Sa Araw na Ganap Nating Bawiin ang Ating Pagpapahintulot

Ni Alexander Martin Remollino
Bulatlat.com


Kailangan daw natin ang kanilang pahintulot

upang makapagpahayag,

maging upang makapaningil ng katarungan

alang-alang sa isang obispo,

sa isang obispong katulad ni Kristo

ay ipinako sa krus

dahil pinanigan niya ang mga inapakan.

Kailangan daw natin ang kanilang pahintulot.

Umakyat na ang kapangyarihan

sa kanilang mga ulo.

Kaya nakalimot na sila,

nalimutan na nilang kaya sila naririyan

ay dahil na rin sa ating pagpapahintulot.

Tayo ang unang naglagay ng setro

sa kamay ng reyna.

At umaapaw ang masasarap na pagkain

sa dambuhalang mga hapag nila sa Palasyo

dahil sa mga buwis na ang ipinambabayad

ay ang mga butil ng ating pawis,

ang mga patak ng ating luha at dugo.

Kaya sila naluklok sa kataas-taasan

ay dahil sa atin, dahil sa ating pagpapahintulot.

At pagpapahintulot pa rin ang pananahimik

habang dumaragundong ang tunog ng mga ulong

binabayo ng mga batuta, binabayo ng mga batuta

dahil nagtangkang tumungo sa Mendiola

at ihingi ng katarungan

ang isang alagad ni Kristong ipinako sa krus.

At sapagkat tayo ang sa kanila’y nagluklok

at nagpapapanatiling nakaluklok,

tayo rin ang makapagtatanggal ng setro

mula sa kamay ng reyna,

ng reynang wala nang matwid na mamuno.

Sa araw na ganap nating bawiin

ang ating pagpapahintulot,

ang ulo ng reynang utusan,

utusan ng banyagang emperyo —

ulong ngayo’y labis nang lango sa kapangyarihan

ay gugulong, gugulong tungo sa putikan.

Inilathala ng Bulatlat

Share This Post