NI RICHARD R. GAPPI
Inilathala ng Bulatlat
Ito ang elehiyang isinulat
sa kweba ng Angono, Rizal, sa Pilipinas —
Sa Petroglyphs:
nakasulat sa dingding ng bundok
ang buhay at kasaysayan ng aming bayan.
Dito inukit ng mga Ang Nuno ang kanilang
pagkamulat at ulat ng panahon
bago lamunin ng dagat ang kabayanan.
Ang Petroglyphs:
ang huling tahanan at kanlungan ng sining at kabihasnan.
Ito ang elehiyang isinulat
sa kweba ng Angono, Rizal, sa Pilipinas
at hindi ito ang sining ng paglipol at pagpaslang –
Ngayon, halos apat na libong taon na ang nakakaraan,
nakalukob at nakalagda sa bawat puso
ang dambuhalang alon ng aming maunos na panahon.
Sa pader at hangin, nakaukit ang galit, giit at hiling:
“STOP THE KILLINGS!”
Gayunman, ang mga biktima mismo’y
walang kwebang-nitso na paglalagakan ng kanilang katawan
o ng inukit na lapida kung saan,
kung saan maitatala ang kanilang
pangalan o taon ng pagsilang at pagkamatay;
– hindi, higit sa lahat, ang panahon ng kanilang pagkapaslang.
Sapagkat ni walang makakita at makabakas
– maliban sa isang kawan;
Sapagkat ni walang makakita at makabakas
sa huling yabag ng kanilang patpat na talampakan
at makaalingawngaw sa huling daing ng hibik, sakit;
– hindi, higit sa lahat, ang kanilang matimyas na paninindigan.
Sapagkat ni walang makakita at makabakas…
Maliban sa isang kawan…
Maliban sa isang kawan ng mga paniki
na apoy-impyerno ang mga mata sa dilim.
Tumalilis,
nagpulasan,
sabay-sabay;
kumakawak,
nangangatog
na
humahalakhak
ang mga
pakpak.
Nang bigla silang pungluin ng unang silahis ng araw na nakaasinta sa Silangan.
3 Oktubre 2006