Ang Pag-unlad ng Sining ng mga Makata ay Salamin ng Karanasan ng Kanilang Audience

At ang ganitong pananaw sa literature ay di namimili ng panahon.

Palasak na argumento dito sa Pilipinas noong dekada 1980: ang pagiging punk ay 99 porsiyentong attitude at 1 porsiyento lamang na porma. Pero ibang kwento na iyon.

Ang punto: ang makata ay manunulat ng karanasan. At ang audience pa rin ang nagtatakda ng pag-iral ng anumang likhang-sining. At ang audience na binabanggit ay yaong kumakatawan sa mayorya. At hindi ito ang selective elite at/o intelektuwal.

Tanong. Kaya ba nagsusulat ang makata ng akda ay para sa kapwa niya makata at/o manunulat?

Kung “hindi” ang sagot ng makata sa tanong, target niya kung gayon ang mayoryang audience – at marapat na matuto ang makata mula sa kayang audience. Unang hakbang lamang ang pagkuha at paghiram ng karanasan mula sa audience at kalauna’y isusulat ang karanasang ito. Mas mahabang proseso ang susing kawing na commitment sa pakikisangkot sa karanasan ng audience upang makalikha ng akda, tula o anumang porma ng sining. Sining na kalauna’y maaaring hindi na tawaging sining, kundi isang materyal na bagay na iniluwal at bahagi ng praktikang panlipunan.

Naalala ko ang banggit ng isang kaibigang makata na abogado rin, wika nya: “Nililikha ang sining para wasakin ang iba pang naunang likha para magluwal ng bagong sining.” Magandang pakinggan pero abstrakto ang aking pagkaunawa nang una kong marinig. Lutang ang pagtatangka ng pagtakas.

Sabi ko, “Likhain natin ang sining at hayaang ang audience ang magwasak sa lumang karanasang pinagmulan nito. At saka pa lamang iluluwal ang bagong kaayusan na muling paghahalawan ng isang mas maunlad na sining at ito’y isang walang-katapusang pag-ikid.” (Bulatlat.com)

*Si Axel Pinpin ay kabilang sa tinaguriang “Tagaytay 5” – kasama nina Riel Custodio, Aristedes Sarmiento, Enrico Ybañez, at Michael Masayes – na dinukot ng mga pulis at military noong Abril 28, 2006 sa Tagaytay City, pinaratangang mga “rebeldeng komunista” at ngayo’y halos isang taon nang nakakulong sa Camp Vicente Lim ng Philippine National Police (PNP). Naging fellow siya para sa tula ng UP National Writers Workshop noong 1999. <

Share This Post