Ganoon Pala ang Mabaril ng Demonyo

NI DELFIN MALLARI, JR.*
Inilathala ng Bulatlat
TULA
Vol. VII, No. 14 May 13-19, 2007

I
Ganoon pala ang mabaril ng demonyo…
Abril disinuwebe, taong dos mil siyete
dakong alas siyete kuwarenta ng umaga sa orasang Pinoy,
Habang parang karo ng punerarya ang takbo ng kotse
sa pinagsamantalahang konkretong Maharlika Highway;
Nang mula sa kung saang impiyerno ay biglang sumulpot ang dalawang demonyo,
dumikit na parang hunyango sa gumagapang na karo,
At kinalabit ang kapirasong bakal na padala
ng kanilang patron na nagpapanggap na santo sa mata ng tao.

II
Ganoon pala ang mabaril ng demonyo…
Hindi mo madidinig ang tunog na bang! bang! na nababasa mo sa komiks,
Hindi mo rin maramdaman ang pagbulwak ng mapulang dugo
na magpapalagkit sa suot na puting t-shirt na regalo sa nakaraang kaarawan,
Wala rin ang klasikong pagdidilim ng mga paningin,
pamamanhid ng mga kalamnan at pagpanaw ng hinahabol na hininga.
Iisa lang pala ang totoo kapag binaril ka ng mga demonyo –
Tatawag ka pala sa Kanya at sa lahat ng mga maaalalang mong santo
at matapat na makikiusap –
“Huwag po muna, huwag po muna ngayon,
kawawa po ang aking maiiwang pamilya…”
At dahil hindi naman boladas ang bawat kataga mong inuusal
ay mawawalan pala ng bisa ang tingga,
Dahil pipreno ito sa loob ng laman
para walang tamaang gulugod at mga minudensya.

III
Ganoon pala ang mabaril ng demonyo…
Hindi pala mainit na tingga ang mararamdaman
mong humahaginit sa loob ng katawan upang magpalutang sa iyong kaluluwa
at lumipad sa dako pa roon na hindi malaman ang patutunguhan.
At sa halip ay para ka palang sinapak ni Pacquiao
na kung hindi ka sasanggahan ng iyong anghel de la guardia
ay puwede kang gawin na parang lantang gulay sa tambakan sa Divisoria
upang habang buhay kang kukutyain ng mga imbi kasabay ng
walang kamatayang sonata ng kanilang sintunadong diyos-diyosan,
Kasabay ng kanilang pagbibilang sa labintatlong pilak at ilang gramo ng shabu
na pampakalma sa pambubulahaw ng kanilang dispalinghadong kunsyensya.

IV
Ganoon pala ang mabaril ng demonyo…
Sa memorableng araw ng pagtataling-puso makaraan ang dalawampu’t apat na taon nang tag-ulan at tag-init,
Muntik nang maputol ang kinukuwintas na ala-ala ng soyang “sensual massage” sa gabi, suwabeng menu at paglalagari sa mall tuwing dapit hapon.
Pipigtalin din ang larawan ni Kulafu sa kanyang hindi malamang direksyon kung nurse o madjikero,
Ang kakulitan ng “pug” na si Laysie at mauunsyaming balak na patikimin na rin ito ng
pinakamasarap sa mundo.
Sa humaginit na tinggang bumulusok sa kamortalan,
Ilang tuldok na lang ang iniwang layo ni kamatayan na biglang titipa sana ng “delete” sa lahat ng masaya at mapait na memorya,
Upang pagkatapos ay maging isang guhit ka lang sa humahabang bakod ng mga naunang nabura sa kasaysayan na ngayon ay binabalot ng lagim at kabangisan.

V
Ganoon pala ang mabaril ng demonyo…
Mula sa kamay ng mga bayarang sugo ng kabuhungan na gustong supilin
ang araw at gabing mainit na pakikipagromansa sa tiklado ng kompyuter
at minsan ay nakasisilaw na monitor iskrin,
At laslasin sa gilotina ang hiram na buhay upang ang katas ay sumama
sa tila walang katapusang pag-agos ng mapulang dugo mula sa mga naunang itinumba sa altar ng katotohanan,
na mga kakosang deboto na katulad mo’y yumakap din sa talim ng pluma at papel
habang sila namang nasa Palasyo ay patuloy lang sa manhid nilang pagbibilang sa mga
kinitil sa kadiliman,
na silbing gumagayuma sa marami pang demonyo sa patuloy nilang pamamaril sa mga lumilipad na malayang ibon,
Ngunit kasabay sa impit na pagluha ng mga naiwan,
Ay patuloy ang pagtataas ng nakatikon na kamao,
At mas lalo pang nag-aapoy na pakikipagniig sa ngayon ay duguang tiklado.

Inilathala ng (Bulatlat.com)

*Si Delfin Mallari, Jr., ang may-akda nitong tula, ay ang koresponsal ng Philippine Daily Inquirer na nakaligtas sa isang tangkang pamamaslang sa Lucena City, Quezon noong Abril 19.

Share This Post