Ika nga ni Claudine Barreto, thank you so mu. Isa munang eyyyy mula sa mga bagong graduate. Hindi ko naisama sa aking profile na noong undergrad ako, naging 1st runner up ako sa Mister Eduk contest. Hindi man naging Mister Supra National, nanalo naman ako sa Eduk.
Salamat sa aking kolehiyo sa karangalang ito at napiling magsalita sa espesyal na araw na ito.
Pagbati sa Batch 2024! Marami kayong pinagdaanang hirap upang marating ang araw na ito. Iba-iba ang inyong kuwento, karanasan, sakripisyo, iyong iba dumaan sa samu’t-saring krisis at humantong sa tanong kung itutuloy pa ba, kaya pa ba na makatapos sa UP. Pero ang mahalaga ay hindi kayo sumuko. Kayo, higit kaninuman, ang nakakaalam ng dami ng puyat, iyak, tiyaga, at oras na ginugol sa napakaraming mga GC, at pinakisamahan ang lahat ng klase ng tao, kabilang ang mga toxic, para lang malampasan ang lahat ng hamon at balakid sa daan. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay nasusunod ang gusto natin pero sa dulo ay heto at tagumpay kayo. Tingnan ninyo kahit ang ating graduation ceremony, delayed ng isang buwan pero narito tayong lahat at nagdiriwang.
1996 ako freshman sa Eduk, ka-block namin ang mga taga Library Science; noong orientation lakas ng palakpak namin pagkatapos sabihin ng Chancellor na bawat estudyante ay magkakaroon ng e-mail. Email, ano yun? Pero wow, high tech, di ba? Hindi ito natupad syempre, pero gusto ko lang sabihin ang agwat ng ating karanasan. Iilan lang ang may kompyuter sa amin noon, kailangang pumunta sa computer shop para magpatype at magprint. Late 1990s naglagay ng payphone sa loob ng kolehiyo, masaya dahil pwedeng magpadala ng mensahe sa beeper. Pero bago magtapos sa kolehiyo, naging popular na ang cellphone kahit kasing laki ng pangkaskas ng yelo ang aming gamit, pero sulit naman dahil libre pa ang texting.
UP-Pantranco ang sinasakyan kong dyip kaya isa’t kalahating oras ang byahe dahil ginagawa noon ang Edsa-Quezon Avenue underpass at overpass. Sa UPIS ako nagpracticum pero hindi diyan sa tapat ng Eduk kundi iyong parking lot ngayon ng UP Town Center. Ang UPIS ngayon ay Narra Dormitory. Biruin ninyo may mga dormers na late pa rin ang pasok kahit sa tapat lang ang klase. Ilang taon o dekada mula ngayon ay kayo naman ang magkukuwento kung paano ang byahe papuntang kampus bago ginawa ang MRT-7 sa Commonwealth.
Maraming maling pagtingin sa ating kolehiyo. Una, maliit daw ang Eduk. Hindi; malaki ang populasyon natin (nanalo nga akong university student council chair), mukha lang maliit kasi sadya tayong palakaibigan at tumatambay kung saan-saan at hindi sa building. Pangalawa, marami raw multo sa Eduk. Anong multo, anong marami? Mas maraming kababalaghang nangyayari sa Sunken Garden na tanaw mula sa Eduk. At pangatlo, luma o makaluma ang aura at vibe ng kolehiyo. Hmm, klasiko ang ating gusali pero hindi luma ang kalidad ng edukasyon. Sa katunayan, mayroon tayong mabisang kombinasyon ng kaalaman na bunga ng ating interaksyon sa mga kabataang estudyanteng ating tinuturuan, at ang kasanayan at karanasang ambag ng mga batikang guro na pumapasok sa kolehiyo. Natitiyak ko, kung hindi man ngayon, ay dudulo rin kayo sa pag-unawa na oo, tama ang desisyong pumasok sa UP Diliman, pero ang mas tumpak na desisyon ay ang mag-enrol sa Kolehiyo ng Edukasyon ng UP Diliman.
Laman ng mga balita at komentaryo ang epekto ng Artificial Intelligence o AI sa mundo. Naalala ko na ang buzzword noong 1999, senior year namin sa kolehiyo, ay hindi AI kundi Y2K o millennium bug.
Magkahalong pangamba sa posibleng pandaigdigang shutdown ng mga kompyuter sa pagsapit ng taong 2000, at paghirang sa potensiyal ng popularisasyon ng internet. Ang ebolusyon ng internet mula search noong 1990s, patungong web 2.0 noong 2000s, social media, ang paglaganap ng disimpormasyon sa nakalipas na dekada, at pag-usbong ngayon ng AI ay kasabay din ng inyong pagkamulat. Ang inyong henerasyon na lumaking hawak ang smartphone at nakatutok sa laptop ay nasa posisyon kung gayon kung paano gagamitin ang AI bilang instrumento ng kabutihan at plataporma para sa bagong edukasyon.
Ang dapat nating bantayan ay tendensiyang palakihin ang papel ng teknolohiya sa proseso ng pag-aaral at maliitin o burahin ang ahensiya ng mga nagtuturo at nag-aaral. Sa kasaysayan ng mundo, noong naging malaganap ang paggamit ng telegram, radyo, TV, fax, at kompyuter ay sinabayan ito ng mga komentaryo at mga Nostradamus na pagsusuri na mapapalitan na ang guro sa loob ng klasrum. Subalit hindi ito nangyari. Higit na naging sopistikado ang ganitong pagtingin sa pagdebelop ng internet at ngayon ng AI. Kahit sa state of the nation address ng pangulo ay sinalamin ang pagtingin na nakasalalay ang pagpapahusay ng pag-aaral sa distribusyon ng mga gadget sa mga paaralan.
Ngayon, higit kailanman, at kahit sa hinaharap, ay patuloy na makabuluhan ang papel ng guro sa paggabay at pagtiyak na umaabante ang kaalaman at dunong ng bawat henerasyon. Walang kaparis na pagbabago ang idudulot ng AI sa mundo subalit sa dulo ay hihigitan pa rin ito nang mas abanteng aplikasyon at algorithm; pero si titser, si ma’am at si sir ay hindi matitinag sa kanyang posisyon bilang kaagapay natin sa pagkalap at paglika ng mga bagong kaalaman.
Sa panahon ng internet, sa normalisasyon ng paggamit ng AI sa pang araw-araw, higit na kailangan ng mga guro na magtitiyak na armado tayo ng batayang kasanayan sa pagbasa, pagsulat, at kritikal na pagsala ng impormasyon. Ang guro sa loob ng klasrum ay ang orihinal na fact-checker, ang influencer na tinitingala, ang tagabigay ng prompt kung ano ang huhulmahing impormasyon, ang admin, webmaster, at tagapagpadaloy ng palitan ng impormasyon. Si titser ang isa sa mga designated survivor ng sangkatauhan sa panahon ng walang katapusang ligalig sa mundo.
Ang internet at AI ay hindi dinebelop para sa demokratikong adhikain kundi para sa negosyo. Nasa sa atin kung paano angkinin ang potensiyal nito upang lutasin ang mga problema sa lipunan. Kayo, bilang mga bagong guro, ay may makasaysayang responsibilidad na magtakda ng mga standard at praktika kung paano ito gagamitin sa pag-aaral sa halip na maging sagka sa pagbabago sa lipunan.
Susi dito ang mas masaklaw na perspektiba kung paano ba epektibong sinusulong ang pagbabago sa larangan ng edukasyon. Ang guro kasama ang mag-aaral bilang mga boses at pwersa na panig para sa pagbabago sa komunidad. Pagkilala ito, halimbawa, na ang Edcom 2, upang magtagumpay, ay kaakibat ang panawagan para sa mabuting pamamahala.
Nakaangkla ang transpormasyon ng edukasyon sa buod ng namamayaning politika sa bansa. Paalala ito na hindi pwedeng ang tore ng kaalaman sa loob ng klasrum ay ihiwalay sa kalagayan ng lipunan. Hindi pwedeng malaya ang unibersidad pero nananatiling pyudal ang kaisipan sa bansa. Ang paniwalang ito ang nagtulak sa akin, sampu ng iba pa, na suungin ang isang landas na maaaring palabas ng paaralan subalit ang inspirasyon at motibo ay pagbutihin ang kagalingan ng lahat ng paaralan.
Ang inyong edukasyon sa UP ay nawa’y higit na nagbukas ng inyong kamalayang panlipunan. Pumasok kayo sa pamantasan sa panahon ng pandemya, nalagpasan natin ito subalit naging mas matindi ang krisis sa bayan, at kayo ngayon ay magsisipagtapos habang nasa isip natin hindi lang ang mga nasalanta ng mga pagbaha at oil spill kundi ang mga biktima ng genocide sa Palestine. Ang edukasyon ay karapatan subalit hindi lahat nagkakaroon ng oportunidad tulad ninyo na umabot sa kolehiyo at makakatanggap ng diploma. Ang kabuluhan ng edukasyon sa UP ay pinapalawak ang ating pananaw kaya ang isang kamay natin ay may hawak ng diploma at ang isa naman ay nakikipagkamay o nakikidamay sa danas ng iba tulad ng mga estudyanteng Lumad sa Mindanao o mga bata sa Gaza.
Narating ninyo ang yugtong ito ng inyong buhay dahil may mga taong nagtiwala sa inyong kakayahan at sinuportahan kayo hanggang sa ngayon dahil mahal nila kayo. Kaya lagi’t lagi magpasalamat una sa inyong mga propesor, adviser, sa lahat ng teaching at non-teaching personnel na nagtiyaga at nagtulak sa inyo sa tamang direksyon; pangalawa, sa inyong mga kaklase at kaibigan, mga nakasama sa gala sa loob at labas ng kampus, naging makulay ang college life ninyo dahil sa kanila, at higit sa lahat, sa inyong mga magulang at pamilya na naniwalang subsob kayo sa pag-aaral habang remote learning setup kahit ang totoo ay madalas naglalaro lang ng ML. Hindi masukat na sakripisyo ang ginawa nila upang mapatapos kayo sa kolehiyo. Mamaya, daig pa nila ang nanalong gold medal sa Olympics sa tuwa kapag makita kayong umakyat ng entablado.
Pagkatapos ng kolehiyo ay mas marami pang hamon at pagsubok ang kakaharapin pero umaasa tayong hinanda kayo ng UP upang pagtagumpayan ang mga ito.
Dahil kayo ay mga bagong guro, tiyak panghabambuhay o pangmatagalan ang inyong dedikasyong maglingkod sa kapwa. Sana ang ganitong aktitud ay ilapat din natin sa politika at hamunin ang palasak na paggiit na mabilisan o instant ang pagbabago sa lipunan. Mga politiko lamang ang nangangako ng ganyan, ang kanilang long-term vision kasi ay abot lang ng 3 to 6 years, at minsan nga 3 to 6 months lang, at tingnan ninyo naman kung saan tayo dinala ng ganyang liderato.
Pero kayo na tatao sa frontline ng mga komunidad, ang idebelop natin ay solidong hanay ng mamamayan na hakbang-hakbang pero determinadong magsulong ng ganap na pagbabago sa ating bayan.
Tiyak hindi mawaring tuwa, takot, agam-agam ang nararamdaman ninyo ngayong tatapak kayo ng bagong buhay sa labas ng kampus. Walang masama na maramdaman ito. Ang payo ko sa inyo ay laging maging bukas sa mga posibilidad, at lumikha ng mga posibilidad sa inyong buhay, sa buhay ng inyong kapwa lalo na ng inyong mga estudyante, at sa hinaharap ng ating bayan.
Nangarap ba lahat tayo noon na mag-aral sa UP o magtapos sa Eduk? Hindi. Pero ang posibilidad na ito ay minsan nating niyakap, tayo ay nagsumikap kung kaya’t andito kayo ngayon. Hindi lahat trabaho agad ang hanap, hindi lahat makakapagturo agad; sa hinaharap maaaring ibang larangan ang inyong gustuhin. Ang iba mag-aaral ulit, ang iba baka maghanap o magpakabihasa sa ibang bagong kasanayan. Pwedeng maging lingkod bayan, magtrabaho sa burukrasya, at pwede ring nasa labas ng mga institusyon, kakapit-bisig ang masa, at nagtataguyod ng alternatibong hinaharap. Basta huwag kayo gagamit ng confidential funds, at kapag tinanong kung saan ginastos ay sasagutin ninyo ng shimenet.
Walang pinipiling edad ang paghabol sa mga posibilidad. Ito ang sapulin natin, hindi ang pamantayang tinatakda ng popular na opinyon o ng kalakhan sa lipunan. Huwag nating tanggapin na ang kasalukuyang kaayusan ang rurok ng mga posibilidad. Papayag ba tayo, halimbawa, na mga bulok na political dynasty ang mamuno na naman sa 2025 at 2028? Wala sa 1987 Konstitusyon na libre ang kolehiyo pero may batas tayo ngayon hinggil dito, na bunsod ng paggiit ng iba’t ibang sektor. Kapag sinabi mong free wi-fi noon, ang sagot ng marami ay bakit, at baka hindi natin kaya, at sayang sa gastos. Ngayon, susing serbisyo ito sa komunidad. Ang aral: Kung hindi pumapabor sa atin ang sitwasyon, kung sa tingin natin ay imposibleng makuha ang inaasam, ang akmang tugon ay ipihit ang mga posibilidad hanggang maging paborable sa direksyon ng pagbabagong ating tinatahak.
Aplikable ito kapwa sa ating personal na buhay at sa ating bayan. Angkinin ang mga posibilidad hanggang makamit ang tagumpay. Kilalanin ang kapangyarihan ng kolaborasyon at kolektibong pagkilos upang hubugin ang tawag ng panahon.
Batch 2024, rebyuhin ang checklist kung paano ba maging iskolar ng bayan? Very demure, check. Very mindful, check. Sa huli, kayo ang magdedesisyon kung saan kayo papanig. Piliin ang pagtuturo ng bagong henerasyon ng mga Pilipinong may pagmamahal sa kapwa at bayan. Piliin ang Pilipinas. At higit sa lahat, piliin ang paglaban.
*Talumpating binigkas ni dating Kabataan Partylist Rep. Mong Palatino noong Agosto 31 bilang panauhing tagapagsalita sa parangal sa mga nagsipagtapos ng Kolehiyo ng Edukasyon ng UP Diliman.
Si Mong ay aktibista at alumnus ng Kolehiyo ng Edukasyon ng UP Diliman.