Ni JUAN ARMANDO PUEBLO
Nagiging bihasa ang isang makata sa pagsusulat ng obra
Hindi sa pagkakatha ng pabango at pampaganda
Upang pagtakpan ang krisis ng kasalukuyang sistema,
Hindi sa letra ng kasangkapang pampropaganda
Upang gawing banal pangangamkam ng mga kapitalista,
O sa paglikha ng romantikong literatura
Kung paanong sa Batas Militar paiibigin ang masa.
Ito’y nasa praktika’t teorya ng makauring pakikibaka,
Sa pagtatayo ng isang kaayusang makatarungan at malaya
Matutong magsulat sa dilim nang nakapikit ang mata
Upang isatitik ang panaghoy ng isang makabagong kartilya.
Nagiging matalas ang isang talumpati
Hindi sa patimpalak na ang gawad ay salapi
Doon sa halalan ng mga magnanakaw na uri,
Hindi sa pagbebenta ng amoy at mga palamuti
sa kasinungalingang may ginto ang dulo ng bahaghari
O sa naglilitanya ng taas ng lipad ng kalapati
Doon sa mapayapang mundo ng mga sawi.
Ito’y naririyan sa daing ng mga inapi ng naghaharing uri
Na ang panunumpa pagsasamantala ay mapawi.
Ang walang hanggang berso ang magbabahagi
Upang ipabatid ang kaisipang sa pang-aapi ay magwawaksi.
Naririyan sa pagpapahayag ng bawat sakit at dalamhati
Ang talas ng sugat ng bayaning sa digmaan nasasawi.
Sa nayon kailangang magtanghal ng walang ingay at kimi
Upang umalingawngaw sabayang pagbigkas ng minimithi.
At pagkatapos yanigin ang lupa ng buhawi,
Ipinagkait na lupa at karapatan ay mababawi.
Ang masa ang tunay ngang makata
Hinahamon ang panlalait at pangungutya ng burukrasya,
Nililikha ang kasaysayan sa panulat na alam niya.
Ang kanyang natatanging pluma—
isang mataas na ripleng sa apoy ng tingga’y nagbabaga!
Doon sa tagisan ng bangis ng makauring pakikitunggali
Ang masa ang likas na mananalumpati.
Kapag siya na ang bumibigkas ng kalayaang pinupunyagi
Tiyak nang ang rebolusyon ay magwawagi.
Sa entablado ng digma ang talumpating ito ay masidhi—
Bayang malaya ang tropeong iniuuwi!
Dito ay nagliliyab ang matapang na awit ng kabundukan,
Kung saan sa saliw ng proletaryong kaisipan nagsisipagkantahan.
Bawat paghakbang ng yugto ng digmang bayan
Ay may indayog ng suporta ng sambayanan.
Pinalitan na ang mga sintonadong instrumentong pinaglumaan
Upang marinig ang mga bagong kantang makabayan.
Ngunit ang masa’y musikero sa kanyang pamamaraan.
Nakalilikha ng musika mula sa kalikasan—
Sa pagkalos ng tubig sa lalagyan,
Sa pagbudbod ng asin sa mumong nasa hapag-kainan
At pagkumpuni ng nasira’t bulok nang tahanan.
At sa kumpas ng kanyang kamaong nakataas sa kalangitan—
Ang sandatang nagluluwal ng punglo ng katwiran
Parang gitarang tumutugtog nang walang hanggan!
At doon kung saan nahihimlay ang di naiidlip na kabundukan
Ang malapad at malalim na muog ay nakatanaw sa kapatagan.
Sa kahit saang sulok man ng kapuluan
Ay sanlaksang humahakbang ang sumusulong na daluyong
Ng magigiting na mga anak ng bayan
Upang iguhit sa kasaysayan ang isang bagong lipunan.
At doon kung saan dumadagundong ang mga larangan
Nagmamartsa ang Bagong Hukbong Bayan,
Umiindak sa tambol ng kalayaan.
At sa pagtigil ng pagsayaw ng ulan,
Madudurog ang kasangkapan ng kaapihan,
Mapapatid ang tanikalang gapos ng mga gahaman.
Sa pagsikat ng maningning na pulang araw sa silangan.
Magiging tahimik ang katahimikan.
Magiging payapa ang kapayapaan.
Napawi na ang lumang kaayusan.
Itinatanghal na ng sining ang dakilang napagtagumpayan.
Sa bigkas ng isang malaya at mapagpalayang panitikan,
Nakamit na ang tagumpay ng sambayanan.
Naitanim na ang bandila ng makauring kilusan.
Mabuhay ang digmang bayan!