Takbo, Taritz, takbo

Ni PRESTOLINE SUYAT
(Para kay Rita ‘Ka Taritz” Baua)

Takbo, Taritz, takbo!
Tumakbo ka nang patalikod
Kakaiba, nakapagtataka
hindi nila batid ang pakinabang
sa kakaibang pagtakbong magpapalakas ng kalamnan
ang masel sa hita at paa’y titibay
dahil paghahanda mo ito sa iyong paglalakbay para sa bayan.

Takbo, Taritz, takbo!
Ilang dekada nga ba ang iyong paglalakbay?
Hindi mo binilang, hindi kailangang bilangin
para sa iyo ang mahalaga
kapiling ka ng masang may pangarap sa gitna ng dusa
naririinig mo ang mga kwentong may kwenta
sa kalunsuran man at kumperensiya
sa kanayunan at kabundukang abot ng iyong mga paa.

Takbo, Taritz, takbo!
Nagturo ka at patuloy na nagturo
sa kolehiyo man at sa mga paaralang walang hangganan.
Ngunit tulad ng mga tunay na pantas
nagsikap kang matuto habang nagtuturo
silang bukal ng lakas, talino at karanasan
silang kasama mo sa pagpanday ng maaliwalas na kinabukasan.

Takbo, Taritz, takbo!
Ihinakbang mo ang iyong mga paa
sa daang iilan lang ang nangahas.
Ngunit kapiling mo na sila.
Silang napagod ngunit nagpatuloy
Silang nasugatan ngunit tapang ay walang puknat na dumaloy.
Silang sinubukang sumuko ngunit nagpasyang magtagumpay
Silang hindi na malilimot dahil hindi tumalikod sa masang pinakamamahal. #

Share This Post