Pambansang wika at ang panghahalimaw ng NTF-ELCAC

Isa sa pinakamaganda at dinamikong aspeto ng kulturang Pilipino ay walang iba kundi ang kakayahan ng mga kababayan na magkaintindihan sa pamamagitan ng pag-ussap, may mahigit man sa 100 wika ang gamit sa buong kapuluan.

Hindi tayo nag-uusap para hindi magkaintindihan. Sa positibong paglalatag, ang layunin ng pakikipag-uusap ay ang pagkakaintindihan.

Kapag nasa isla ng Mindanao ang tulad kong taga Luzon at laking NCR, nagiging saksi ako sa masayang salubungan ng Tagalog at Bisaya. Laman agad ng mga huntahan ang pagkakaiba, pagkakahawig at pagkakapareho ng mga salita at mga nalalaman at ginagamit na ekspresyon na may malalim na hugot sa kultura, ekonomiya at pulitika.

Siyempre hindi nawawala ang gay lingo at Ingles bilang mga wika na nagdadala rin ng pagkakaintindihan. Hindi rin nagiging hadlang ang pulo-pulong katangian ng Pilipinas at ang nabanggit na higit sa 100 wikang ginagamit ng ating mga kababayan. Patunay ito ng napakayamang kultura at pakikipagkapwa ng iba’t-ibang etnolinguistikong grupo sa ating bansa. Kung iisa lang ang wika sa Pilipinas at sa buong mundo, walang kapantay na pagkabagot sa buhay ang mapapala natin, hindi ba?

Bagamat pagkakaintindihan ang layon ng pag-uusap, hindi parating pagkakaisa ng damdamin, kuro at paninindigan ang tiyak na hantungan. Halimbawa, kung nagpahayag ka ng pag-irog tapos binasted ka, may pagkakaintindihan sa gitna ng sarili mong kabiguan.

O kaya naman sa pag-uusap hinggil sa pandaigdigang sistema, malalaman mo na para pala sa akumulasyon ng kita para sa kapital ang kausap mo. At malamang, bistado rin niya ang pagtutol mo sa pag-iral ng ganitong sistema at kung paano pinakabusabos sa lahat ang mamamayan ng Global South. Pero may antas pa rin ng pagkakaintindihan, magkasalungat man ang perspektiba’t pagtataya.

Ang hindi hayag sa mga ganitong engkwentro ay ang pagkakatuto natin sa wika. Madalas, hindi na natin itinuturing na bunga ng pagkakatuto ang wika na ginagamit natin sa panaginip o sa mga oras na gising. Itinuro sa atin at tuloy-tuloy ang pagkakatuto natin ng wika. Sa Pilipinas, may mas mabigat na responsibilidad tayo sa wika puwera pa sa patuloy na pagkakatuto nito. Ang responsibilidad na nabanggit ay walang iba kundi ang pagtatanggol sa ating wika sa mahabang panahong pinipipi at nilulunod ito ng mga polisiyang kolonyal, maka-imperyalista at kontra-demokrasya.

Marami sa atin na hanggang pagtanda ay marami pa ring natututunan hinggil sa ating wika. Bago naging pambansa at internasyunal pa nga ang kampanyang Stop the Killings na pinangunahan ng mga Lumad, hindi pa naging paksa ng agarang pagkakaintindihan ang katagang “bakwit.”

Hindi ko alam na distiyero pala ang katumbas ng exile kung hindi pa naglabas ng bagong aklat ng tula si Joi Barrios na may ganoong pangunahing tema at titulo (“Sa Aking Pagkadistiyero”).

Sa kanyang pagkadistiyero, nakahanap si Joi Barrios ng malawak na espasyo para sa responsibilidad na ito. Guro siya ng wika at literaturang Pilipino sa Unibersidad ng California-Berkeley. Dalawang beses na akong nakadalaw sa kanyang unibersidad. At may apat na klase na rin ang aking naupuan.

Nagulantang ako sa kanilang kaalaman tungkol sa bayan at wika natin. Bukod sa pagkakatuto sa Tagalog, may isang klase na nagkaroon ng palihan sa tula na estudyante mismo ang nagsulat sa Tagalog. Halos mga Filipino-American o Fil-Am ang mga estudyante. Mayroon ding dito sa atin ipinanganak at nangibangbansa kasama ang buong pamilya upang manatili doon. Maryoon ding ibang lahi. Lahat sila nasa mga klase ni Dr. Joi Barrios upang matuto ng wikang halos ibasura ng mga institusyon dito sa Pilipinas.

May isang punto sa palihan na naantig ako at halos maiyak. Naalala ko bigla yung mga taon ko sa elementarya. May tinatawag na “English Campaign” noon sa eskwela. Sa aking pagtanda, malalaman ko na ito pala ay may pambansang saklaw. Kailangan naming magsabit ng placard na may panawagang “Let’s Speak English At All Times!” May “fine” o parusang bayad na piso kapag nahuli kang nagsalita sa “dialect” (“if you are caught speaking in the dialect” ang tandang-tanda kong bahagi ng kalakaran). Php1.50 ang isang solong bote ng Pepsi noon. Lagi akong may baong pagkain kaya naman pambili na lang ng drinks ang pabaon sa aking pera. Pinipili ko parati ang makainom ng Pepsi kaysa magbayad ng fine sa pagamit ng ating wika. Kaya mula noon, nanahimik na lang ako.

Matapos ang akademikong taon, nakakuha ako ng parangal, sa una at huling pagkakataon– “Education Deportment”. Hindi ko naintindihan kung ano yun. Sabi lang ng nanay ko, best in behavior in the context of education at ang ibig sabihin daw ng deportment ay asal at pakikitungo sa iba. Binigyan niya ng partikularidad yung konteksto ng edukasyon kasi raw maldita naman ako sa bahay.

Sa bahay kasi namin puwede akong magsalita sa kahit na anong wika– Tagalog, Kapampangan, kaunting Ilonggo at Español kapag kausap ko ang lola ko, at kaunting Ingles dahil sa Sesame Street at halong Taglog at Ingles kapag kausap ang mga nakatatanda sa bahay. Malaya akong makapagpahayag ng tuwa, maktol, mga istorya at iba pang mga pangangailangan at nalalaman ng isang bata.

Sa eskwela, naging silent wonder ako dahil sa English campaign na yan. Pero sa mga susunod na taon, best in penmanship at kung ano-ano pang special awards ang makukuha ko. Hindi na yung deportment. Hudyat marahil ng pangyayaring kaya ko nang gumawa ng ingay at duamaldal sa Ingles kahit papaano.

Kaya naman magkakahalong tuwa, saklap at pag-asa sa mundong ito ang hatid sa akin ng pagmamasid sa mga klase sa Tagalog ni Dr. Joi Barrios-Leblanc sa Amerika. May programang Philippine Studies din na inoorganisa si Joi. Pumupunta rito sa atin ang mga estudyante at guro mula Estado Unidos. Nagiging lecturer at field trip coordinator ako para rito.

Sa isang field trip papuntang Hacienda Luisita, nagpakilala ako sa mga gurong kasama ng program. Laking gulat ko nang matapos kong banggitin ang pangalan ko, bigla silang nagtinginan, “siya si Sarah!” Sabi ko, “Oo ako nga, bakit?” “Naku! Alam namin kung anong ginawa mo noong birthday mo!”

Hindi ko alam kung joke ba yun o napagkakamalan nila akong ibang tao. Lilinaw sa akin ang lahat nang ituloy nila ang kwento. Nabasa raw nila sa Tagalog language na libro ni Joi Barrios ang isang language exercise na naglalahad ng kwento ng pasorpresa kong dalaw sa kulungan ng political prisoner na si Ericson Acosta.

Naglakbay ako mula Manila hanggang Calbayog, Samar sa aking kaarawan at siempre pa nagdala ng cake at nakabihis ng para talagang birthday ko. Lahat yun ay idinetalye nila sa akin. Tuwang-tuwa ang ibang hindi pa nakakaalam na nakalaya na si Ericson Acosta. Ipinawalang bisa ng noon ay Justice Secretary Leila de Lima ang mga gawa-gawang kaso ng mga militar laban sa manggagawang kultural at makata na si Ericson.

Magandang aalala. Naisaaklat pala ito ni Joi para sa mga nag-aaral ng kultura at wikang Pinoy. Ang masaklap ay nagtatagal nang husto si Sen. Leila de Lima bilang political prisoner dahil rin sa mga gawa-gawang kaso ng gobyernong Duterte, na buong tapang niyang nilabanan kapalit man ng kanyang laya.

Sa palagay ko, magiging napakagandang karanasan ang mabasa ang aklat na “Tagalog Stories for Language Learners” hindi lang para sa nagsisimulang mag-aral ng wikang Tagalog. Mahalagang matuto mula sa mga itinatampok na kwento ni Joi Barrios sa kanyang pagtuturo ng wika na nakalapat sa critical pedagogy.

KIlala natin si Joi Barrios bilang batikang kwentista, artista ng teatro, at higit sa lahat, makata. Ang aklat na ito ay ang kanyang unang pagsasaantolohiya ng mga kwentong inakda ng mga Piliipinong manunulat, maging ilang sa ating mga folklore. Kung gayon, tampok rin dito ang sensibilidad ng makatang si Joi Baririos na maaaring kaugnay at maaari ring hindi lubusang hayag sa kanyang mga tula.

Ito rin ang obrang nagtatampok sa pagiging makabayan at aktibistang guro ni Joi Barrios— isang kalidad ng pagiging akademiko at intelektwal na lagi’t-laging pinaghuhugutan ng inspirasyon at aral para sa akin at sa marami pang guro sa aming henerasyon na may pagtatangi sa mga ambag at pagpupunyagi ni Joi Barrios at ng kanyang henerasyon at ng ating kilusan na ibangon at itanghal ang pagkakatuto sa pamamagitan ng pakikibaka para sa pambansang paglaya, saan mang larangang propesyunal, disiplina at lupalop.

Sa ganitong akademikong praktika at intelektwal na lapit napatutunayan na ang wika kailanman ay hindi maikakahon sa linguistikong aspeto nito. Maging ang mga linguistiko ay kinikilala na ang siyentipikong pag-aaral ng wika o Linguistics, ang mga sangkap, partikularidad at katangian nito sa pangkalahatan ay hindi umiiral sa isang makitid bakyum. Hindi maihihiwalay ang wika sa buhay ng mga tao sa lipunan.

Nabanggit ko iyan dahil sa matinding atake ng NTF-ELCAC sa mga tagapagsulong ng wikang Filipino. Nauna na ang pag-ere ng mga kuro-kuro ni Lorraine Badoy at Jeffrey Celiz, mga tagapagsalita ng NTF-ELCAC. Maski si Badoy at Celiz ay wala namang sinasabing may kahit na anong antas ng kabihasaan o mga eksperto sila sa wika. Ngunit hindi ilang ang dalawang ito na umastang propesyunal at eksperto sa paksang wika.

Katulad ng gawi ng NTF-ELCAC, bukambibig nina Badoy at Celiz sa kanilang broadcast ang pagtukoy sa isang entidad tulad ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF). Sa kasong ito, bilang daluyan ng komunistang propaganda. Kung kaya’t kailangang itigil na ang publikasyon at i-ban ang mga aklat na subersibo na limbag ng Komisyon. May 17 titulo silang binanggit na batay sa kanilang pagbabasa ay may subersibong nilalaman.

Walang ibang trabaho ang NTF-ELCAC sa pag-iral nito mula 2018 kundi ang malawak na ilatag ang lambat upang tawaging network ang rebolusyonaryong armadong grupo. Sa madaling salita, sa budget ng NTF-ELCAC na may hayag na alokasyong 16 bilyon noong 2021 at 28 bilyon noong 2022, tutok ito sa padaskol-daskol na ebidensya ng paniniktik upang bigyang dahilan ang tunguhin nitong wasakin ang mga institusyon, takutin at sukdulang kitilin ang laya at buhay ng mga target nitong mga indibidwal na umano’y galamay ng CPP-NPA-NDF.

Habang ang CPP-NPA-NDF ay nagpapatuloy sa underground nitong pag-iral, kapahamakan ang dala ng NTF-ELCAC sa mga pilit nitong inuugnay sa rebolusyonaryong grupong hindi matalo-talo ng estado.

Kaya sa bilyones na budget, halina’t palabasing kalaban ng mamamayan ang mga mahuhusay at batikang manunulat. Sa kasalukuyan, nagdesisyon na ang KWF na sang-ayunan ang NTF-ELCAC na tanggalin sa mga aklatan at bilang bahagi ng babasahin sa eskwela ang 17 aklat na tinukoy ng mga Val na walang malay (sabi nga sa gay lingo) na sina Badoy at Celiz.

Subersibo raw ang ilang bahagi ng mga akda dahil pinapaksa nito ang rebolusyonaryong armadong kilusan, na para bang may nadiskubre silang pilit na itinatago ng awtor. O di kaya ay may mga nilalaman daw itong mga kritisismo kay Duterte at Marcos o sa gobyerno sa pangkalahatan. Kailan pa naging subersibo ang karapatang laya sa pamamahayag?

Sa totoo lang, ‘di hamak na mas madalas paksain ng NTF-ELCAC ang rebolusyong Pilipino kaysa sa kahit na anumang kaliwa at progresibong pahayagan sa bansa. Alam na rin ng mga kababayan na may gerang nagaganap sa pagitan ng mga sundalo ng gobyerno at ng NPA sa kanayunan. Bukod sa propaganda ng NTF-ELCAC, hindi rin magkandaugaga ang militar na mag-post ng mga larawan ng umano’y mga engkwentro nito sa mga rebelde. Mahirap paniwalaan na sa mga banned books pa talaga ng KWF manggagaling ang katotohanang may armadong tunggalian dito sa bansa. Sabi nga ng mga kabataan, “alam na this!”

Ang mahirap unawain ay kung paanong naiisip ng mga awtoridad sa gobyerno na nakeengganyong propagandista ng anti-komunismo si Badoy at Celiz. Halimbawa, halata kay Badoy ang kanyang kakapusan sa komunikasyong pasalita. Hindi minsan lamang niyang naipakita na hindi niya kayang bumuo ng malinaw na pangungusap sa Ingles man o Tagalog. Pero nadadaan naman niya sa pagmamatigas ng mukha at tila panlilisik ng mata ang damdaming gusto niyang iparating, na bahagi pa rin naman ng komunikasyon.

Si Celiz naman ay walang ibang kapit sa pagiging eksperto kundi ang kanyang sariling pagpapakilala bilang dating kadre ng Partido Komunista. Wala akong paraan para matiyak kung totoo man o hindi ang kanyang sinasabi.

Pero sa kasaysayan ng mga rebolusyonaryong kilusan sa buong daigdig walang ni isa sa medyo mahabang listahang ito ang nagprisinta sa sarili bilang kadre:
Marx, Lenin, Rosa Luxemberg, Clara Zetkin, Alesandra Kolontai, Mao Zedong, Fidel Castro, Hugo Chavez, D.N. Aidit, Crisanto Evangelista, Thomas Sankara, Patrice Lumumba, Walter Rodney, Edgar Jopson, Eman Lacaba, Recca Noelle Monte, Kerima Tariman at iba pang hanggang kamatayan ay hindi namutawi sa kanilang mga bibig ang katagang kadre bilang pagtukoy sa sarili.

Sa konteksto kasi ng rebolusyonaryong kilusan, may partikular na kahulugan ang kadre—matalas, intelehente, may mataas na prestihiyo, may mga tungkuling komprehensibo at may partikularidad, at higit sa lahat, handang magsakripisyo. Natural, iba pa ang pamantayan ng mga tradisyunal na institusyon at organisasyon. Ano’t ano man, ang kadre ay pinagkakatiwalaan at may susing papel sa kolektibong pamumuno ng rebolusyonaryong kilusan.

Kaya matinding batak sa imahinasyon ang isiping naging kadre ang isang katulad ni Celiz na kung pumostura ay kulang na lang mag-book launch ng kanyang sariling “Selected Works.” Tunay na kakatwa ang ganitong pangyayari. Pero kung babalikan ang budget allocation sa NTF-ELCAC at ang kakapusan sa kalibre ng mga binabayarang tagatrabaho rito, hindi mo alam kung tinayo ba ang NTF-ELCAC para magmukhang kalat ang gobyerno sa polisiyang counterinsurgency nito at gawing mukhang marangal ang kaaway at binabansagan nitong terorista.

Mukhang ganyan na nga ang siste. Mantakin mong sa Buwan ng Wika pa talaga nila isinalaula ang ugnayan ng wika at lipunan at gawing tungkol sa makitid nilang gawi na paninirang puri sa mga pinag-iinitan ang matagal na nating isinusulong na proseso ng pagpapanday ng pambansang wika.

Kilalanin natin na isang gerang impormasyon ang ginagawang ito ng NTF-ELCAC na nakabatay sa kamangmangan ng iilang nasa poder.

Wala sa lugar ni kakayahan ng NTF-ELCAC na magsuri ng mga akda. Kung gustong magsulat nila Badoy at Celiz ng literaturang “di subersibo,” magsulat sila. Ngunit malaking insulto sa utak nating mga Pilipino na diktahan ng isang “task force” para sugpuin ang rebolusyonaryong kilusan ang ating sensibilidad, panlasa at kakayahang magproseso ng nababasa at bumuo ng sariling kritika.

Sa buwan ng wika, gumawa ng listahan ng mga de-kalidad na librong isinulat ng mga de-kalibreng awtor at pinakamatitibay na taguyod ng wikang pambansa para lamang maging batayan ng isang political ban. Gawain ng mga salaula’t patapon ang pagba-ban ng aklat, sukdulang kriminalisasyon ng mga akdang may malinaw na pagsusulong sa pambansang wika. Hindi mandato ng NTF-ELCAC ang tukuyin ang hangganan ng kayang basahin at isipin ng bawat Pilipino sa sarili niyang wika. (https://www.bulatlat.com)

Sarah Raymundo is a full-time faculty at the University of the Philippines-Diliman Center for International Studies. She is engaged in activist work in BAYAN (The New Patriotic Alliance), the International League of Peoples’ Struggles, and Chair of the Philippines-Bolivarian Venezuela Friendship Association. She is a member of the Editorial Board of the Journal for Labor and Society (LANDS) and Interface: Journal of/and for Social Movements.

Share This Post