Kamatayan sa Pamamagitan ng Paghihirap

May buhay ba sa kamatayan dulot ng paghihirap? Maging ang zombie ay buhay pa rin kahit kamatayan na ang bumubuhay dito. Hindi naman ito mamamatay pa. Ano ang melancholia ng zombie, mga nilalang na nakalugmok sa kamatayan at paghihirap gayong nabubuhay lamang para araw-araw (o gabi-gabi sa pelikulang horror) na maging buhay na kamatayan?

NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat.com
Vol. VIII, No. 29, August 24-30, 2008

Sa pelikula, lalo na sa Hollywood at maging sa telebisyon, ang kamatayan ay isang etetisadong karanasan. Pinagaganda ito, nakakamamangha, at parang gusto mong gayahin. Kahit na karumal-dumal ang pagkamatay, nakakapanghalina ang seduksyon ng imahen ng pasakit, pighati, karahasan at kagimbal-gimbal na sandali.

Nais ng manonood na mapapikit ang mata, pero sabay ng akto ay ang sandali na dagli rin niya itong bubuksan. Nais niyang matanto ang kaganapan, hindi man ng kabuuan nito kundi ang mga sala-salanit na sandali ng kamatayan. Sa Dead Poet’s Society, ito ang dramaturgy ng suicide ng isang high school na lalake. Nakahubad sa kwarto, kalagitnaan ng winter, nagputong ng korona ng dahon, at nagpatiwakal.

Sa Black Hawk Down, ito ang sandali na nilulusob na ng mob na Somalians ang naiwang sundalong Amerikano. Tiyak ang kahihinatnan. Habang binubulalat ng sundalo ang kanyang wallet at tinatanaw ang larawan, nakapasok na ang galit na Somalians at handa na siyang saklawin ng baril, bato, bat at kung ano-ano pang maaring maging instrumento ng karumal-dumal na pagpaslang.

Estetisado dahil hindi lang napapaganda, napapahalina ang manonood sa karanasan sa kamatayan, mula sa isang ligtas na pwesto. Wala tayo sa kalungkutan ng isang alienadong kwarto sa tagyelo, o ang giyera ng pakikisangkot ng US sa Somalia.Hindi mo “i-wi-wish ko lang” ang ganitong uri ng kamatayan sa mahal sa buhay. Estetisado dahil kahit ligtas at vicarious ang pwesto nating manonood, may care tayo sa mga tauhang pinapanood.

Nagiging kagimbal-gimbal ang pagdanas sa kamatayan. Ang lohika ng pagpapatiwakal ay naisasambulat sa manonood para kahit saglit ay mag-self-interrogation sa metapisikal na katanungan sa buhay: halaga, pagtutumbas, pagtitimbang, kawastuhan ng buhay, at desisyong kamatayan. O ang napipintong karumal-dumal na kamatayan ng iba na inakong maging kabahagi ng sarili.

Sa Black Hawk Down, ang identifikasyon ay sa mga gwapong artista/tauhang Amerikano. Kahit mina-masaker ang Somalians ay walang close-up shot ang mga ito. Ang suturing ay ang continuity di lamang ng naratibo ng pelikula, kundi maging ng imperialismo ng US. At kahit magpakaganito, walang pagtitiwalag dahil nagiging personal na karanasan ang kolektibong pagdanas ng filmikong kamatayan.

Affected tayo, at sa pagiging affected natin, ang substansyang care (pagpapahalaga, pangangalaga, pakikipag-kapwa) sa interbensyong nagpalaot ng militar at sundalong maggandang tignan sa big screen ng US. Ang representasyon ay rasyonalisasyon, kahit belated, sa mga historikal at real na akto—kung bakit ang kalakaran sa nakaraan na may patuloy na impact sa kasalukuyan ay nagiging katanggap-tanggap.

Ginagawang implicated ang manonood, na sa unang pagkakataon naman ay voluntaryong piniling tumangkilik ng pelikula. Sa filmikong kamatayan, natutunghayan ng manonood ang mortalidad ng kanyang sariling pagkatao. At dahil siya ay makakalabas pa sa sinehan, di tulad ng mga nangamatay sa pelikula, ang muling pagbagong-silang paratihan matapos siyang manood ng sine.

Ang estetisadong kamatayan ay isang magandang kamatayan. Kaya nga muli’t muli itong isinasabuhay (o isinasamatay) sa paratihang panonood ng sine. May namamatay, mabigat ito, matutunghayan ng manonood ang sarili niya sa kamatayan, pero tulad ng mundo ng pelikula, makakausad muli’t muli ang mundo at ang manonood.

Kaya madalang may mamatay sa pelikula, pwera na lang kung action film ito. Kahit sa pelikula sa bansa, tanging social melodrama at pelikulang bakbakan may katiyakang may mamamatay. Ang kamatayan ay huling alas na ibinabagsak sa naratibo ng pelikula. Sa pelikulang bakbakan, ang kamatayan ng isang sekundaryong karakter ay nagiging impetus para maghanap ng moral na retribusyon ang bidang lalake. Ito ang katumbas sa bidang babae sa melodrama, kung bakit sila nagiging handang bumangon at durugin ang kanilang kaaway.

Sa pelikula ito. Sa tunay na buhay, ang kamatayan, kung hindi naman direktang naapektuhan ay wala namang saysay. Pang-araw-araw na kasi ang kamatayan na hindi na ito kapansin-pansin. Marahas ang lipunang Filipino na ang tendensiyang reaksyon ng indibidwal ay magpadesensitize sa karahasan.

Kaya may pagbaling sa filmikong kamatayan, bilang anyo ng desensitization. At ang desensitization ay kakatwa dahil ang pinipiling maapektuhang kamatayan ay nagsasalin sa patagong metapisikal na isyu na may hayag na ideolohikal na posisyon. Desensitize na ang turing ay may minamanas at binubuhay na bahagi.

Pinamamanas ang relasyon ng karahasan sa labas ng lipunan, ang motibasyong pampelikula na rasyonal kung bakit nagpapakamatay ang mga tauhan. Binubuhay ang sariling fasinasyon sa kamatayan mula sa ligtas na posisyon. Wala namang may terminal cancer na natatagpuan sa loob ng sinehan. Ang puwang ng malalang sakit, pagpapatiwakal, at kamatayan ay sa loob ng pelikula.

Sa natunghayang kamatayan sa loob ng pelikula, nabubura ang ugnay sa labas ng pelikula, naipapaloob sa indibidwalidad at indibidwalismo. Indibidwalidad dahil indibidwal naman ang namamatay, kahit pa masaker ang pinapanood. Indibidwal din ang nagluluksa. Indibidwalismo dahil patungkol sa sarili ang katanungan: bakit tayo affected, bakit may care kahit devil-may-care naman talaga?

Share This Post