Isinulong ng People Power sa pagbabago ang mga panlasa, alituntunin ng mga pamantayan, lalatagan ng bagong salalayang moral na aapekto upang muling hubugin sana sa pagpanumbalik ng demokrasya ang istilo ng pamumuhay at kultural na identidad ng samabayanang Pilipino (Durian 1989).

Ngunit paglipas ng 31 taon, bakit nauwi sa magkahiwalay na komemorasyon ang administrasyon (ni Duterte) at Liberal Party? Susubukin ng artikulo na sagutin ang tanong na ito sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga persona ng mga himnong musikang pop na Magkaisa (Tito Sotto, Homer Flores, Ernie de la Peña 1986), Handog ng Pilipino sa Mundo (Jim Paredes 1986). At mga awit-protestang Tumindig Ka (Jess Santiago, Victor Jara 1976), Tatsulok (Rom Dongueto 1989).[1]

Persona ang elementong nagpapakilos sa naratibo ng liriks. Sa pamamagitan ng pampanitikang sangkap na ito, nalalahad ang ideolohiyang salalayang gabay ng may-akda sa inaakdang persona at iba pang karakter na karelasyon nito, sa loob ng isang liriks, tula, maikling kwento, nobela, iskrip ng dula at pelikula. Gayon din sa pag-inog ng milyu, o daigdig ng mga ito sa naratibo. Gayon man, ikalilinaw ng partikular na talakay na ito ang kontextualisasyon muna ng kulminasyon ng kapangyarihan ng sambayanan sa historikong pangyayari noong 1986.

‘His time is up’

Pinakatampok na mga katangian ng PP1 ang mga kombinasyon ng: una, rebelyong militar ng RAM (Reform the Armed Forces Movement), pinamunuan nina Juan Ponce Enrile, Ministry of Defense at Gen. Fidel V. Ramos, hepe ng AFP. Ikalawa, pag-aalsa ng mamamayang organisado sa alyansa ng National Democratic Front, Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), at ispontanyo. At ikatlo, papel na ginampanan ng hirarkiya ng simbahang Katoliko (EILER 92). Hinihiwatig nito ang malawakang pandaraya sa Snap Eleksyon 1986 na pinanalunan ni Marcos. Kung kaya, bumaklas diumano kay Marcos sina Enrile at Ramos.

Batay sa hiling ni Enrile, nanawagan si Cardinal Sin, sa pamamagitan ng midya, na protektahan ang grupo nina Enrile at Ramos sa Camp Aguinaldo. Ito ang hudyat ng paghugos ng mamamayan, galing iba-ibang probinsya at lungsod ng Metro Manila, sa kahabaan ng EDSA mula Santolan hanggang Otigas Ave. noong 22-25 Peb. 1986.[2]

Nalubos ang pagtalsik ng diktador dahil nadala ang US sa kilos ng mamamayan kahit buong termino ni Marcos suportado nila ang isa’t isa. Ayon sa mga taláng limbag na tinipon at binalik-tanaw ng Philippine Daily Inquirer sa komemorasyon ng People Power noong 2014, isang madaling-araw, kaigtingan ng kapitbisig ng milyong mamamayan na may pusong umaalab sa paglaban, nagpasya ang US sa pakikitungo nito kay Marcos kahit hindi pa magkasundo ang tindig ng presidente at kalihim ng State Department nila.

Ganito ang bahagi ng impormasyon ng PDI sa sitwasyon ng umagang umaga ng partikular na petsang 24 Peb. 1986,

3:30 a.m.
At Camp Crame, Defense Minister Juan Ponce Enrile warns of two oncoming armored personnel carriers (APCs). Human barricades led by nuns and priests prepare to block the path of the APCs.

4 a.m.
In Washington, US President Ronald Reagan refuses to personally tell Marcos to step down but agrees to give him asylum. US Secretary of State George Shultz calls Ambassador Stephen Bosworth in Manila with instructions to tell Marcos “his time is up.” (Inquirer Research 2014)

Sa loob lamang ng 30 minuto ng madaling araw na iyon, nalantad ang dalawang mukha ng mga institusyon ng simbahang Katoliko, militar at Whitehouse. Una, bagamat naninindigan ang mga ito sa panig ng mga api, bukas-palad ang hirarkiya ng simbahang Katolikong sumuporta sa paksyon ng militar nang walang pagproseso sa pagkamit ng katarungan para sa nilabag ang mga karapatang pantao, sa ngalan ng Bagong Lipunan ni Marcos sa pamamagitan ng batas militar. Ikalawa, sadya o hindi, nilantad nina Enrile at Ramos ang opurtunismo ng tradisyonal na politiko at ofisyal ng tiwali at bukbukiin nang burukrasya. Ikatlo, halata ang daloy ng mando ng US mula presidente, kalihim ng State Department at konsulado nito, kayang kaya maglaglag at kumalinga ng US ng elitistang katiwala nilang hindi na tanggap ng mamamayan. Gaana man katagal na nilang suportado ito. Pang-apat, naipakita pang kinukubabawan ng kapangyarihan ng mga oligarkang dayuhan ang estado ng Pilipinas, sa pamamagitan ng estado ng US. Bagay na lumalabag sa soberanya ng sambayanan at likas-yaman nito.

Mga naratibo sa mga himno na musikang pop at awit protesta

Ilang araw lamang pagkatapos ng historikong anyo ng panlipunang pagbabago, magkahiwalay na nilikha nina Sotto-Flores-de laPeña at Paredes ang musikang pop na mga himno ng People Power. Parehong pasok sa Top 10 ng OPM ang Magkaisa at HNPSM noong 1986 (Santos 2007). Inspirasyon ni Sotto ang gambala ng salakayan mga sundalo sa White Plains, subdibisyong kinaroroonan ng tahanan nila, sa tabi ng Camp Aguinaldo (ABS-CBN 2016). Inspirasyon naman ni Paredes ang sinapit ng mga kaibigan, kamag-anak at inang inaresto noong batas militar (Paredes 2016).

Operatiba ng Light A Fire Movement ang ina ni Paredes, inaresto at hinatulang mamatay sa silya elektrika noong 1984 (Potpourri Blogs 2016).[3] Kaugnay ng pinsala at pagkamatay ng 70 katao dahil sa bombang sumabog noong 12 Set. 1980 sa Rustan’s mall sa Makati. Sinundan pa ang mga pagsabog sa mga hotel: Philippine Plaza, Century Park Sheraton, at Manila Peninsula; noong 4 Okt. 1980.

Grupo ng mga tradisyonal na politikong nagdistyero sa US ang LAFM: Heherson Alvarez, Raul Manglapuz, Raul Daza, Bonifacio Gillego, Steve Psinakis. [4] Ayon pa sa Potpourri, naniniwala ang LAFM, dahas ang kailangan upang solusyonan ang mga abuso ng batas militar. Nagsanay ang mga ito ng pagpapasabog ng bomba sa Arizona, USA.

Repasuhin natin ang mga liriks ng awit upang makita kung paano pinagagana ang mga persona ng mga ideolohiyang pinambuhay sa naratibo ng mga pyesa mula sa mga panulat, talento at pananaw ng mga umakda.

table 1

Tsart 1: Maoobserbahan si “’ko” (akin ang mga diin), unang panauhang isahan na persona sa unang saknong ng HNPSM. Natransporma sa “tayo”, maramihan, pagdating sa refrain. Habang “atin/tayo”, unang panauhan din sa unang saknong ang sa Magkaisa. Pirmis na maramihan hanggang kabuuan ng awit.

Gaano man ang diperensiya ng dalawang persona, nilalahad sa naratibo na kapwa tagamasid lamang ang perspektiba ng mga ito sa mga prosesong panlipunan na natipon at nagtulak upang mangyari ang PP1, o istorikong usad ng pagbabagong panlipunang ginampanan ng sambayanan at mga henerasyon ng mga anak ng bayan—ang konteksto ng mga naratibo sa dalawang awit. Mahahalata ang mapagbunying himig, o kulay ng perspektiba at pagsasalaysay ng persona sa HNPSM, habang mapaglimi ang sa Magkaisa.

Ngunit ang dalawang persona pa ang nagmamando sa bayan, na gumanap sa pagbabagong panlipunan, na magkaisa para sa “Mapayapang paraang pagbabago” sapagkat “Isa lang ang ugat na ating pinagmulan”. Ang mga tagamasid at palautos na katangian ng mga persona ay pagpoposisyon ng paninindigan, perspektiba ng karakter ng persona sa penomenong panlipunang pinaksa. Kung gayon, sikal o ripleksyon lamang ito ng bahagi ng buong paninindigan at perspektiba, sa totoombuhay na ideolohiya ng may-akda. Ang tindig na tagamasid at tagamandong katangian ng persona sa HNPSM, naglalantad ng paninindigan at pananaw na representasyon ng katayuan ng isang nakapagitna sa mga “binawian at bumawi” sa angkin at pinaglimiang panindigan ng persona at kausap sa mga linyang “Ating kalayaan kay tagal natin mithi./ ‘Di na papayagang mabawi muli.” Sa Magkaisa, ay sa pagitan ng “unos at agos”, at ng kinakausap na mga nagkawatak-watak dahil sa “hirap at dusa”.

table 2

Tsart 2: Mga halimbawa ng awit-protesta, sinalin ni Santiago noong 1976 itong Tumindig Ka, orihinal ni Victor Jara, Chileano, progresibong mang-aawit; At noong 1989, itong Tatsulok ni Dongeto ng Buklod. Unang panauhang maramihan, “kami”, una’t ikalawang linya ng koro; at natransporma sa isahang “ko”, sa huling linya ng koro, ang tagasalaysay ng Tumindig Ka. Isahang omniscient ang sa Tatsulok.

Kinakausap ng persona ng Tumindig Ka ang isang taganayon, si “Ka”, sa pamagat. Pinapaalala nito sa pinupukaw, na ang kalikasan, tagpuan at kanlungan ng kanilang pakikitungo sa isa’t isa, pamayanan, pakikibaka, ang salalayan ng kapangyarihang nakapagpapatiayon (maging) sa kanlungan mismo ng pagbabago na kanilang tinatahak. Sa pamamagitan ng simbolikong “palad”, pinapaalalahanan pa ng persona ang kausap, na si Ka, may kalidad ng mga pagbabago na silang nakamtan habang nagrerebolusyon mula pagkaapi. Hindi iniinda ng persona ang mga pagpapakasakit sa gitna ng pakikibaka, kung ano ang katuparan sa kaitaasan, siya rin ang sa lupa, o kolektibong pamayanan. Ugnayan ang mas pinahahalagahan na may halagang buwis-buhay at pagkamagkalahi, pinasisidhi pa sa pamamagitan ng pinagpasyahang paghawak ng armas bilang pinakadakilang anyo ng pakikibaka at responsableng paglilingkod, upang palayain at paunlarin ang kapwa api. Himig panalangin at pagpapakumbaba ang nagpanatili sa hinahon ng persona.

Sa Tatsulok, pinaiiwas naman ng persona si Totoy sa pook na tagpuan ng armadong tunggalian. Paniguradong hindi ito Metro Manila na pinangyayarihan ng kudeta sa pagitan ng mga adbenturista, paksyonalistang militar at tropang tapat sa institusyon ng AFP. Kundi sa kanayunan, kadalasang larangan ng armadong tunggalian sa pagitan ng mga NPA at AFP, o MILF at AFP. Sinalarawan pa ng persona kay Totoy na kapag lantad siya sa karahasan ng digmaan, buhay ang magiging kapalit. Sinita rin ng persona, kung alam ng bata ang mga sanhi ng tunggalian. Saka pinangaralan sa koro. Mayorya ang nilulugmok sa kahirapan sapagkat pang-elitista, o pang-oligarka lamang ang katarungan sa kaayusang sinatalinghaga sa Tatsulok. Nang mapansin ng personang nagreresulta sa kamatayan, sa huling saknong, ang kahirapan ng mga taganayon dahil sa armadong tunggalian, at pagkasira ng kapaligiran sa daigdig ni Totoy, umiral ang himig tagamando ng persona sa batang magsasaka na baligtarin ang kaayusan. Walang sapat na impormasyon, o pahiwatig man lang, kung ano ang kinayang unawain, at naunawaan na ni Totoy, sa mga komplikasyon ng mga sosyo-politiko-militar na mga larangang lunsaran ng walang katapusang karahasan.

Gayon man, pinauusisa pa ng naratibo kung ano ang kinahihinatnan ng batang gustong pangalagaan, ngunit inutusan sa bandang huli habang walang linaw kung ano ang naging responsabilidad ng persona sa mga pangyayari, gaya ng mga persona sa HNPSM, Magkaisa.

‘Di na papayag’

Inilahad ng mga elemento: persona, himig, tagpuang panahunan at lugar, motibasyon; sa mga liriks ang umiinog na katuturan, o mga pagpapahalaga sa: “mapayapang paraang pagbabago”; “pagmamahal ng Diyos isipin mo tuwina”; pagpukaw ng rebolusyonaryo sa aping taganayon; pangangalaga, pagsita at pagpakilos ng “NPA” sa batang taganayon. Ang mga katuturang ito ang humuhugis sa tagpuan ng panahunan at lugar ng bawat liriks sa kabuuan ng mga komunidad, o daigdig ng mga persona at iba pang kinakaugnay na mga karakter sa loob ng naratibo. Bumubukal sa daigdig na ito ang sosyokultural na mga aspektong kinapapalooban ng mga konsepto ng tama at mali (Jocano Sr. 1997). Sa mga susunod na pagsuri pa, malalahad naman ang ugnayan ng mga persona at iba pang karakter ng bawat naratibo ng mga liriks ang asal, o ugali, na naglalantad ng buti at samâ. Gayon din ang diwa, na nagpapahiwatig ng katayuan sa lipunan at pagkamamamayang nagpapakita ng lalim ng likhang mga persona, relatibo sa mga pamantayan ng mga ugnayang personal at panlipunang pinaksa ng mga kompositor-mang-aawit.

Bagamat hindi malinaw sa mga naratibo ang partikular na katayuan sa buhay ng mga persona sa Tsart1: HNPSM, Magkaisa; Tsart 2: Tatsulok, pinahihiwatig ng mga karakterisasyong “tagamando”, habang tagamasid lamang, na tipo sila ng isang tradisyonal na lider politiko at relihiyoso-politikal. Nagkakaiba-iba lamang ang antas ng kamalayan ng mga lider na ito. Nakalugar ang tagpuan ng HNPSM at Magkaisa sa EDSA (ayon kay Sotto mismo), habang kanayunan ang sa Tatsulok. Naiiba ang persona ng Tatsulok sa mga persona ng HNPSM at Magkaisa dahil nakalahad ang kapangyarihan nitong pag-ingatin, sitahin at mandohan si Totoy ng gawaing higit pa sa pagkakaisa sa katuturan ng mapayapang pagbabago, sa gitna ng labanan. Posibleng armado ang sumita. Hindi maipagkakamali sa MILF at AFP ang armadong persona. Sa pamagat pa lamang, minumungkahi ng may-akda ang pangangailangan ng tagapakinig na gamitin ang lente ng marxistang sosyolohiya na pagsuri sa balangkas ng social pyramid, o lipunan, na tinalinghaga sa tatsulok na kaayusan. Sa ganitong pagsuri, inilulugar si Totoy, sa ilalim, o base ng piramide, bilang anak ng magsasaka, mayorya ng lipunang Pilipino. Sa taas nila ang pang-hirarkiyang kamada ng mga uri—mga manggagawa, propesyonal o panggitnang uri, negosyante, at sa tuktok, asendero-kapitalista, o mga oligarka. Nakasalikop o katirintas sa kamada ng mga panlipunang uri, mula base-patuktok ang superstruktura ng mga kalakaran: sa pananalapi, kalusugan, edukasyon, teknolohiya, panloob at panlabas na kalakaran ng bansa, batas at katarungan, tanggulan, relihiyon, sining at musika, mga gawi, perspektiba at pananaw sa daigdig ng bawat uri, at iba pang pagraranas sa araw-araw na buhay; habang hinuhubog bilang kultural na identidad (Storey 193).

Ngunit limang dimensyonal ang piramide kaysa tatsulok na may isang dimensyon lamang. Bukod sa ugnayan nina Totoy at ng persona, nakasalansan sa mga dimensyon nito ang suson-suson na interaksyon ng bata sa mga magulang na magsasaka, sa panginoong maylupa o asenderong amo ng kanyang mga magulang, pamilya nila sa komunidad, sa komite ng katarungan at tserman sa bulwagan ng barangay, sa kanyang guro, sa barangay health worker, sa kanyang mga kaklase at kalaro, sa simbahan, sa militar, sa radyo-TV-sinehang dinadayo at iba pa.

Nagtutugma ang paninindigan ng mga persona ng HNPSM at Magkaisa dahil sa mga konsiderasyong “mapayapang paraang pagbabago” at “isa lang ang ugat na ating pinagmulan” bilang konsepto mula isang lider politiko-relihiyoso. Sa pamamagitan ng pagguhit ng konseptong mapayapang paraan ng pagbabago, pinuwera sa HNPSM at Magkaisa ang mga nag-armas sa totoombuhay. Habang mapagkaisa sa kung sino man, nang walang sapat na pagproseso kung paano matatamo ang katarungan mula mga abuso at krimen ng diktador at mga kasabwat nito. Isang bagay na talakay sa autorisadong pag-aarmas ng AFP ang pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan. Ngunit tipo ng kaayusan ng “Tatsulok”, “hustisya para lang sa mayaman”. At ang mayayaman din namang ito ang nagdisenyo, nagpapanatili ng tatsulok, na ginagamitan ng sinsabi ni Althusser na repressive state apparatus, sanhi ng pagkaapi at pagsasamantala sa mga karaniwang mamamayan. Habang ang pag-aarmas ng NPA, naglalayong baguhin ang kaayusang pinananatili ng AFP.

Subalit anong uri ng salalayang moral at liderato mayroon ang mga personang nag-magmamando, na magkaisa at pakilusin ang sambayanang makaranasan sa paghihirap sa ilalim ng diktadura at lumaban ngunit walang takot harapin muli ang panganib ng pasismo sa EDSA? Anong uri ng liderato mayroon ang mga personang ito na nagmamando ng pagkakaisa? Habang binubura ang naratibo ng nauna nang nagkakaisa, gaya ng mga Pilipinong nagkakaisa sa alyansa ng NDFP, na lumaban bago pa rumurok sa EDSA, at lumalaban hanggang huling kapit ng diktador sa kapangyarihan ng kalupitan? Sa katunayan nga, hanggang sumunod na mga rehimen, at sa kasalukuyan.

Halata, sa unang saknong ng HNPSM, ang pagkabalisa ng personang inakda ni Paredes, sa salitang “bawi” ng diktador sa kalayaan. Walang basehan sa saligambats ang pagmamay-ari ng sino mang opisyal ng gobyerno sa kalayaang tinadhana sa Bill of Rights. Pag-abuso sa kalayaan ng mamamayan ang rurok ng diktadura ni Marcos. Napatunayan ito ng panalo sa kaso ng class suit ng mamamayan laban sa diktador na binistahan sa US. At ginagarantiyahan ng Konstitsuyon 1987. Ang eksaheradong pananaw sa kalayaan sa HNPSM, bilang pribilehiyong pwedeng bawiin ng diktador, hindi na problema lamang sa karakterisasyon ng persona. Kundi, saloobin at ideolohikal na mismo ito sa panig ng may-akda. Bagamat mauunawaang autobiograpiko kay Paredes ang bahagi ng HNPSM.

Sa isang antas ng pagbasa, tumutugma ang “ka” sa pambungad na linya, “Di na ‘ko papayag mawala ka muli”, sa isang biktima ng diktadura. At ang kanyang ina, inaresto sa pagkakasangkot sa Light A Fire Movement. Sa ganitong konsiderasyon, pumapasok ang pagkalas ng burgis na manlilikha ng awit sa realidad ng komunidad, tungo sa egoista, indibidwalista na imahenaryong komunidad (Marothy 1974).[7] At sa perspektiba ng panlipunang pagbabago, namamayagpag din ang palsipikadong kamalayan (Pines 1993).[8]

Gayon man, taliwas sa pinaliwanag ni Sotto sa kanyang pagbabaliktanaw tungkol sa PP1 sa EDSA, pinakita ng liriks niya, na ang Magkaisa ay tungkol sa kalamidad na nagtutulak ng pagbubuklod. Maliban sa “pagkakaisa”, walang salita ritong nag-uugnay sa partikular na nangyaring historikong yugto ng panlipunang pagbabago. Sa isip lamang ni Sotto nagkatotoo ang kanyang intensyon na ang Magkaisa ay para sa EDSA People Power.[9] Samantala, pabawas ang halaw ng pamagat sa isang dimensyonal na Tatsulok mula limang dimensyon ng social pyramid, o piramide.

Isang proseso ng panipis na pananalinghagang nauwi sa pagsita, sa ikalawang berso, kung nalalaman ba ni Totoy ang puno’t dulo ng gulo? Saka pinangaralan nang patalinghagang hindi ideolohiya at katayuan sa buhay ng mga uring burgis at proletaryado ang dahilan ng labanan. Kundi ang pinupunang tradisyonal na patatsulok na kaayusang mayayaman din ang nagdisenyo at nagmamantini. Tinangkang pangalagaan sa unang berso, sa bandang huli, biglang minandohan ang musmos ng isang panlipunang atas. Dukhang tulad ni Totoy ang pinalalagay sa tuktok sa proseso ng pagbaligtad sa tatsulok. Kahinaan ng persona ang paimbabaw na pangangalaga sa bata. O ripleksyon ng “disoryentasyon” na tinukoy sa pagbabaliktanaw ng NDF noong 2015 kaugnay ng pag-alis, ng Secretariat nito, sa pamumuno ng proletaryado sa pamamagitan ng binorador na programang Bagong Katipunan (NDF 6)?

Sa kabilang banda, pinahihiwatig ng matulaing liriks ng Tumindig Ka ang paninindigan ng persona para sa mga magsasaka. Hindi kasing traumatisado ng pasibong “Di na ko papayag…” ng HNPSM ang linya sa koro, “Tulad ng apoy ang baril ko’y iyong linisin”. Walang humpay na pagpupukaw, pag-oorganisa, pagpapakilos at armadong pakikibaka ang paraan ng pagpapalaya sa mga api at pagtatanggol sa mga pagbabagong nakamit —“Bugang tulad ng hangin ang bulaklak sa kabundukan”— ng kanilang pakikibaka. Ipinakita ng persona sa unang berso ang ugnayan nila ni “Ikaw” sa kalikasan. Nagkakaroon ito ng produktibong pagbabago dahil sa kapangyarihang “maghasik”—lakas-paggawa—ni Ikaw. Sa perspektiba ng kapangyarihang ito, hinihiling ng persona ang pamamayani ng “pagkakapantay-pantay” at “hustisya”. Sapagkat pati pagiging produktibong gampanin ni Ikaw sa lipunan pinagkakait ng “panginoong mapang-alipin”.

Magkaparehong paninindigan ng nasa gitnang uri ang mga persona ng HNPSM, Magkaisa at Tatsulok. Bukod tangi ang persona ng Tumindig Ka na nagmumula sa paninindigan at perspektiba ng proletaryado. Hindi karaniwang gitnang uri sina Paredes at Sotto. Iba ang danas nila sa pang-araw-araw na buhay kaysa sa mga personang likha nila sa HNPSM at Magkaisa na hindi na mababago ang “buhay” sa mga naratibo ng liriks. At sa kapwa nila mga musikong komposistor ng awit-protesta, gaya nina Santiago at Dongeto.

Sinasalarawan ang gitnang uri, o petiburgis, bilang uring panlipunang kakawag-kawag na namumuhay sa matatatag na bahay sa sariling lupa at nakapag-aari ng mga kasangkapan: refrigerator, radyo, at iba pa. Ngunit mabilisan ding nalalaglag ang buhay nila sa pagiging mahirap, o masa, dahil sa pagkatali ng ekonomya ng bansa sa maniobra ng mga dayuhang monopolistang nakakubabaw sa estado ng lipunang Pilipino, korapsyon ng tiwaling mga burukrata at pagpapalawak pa ng lupa ng mga asendero. Walang sariling heavy industry na magsusulong ng pambansang industriyalisasyon kung kaya bumubuway ang pambansang ekonomya. Laging nangangamba ang kalooban ng gitnang uri sa pagbabago ng katayuan sa buhay. Kung kaya, astang mayaman lang talaga ang pagiging gitnang uri (Tolentino xxii, xxiii).

Pagbibenta ng lakas-paggawa na walang tubo, sa kahit sinong uri ng among kumukompra, sa pamamagitan ng sahod at sweldo, na kapag kinuwenta ang tantos palugi ang kinabubuhay ng proletaryado. Kahit mga paltos at daing, hininga at kabaong, at buong pag-iral niya, nakasalalay sa mga pangangailangan ng palitan sa merkado ng halaga at pakinabang. Pasumpong-sumpong ang krisis at sagsag man ang kompetisyon sa motibong fetish ng kapital (Sweezy at Huberman 67). Kaya naman, mga palad ng proletaryo ang naaasahang gumaganap sa banat-buto, motibasyon at mga atas ng tagamando sa pagbabagong panlipunan, alin mang yugto ng kasaysayan.

Kultural at politikal na talambuhay

Tatlo sa mga tinalakay na awit nilikha noong dekada 80, kasagsagan ng Total War at Low Intensity Conflict inisponsor ng US kay Cory. At noong 1976 itong Tumindig Ka, kasagsagan ng batas militar. Nakilala sa mainstream na industriya ng musika ang Tatsulok nang ikober ito Bamboo. Nauna rito, sa album ng Buklod at napasama sa Karapatang Pantao double album, antolohiya ng mga awit-protesta. Nilahukan ng mga progresibo at pambansa-demokratikong aktibista, tinipon ng Ecumenical Movement for Justice and Peace, prinodyus ni Ed Formoso para sa mainstream recording company, Dyna Products.

Habang araw-araw umeere noon sa maraming istasyon ng TV at radyo ang HNPSM at Magkaisa, araw-araw din ang balita sa pagpatay ng mga vigilante sa hinihinalang mga komunista, na karaniwang aktibista (Constantino 32).[10] Magiging temang awitin na lamang ang mga ito tuwing komemorasyon ng People Power sa sumunod na mga rehimen. Gayon man, taon-taon, balitambalitang abandonado na ng mga tradisyonal na politiko ang mga pagbabagong pangako ng EDSA People Power. At nitong 2016, si Enrile na mismo ang nagsabing “nawala ito na parang bula”, dahil nagpatupad ang mga sumunod na administrasyon ng mga patakaran, sa ekonomya at politika, na siyang wumawasak at paraan ng pandarambong ngayon sa bansa (Ager 2016).

Nagtutugma ang islogan na “Change is Coming” ng Duterte admin, layon ng LP at mga tema ng himno ng EDSA People Power at awit protesta tungo sa pagbabagong panlipunan. Upang maunawaan ang magkahiwalay na komemorasyon nito ngayon 2017, may pangangailangang aralin ang relasyon ng mga islogan, layunin at tema ng politikal at kultural na mga proyekto. Kinakailangang ikonsidera ang pagsuri sa panlipunan at kultural na produksyon, distribusyon, pagkonsumo ng nakasikwens na mga nota, salita, interval at pagtahimik ng mga instrumento at tinig (Rojek 2011, 18). Susi ang lohika sa mga disisyon ni Duterte sa mahahalagang isyu, hal., Peace Talks sa NDFP, na hinarap ng walong buwang administrasyon pa lamang, upang tukuyin kung alin ang autentikong tinig upang makabuo ng kolektibo at harmonikong awit ng pagbabago.

Ayon pa kay Rojek, sinasaklaw nito ang relasyon ng mga prodyuser, arranger, singer/banda, merkado, midya-DJ-tagaimbento ng imahen, corporate sponsor, teknolohiyang dinadaluyan ng musika at iba pang organisasyon at sistema upang makaabot ito sa mga tagatangkilik. Kuwidaw sa puntong pangunahan ang mga ahensya ng estado na rumirenda sa panlipunang kontrol sa musika, sining at kultura. Gayon man, pinapakita ng salin ni Santiago sa awit ni Jara ang pagkakaugnay ng dalawang lipunang parehong pinanghimasukan ng imperyalismong US. Parehong dumanas, ang Pilipinas at Chile, ng batas militar sa ilalim ng mga diktador na suportado ng US.[11]

Samantala, laman ng mga balita rin nitong mga nakaraan, ang politikal na kasaysayan ni Duterte mula appointed vice mayor ng Davao noong 1986, dating Kabataang Makabayan, istudyante ni Jose Maria Sison, anak ng gabinete ni Marcos, hanggang naging pinakamataas na opisyal ng bansa na nagpalibing ng bangkay ng diktador. Tinutukoy ni Rojek sa kasaysayang kultural ang isturktura ng damdamin at sugid ng tagatangkilik sa iniidolong bituin akibat ang kasikatan.

Bukod sa exklusivistang ideolohiya nina Paredes sa HNPSM at Sotto, ano pa ang mahihita ng tagatangkilik kay Virna Lisa, pagkatapos sumikat nang kantahin niya ang himnong musikang pop na Magkaisa, tinakwil ang ligalidad ng pagka-Pilipina niya? Para tanggapin ang American citizenship dahil doon siya pinanganak. Saka nagtrabaho sa isang sangay ng Pentagon, istasyong panggera ng US (Mendoza 2009). Ano ang mahihita ng mga tagatangkilik, sa awit Noel Cabangon, dating Buklod na pagkatapos lumahok sa kilusang progresibo, kinampanya si Nonoy Aquino at ginawan ng islogan na “Walang mahirap kung walang korap” (Umil 2010), upang palawigin pa ang status quo?

Sa mga pilî na persona ng panlipunang pagbabago, isang pagkakapareho ng tradisyonal na politiko at “bituin” sa larangan ng awit, ang pananatiling “salita puro ka salita” ng kanilang mga proyekto at liriks (Aban Jr. at Pillora Jr. 1978).[12] Lalo pa’t ilan sa kanila, kapag nabibigo ang ilusyon sa mabilisang pagbabago, sumasakabilang bakod sa tindig ng makakanan (Sison 40).

1. Ofisyal na himno ng EDSA People Power 1. Ginawaran ng Catholic Mass Media Radio Award Archdiocese of Manila, Vicente Sotto III, Biography, SENATE OF THE PHILIPPINES, 17th Congress (Pasay City, 2016) senate.gov.ph/senators/sen_bio/sotto_bio.asp; Kasama ng Unchained Melody, dinagdag ng label executive sina Gretchen Barreto at Kris Aquino sa bidyo para sa “commercial value”, Jim Paredes. How Jim Paredes Gave People Power Its Anthem, And Why We’ll Never Stop Singing It. ROGUE, 23 Feb. 2016. rogue.ph/how-jim-paredes-gave-people-power-its-anthem-and-why-well-never-stop-singing-it/; Salin ni Jess Santiago mula sa orihinal ni Victor Jara, “La Plegaria A Un Labrador.” Sinasabing tinaga ng militar ang mga daliri ni Jara noong kudeta ni Pincohet kay Pres. Allende, 1973. Pinagmumura, inutusang gumitara at umawit sa harap ng 6,000 mga arestado at bihag sa Estadio Chile saka binaril sa ulo. Ngunit, dahil sa kakulangan ng dokumentasyon, ang pagtaga sa mga daliri, pinabulaanan ni Joan Jara, asawa ni Victor, noong 4 Set. 2013 sa interbyu sa kanya ni Amy Goodman. Gayon man, pinatotohanan ang pagpatay. Makikita ang kopya ng orihinal sa: Teresita G. Maceda, “Pagkanta ng Tunay na Totoo sa mga Lipunang Sinilensyo: Ang kaso ng Chile, Argentina at Pilipinas” Social Science Diliman, Vol. 11 No. 2, (Quezon City: 2015) 111-133.journals.upd.edu.ph/index.php/socialsciencediliman/article/ view/ 4800/4332; Isa si Dongeto sa mga pangunahing organisador ng Bukluran ng mga Musikero para sa Sambayanan, o BUKLOD, maagang taon ng dekada 80 bago ito naging pangalan ng grupo nila nina Noel Cabangon at Rene Bongcocan.
2. EILER.
3. Pagsasalarawan pa ni Paredes sa epekto ng batas military sa buhay niya, “Eighteen years of my life were dominated by a tyrannical family from hell, who killed their own people, pillaged the treasury, and destroyed the nation I loved.” Kasamang Jim Paredes. How Jim Paredes Gave People Power Its Anthem, And Why We’ll Never Stop Singing It. ROGUE, 23 Feb. 2016. rogue.ph/how-jim-paredes-gave-people-power-its-anthem-and-why-well-never-stop-singing-it/
4. Amerikano-Greko, Si Psinakis asawa ni Precy Lopez, ng prominenteng angkan ng Lopez.
5. Maceda, 122.
6. Kinailangan kong pakinggan ito sa YouTube dahil wala na akong cassette tape player, at iniba ni Bamboo ang ilang linya sa bersyon ng liriks niyang nilalabas ng Google.
7. Sa pagpapalawig ni Marothy, sinasabi niyang dating nakapaloob ang burgis sa kumonal na uri ng produksyon sa Europa bago ang industriyalisasyon. Katangian ng produskyong ito ang sama-samang pag-awit habang nagsasaka. Ngunit humiwalay ito sa komunidad ng mga magsasaka, at lumikha ng awit na solo ang katangian. Sa kalaunan, inilako at binenta rin ang likhang awit sa komunidad na kanyang kinalasan. Kasama ng awit na binenta, ang kaisipang burgis.
8. Sari-sari ang pagbibigay kahulugan ni Pines ng false consciousness, o palsipikadong kamalayan. Ngunit ang tinutukoy dito, ang pakahulugan niya ukol sa manipulado at ingoransya sa katangian ng kaisipan bilang determinado at produkto ng lipunan.
9. Abet Umil. “Moderato sa Koro isang sosyokultural na talambuhay handog ng OPM (Orig) sa masusugid na Metro Manilenyo, 1986-1992.” Quezon City, DFPP, KAL, UPD, 2017.
10. Labor Education and Assstance for Development. Lahatang Panig na Giyera Laban sa Masa. TALAKAYAN, Tom. Blg. 11, Lungsod Quezon. 1990. 2-38.
11. Maceda, 121.
12. Rojek, 32.

Mga sanggunian

Aban Jr., Fred, Pillora Jr., Mike. ANG BAYAN KONG SINILANGAN: PAGLALAKBAY SA MGA AWITIN NG ASIN. VCD-TA-002 Vicor Music 40th Anniversary Collection, 2015. CD.
ABS-CBN. Sotto recalls inspiration for EDSA revolt song ‘Magkaisa’. OnMonrnings@ANC. 11:16 PM, 25 Feb. 2016. news.abs-cbn.com/nation/v1/ 02/25/16/sotto-recalls-inspiration-for-edsa-revolt-song-magkaisa.
Ager, Maila. Edsa spirit has ‘evaporated’ like a bubble, Enrile says . (INQUIRER.net: 10:20 AM 05 Feb. 2016)
apo ni lolo, nag-uploaded. tatsulok original. 27 Peb 2007, YouTube, youtube.com/watch?v=PGce SNzCS6k.
Constantino, Renato. “Holding Back The Night.” National Midweek 8 Hun. 1988. 32.
Durian, Rene O. “OPM supports EO 255 Editorial”. Awit A La News, Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit, Vol. 1 No,. 1, Abr. 1989.
EILER. Manggagawa: Noon at Ngayon. Lungsod Quezon. Ecumenical Institute for Labor Education, 2002. Limbag.
Inquirer Research. Timeline: Feb. 24, 1986, Day Three. INQUIRER.NET, 3:15 AM February 24, 2014. newsinfo.inquirer.net/580163/timeline-feb-24-1986-day-three
Jocano, F., Landa. FILIPINO Value System A Cultural Definition. Quezon City: Punlad Research House, c1997. 5. Limbag.
Kim, nagsabmit ng Magkaisa liriks. Virna Lisa, PinoyLyrics.net Your online Filipino lyrics resource. pinoylyrics.net/lyrics/virna-lisa/magkaisa-20091160.html.
LEAD. Lahatang Panig na Giyera Laban sa Masa, TALAKAYAN, Tom. Blg. 11, Lungsod Quezon. 1990.
Maceda, Teresita G. “Pagkanta ng Tunay na Totoo sa mga Lipunang Sinilensyo: Ang kaso ng Chile, Argentina at Pilipinas” Social Science Diliman, Vol. 11 No. 2, (Quezon City: 2015) 111-133. journals.upd.edu.ph/index.php/ socialsciencediliman/article/view/ 4800/4332.
Marothy, Janos. Music and the Bourgeois, Music and the Proletarian. Akademiai Kiado, 1974.
Mary, nagsabmit ng Handog Ng Pilipino Sa Mundo liriks. Apo Hiking Society, pinoylyrics.net/lyrics/ apo-hiking-society/handog-ng-pilipino-sa-mundo-20091159.html
MENDOZA, IVY LISA F. The voice behind ‘Magkaisa’ Whatever happened to Virna Lisa? mb.com.ph, Manila Bulletin Publishing, 5:24pm 8 Aug. 2009.
National Democratic Front of the Philippines. “On the 42nd anniversary of the NDFP: The Pains and Gains of the National Democratic Revolution.” LIBERATION, NDFP, SPECIAL ANNIVERSARY ISSUE, JULY 2015.
Paredes, Jim. How Jim Paredes Gave People Power Its Anthem, And Why We’ll Never Stop Singing It. ROGUE, 23 Feb. 2016. rogue.ph/how-jim-paredes-gave-people-power-its-anthem-and-why-well-never-stop-singing-it/
Potpurri blogs, The Light A Fire Movement – Heroes or Terrorists? (Lin. 27 Mar. 2016) kahimyang.com/kauswagan/general-blogs/1751/the-light-a-fire-movement-heroes-or-terrorists
Rojek, Chris. Pop music, pop culture. Cambridge: Polity Press. 2011. 3, 32. Limbag.
Santos, Bong. 80s Music/OPM 80s to early 90s. (2007) en.allexperts.com/q/80s-Music/80-tagalog-songs.htm.
Sison, Jose Maria. “Cultural Imperialism in the Philippines.” Towards a People Culture, Reader #1, New World Academy with the National Democratic Movement of the Philippines, Amsterdam, 2013. 40. Limbag.
Storey, John. Cultural Theory & Pop Culture, (Athens, Georgia: 1998) 193.
Sweezy, Paul M. at Huberman, Leo. The Communist Manifesto Karl Marx and Friederich Engels. First Modern Reader Paperback Edition Third Printing, New York and London, 1968.
Tolentino, Roland B. Gitnang Uring Fantasya at Materyal na Kahirapan sa Neoliberalismo Pulitikal na Kritisismo ng Kulturang Popular. UST Publishing House, Manila, 2010.
Umil, Abet, dir. Kokak at Isang Mahaba-habang Usapan. Jumpcut Productions, 2010. Nilahad ito sa interbyu ko kay Chito Gascon, campaign manager ni Noynoy Aquino, LP Headquarters, Makati City.
Umil, Abet. “Moderato sa Koro isang sosyokultural na talambuhay handog ng OPM (Orig) sa masusugid na Metro Manilenyo, 1986-1992.” Quezon City, DFPP, KAL, UPD, 2017.

Share This Post