Politiko sa Pinas

NI REY TAMAYO, JR.
Inilathala ng Bulatlat.com

Hindi tayo makatakas sa mga nakatutulig na pangungusap
Mga mapang-usig at nakaririnding mga pangako
Ng mga politikong bihasa sa maiinam na talumpati
Na waring mga bulong na umaali-aligid sa ating kamalayan.

Kung papaanong kinutkot ng kalawang ang talim ng ating pagkatao.
At tuluyang lumalalim ang sugat ng kahapong lumipas .
Sabay pa ang pag-inda ng kirot at pasakit sa puso,
Ang dulot nito ay tarak at kawalang-malay sa panganib.

Bagama’t isang hubad na katotohanan sa tulad nating hampas-lupa,
Tayo’y nililinlang at sinusukol sa matinding pagkadalita.
Kaya nilang baliktarin ang isang bagay ng kanilang salapi,
Itong katarungan ay marahang humuhulagpos sa ating mga kamay.

Manhid na ang ating diwa sa mapapait na adhikain nila,
Na nililiglig sa kawing-kawing na pananakot sa madla.
Ang mabuhay ng marangal ay parang bang kayhirap abutin,
Kung naririyan ang mapanlinlang na politiko.

Hangad ng iba ay yumama’t maging tanyag
Makisakay sa agos ng napapahanong isyu’t usapin.
Samantalang ang kanilang trabaho nabao’t nabibinbin,
Iyan ang politiko sa ating inang bayan na handa nang ilibing.

Posted by (Bulatlat.com)

Share This Post